Prologue

19 1 1
                                    



Prologue

"Alas otso y medya ang madalas na dating ni ma'am Maemae. Kung wala pa siya hanggang alas nuwebe, tawagan mo siya sa cellphone number niya. Nakasulat iyon sa directory sa tabi ng telepono sa sala. Tanungin mo kung uuwi siya. Kung hindi, magsara ka na. Siguraduhin mong nai-lock ang main door, Joy," diretsong nakatingin sa akin si tiya Emilia.

Panay naman ang tango ko sa bawat habilin niya. Ang iba pa'y isinulat ko na sa maliit kong kwaderno para hindi ko makalimutan.

Hindi na ako bago rito sa bahay ngunit hindi kasama sa nakagawian kong trabaho ang mga habilin ngayon sa akin ni tiya. Iyon ang tungkulin niya. Ngunit, dahil sa kasama siya ng aming amo sa kanilang pagbabakasyon sa ibang lugar ay sa akin muna ipinasa ang mga ito.

"Emilia? Joy? " Umayos ako ng tayo nang marinig ko ang boses ng amo naming babae, dinig ko rin ang papalapit niyang yabag. Initago ko sa bulsa ng aking blusa ang hawak kong kwaderno.

"Yes, ma'am Huan?"

"Take care of the house while we're away. Be safe, okay?" Habilin niya sa akin, ang paningin ay diretso sa akin.

"Okay, ma'am," wika ko kasabay ng pagtango.

"Let's go Emilia! Chen and the kids are waiting in the car," aniya at lumabas na ng bahay. Muli akong sinulyapan ni tiya Emilia bago niya sinundan ang aming amo.

Matapos kong matanaw ang paglayo ng kanilang sasakyan ay isinarado ko na ang pintuan at ipinagpatuloy ang naantalang paglilinis nang sa gayon ay mapaaga ang pamamahinga ko.

Kahit paano'y ang isang linggong pangingibang-bansa ng aming amo ay makakapagbigay sa akin na sapat ng pahinga sa mga gawaing bahay.

Ang tanging tungkulin ko lang sa loob ng isang linggo ay ang paglilinis at paglalaba na hindi naman kinakailangang gawin araw-araw. Ang kapatid naman ni ma'am Huan na si ma'am MaeMae ay palaging kumakain sa labas kaya hindi ko na proproblemahin pa ang mga iluluto ko.

Mapalad akong nakatagpo ako ng mga among hindi nanakit ng kanilang kasambahay. Istrikto ang mag-asawang, hindi palangiti ngunit mabait naman sila sa amin. Ni minsan nga ay hindi pa ako nasigawan, napagalitan at napagbuhatan ng kamay. Pinapangaralan lamang nila kami sa mga maling nagagawa namin.

Bandang alas dos y medya ng hapon nang matapos ko ang aking mga gawaing bahay kaya naman kaagad akong dumiretso sa kwartong inookupahan naming dalawa ni tiya Emilia para umidlip.

Wala pa sigurong sampung minuto ay nakarinig na ako ng ingay na nanggagaling sa laptop ni tiya Emilia.

Napilitan tuloy akong bumangon mula sa pagkakahiga at dali-dali kong tinungo ang kinalalagyan nito at pinindot ang receive call.

"Darling!" ang salitang unang bungad sa akin ng aking asawang si Simon. Abot-taenga ang kanyang ngiti habang kumakaway sa monitor ng computer.

Nawala bigla ang antok ko pagkarinig sa boses niya at pagkakita ko sa nakangiti niyang mukha sa screen ng laptop.

Kasabay ng paglapad ng ngiti sa aking labi ay ang pagpatak ng luha ko.

Miss na miss ko na ang aking asawa. Kung maari ko lang ipasok ang aking dalawang kamay sa monitor para mayakap ko siya ng mahigpit ay ginawa ko na.

"Darling? Umiiyak ka ba?" Narinig kong wika niyang tila nag-aalala dahil sa biglaan kong pagluha.

Pinahid ko gamit ang likod ng aking kanang palad ang ilang patak ng luhang dumaloy sa magkabilaang pisngi ko, "Wala 'to, Darling. Tears of joy lang 'to kasi nakita at nakausap na kita."

Wala Sa Piling NiyaOnde histórias criam vida. Descubra agora