Sumpaan

16 0 1
                                    

Tayo'y nagsumpaan sa lilim ng mga puno ng Kakahuyan ng Inang Mapag-kalinga, sa ilalim ng mga titig ng mga punong saksi sa agos ng panahon, na silang hindi natinag ng mga pagbagsak ng mga imperyo't bayani, ng muling pagbangon ng susunod na salinlahi, ng mga parusa ng Ina...

Tulad Niya ay hindi mababago, hindi titigil, hindi maglalaho... Pagbabago, Kamatayan, ...

Pag-ibig.

Sana'y ika'y mapayapa na, bumalik ka sa piling ng iyong Ina...ang Inang aming nilimot sa aming pagsamba sa Isa.

Sana'y ikaw ay napalilibutan ng mga halimuyak ng paborito mong mga... Marahil ikaw ay naglalakbay na ngayon, naglalakad sa isang walang-hanggang hardin.

Sa bawat sulyap ko sa kalikasan, sa kakahuyan, sa kagubatan, sa hardin... ikaw lamang ang --

Kung mayroon ngang kabilang-buhay, at kung papalarin na tayo ay magkita roon, nasaan man iyon... Masasabi ko sa iyo muli...

Siguro ay alam mo na... Nakita mo, o narinig sa mga mapaglarong kwento ng mga hangin, na pagkatapos ng rebolusyon, matapos ang muling pagbangon... Isang katotohanang mistulang alamat, pampatulog sa mga batang musmos, subalit iilan lamang ang nakakaalam ng totoo.

May isang lalaki, isang Dalak'rim... maharlika ang kanilang sabi. Siya'y naglalakbay sa kagubatan, dito na raw nanirahan. Nakakatwang isipin, hindi ba? Noong una tayong nagkita ay pinaulanan mo ako ng mga insulto: "Mapagmataas na alila. Ni hindi mo kayang tumapak sa lupa nang walang sapatos o sapin sa paa. Nakakahiya ka, naturingan pa namang alagad Niya. Ay mali, noon pala iyon." Ngayon ay naririto na ako, parang ikaw lang noon, at pati na rin ang mga ninuno ko noon, sa mapag-arugang mansyon ng mga lumang diyos, ng iyong mga diyos.

Hindi ko matiis na ang pook na sumaksi sa ating dalawa ay aking balik-balikan lamang, itong Kakahuyan na nagbigkis sa atin. Nagbigkis sa dalawang buhay na ito naman ang nagbigay... Nakatali na ako sa iyo, sa lupang ito, sa lupang minsa'y nag-ugnay sa atin, hanggang ngayong ika'y nahimlay sa ilalim.

Akala nila ay hindi ko matanggap ang iyong pagtulog. Nagkakamali sila. Tanggap ko ito nang buong-buo. Ngunit mistulang mali at isang kasalanan na ika'y kalimutan... Ikaw na siyang kabiyak ng aking kaluluwa. Tanging alaala mo lang, ang bakas mo, ... Nakikita kita sa bawat bagay na minahal mo sa lupang ibabaw... Sa bawat ihip ng hangin. Sa pagsayaw ng mga puno. Sa bawat munting alon. Sa paghuni ng mga ibon. Sa bawat hagupit ng unos. Sa mga kidlat at kulog. Sa mga paglindol. Sa katahimikan ng gubat na mistulang kamatayan. Sa buhay na buhay na kalikasan. Sa bawat pamumukadkad ng mga bulaklak... Oo, sa mga bulaklak...isa kang ligaw na bulaklak. Isinilang sa ilang, napakarikit. Malakas, hindi magpapatinag sa bawat pagsubok na hatid ng Ina. Parang buhay-- hindi, ikaw ay buhay sa bawat awit, bawat nilalang ng Ina.

Hindi ko maipaliwanag ang aking nararamdaman, masaya, maligaya -- higit pa. Siguro nga, iniibig kita. Tunay nga, siguro nga ay isinilang ako upang masilayan ka...

Isang biyaya na ikaw ay aking makilala. Isang himala na ang isang tulad mo ay nabuhay sa mundong ito, na ikaw mismo ay nalanghap ang hanging dumadaloy sa mundong ginagalawan ko... Ano nga ba ang mas milagroso, na ako'y isinilang at nakilala ka? O ang mismong pagsilang mo, ikaw na nag-iisang si Selene Miracrux, dapat ay susunod na punong babaylan, nag-iisang anak nina Rosel Gummela at Tristan Miracrux, nag-iisang inibig ko?

...nahihimbing ka na ba? Nananaginip ka ba sa iyong pagtulog? Kaya mo bang maghintay? Nalulungkot ka ba? Nag-iisa?

Hayaan mo, hindi ka na magdurusa... Hindi ko na hahayaang pagdaananan mo ang lahat nang mag-isa.

Nagdarasal ako, sa aking Diyos...sa mga lumang diyos, sa Ina..., sa kung sino o ano man na nakaririnig, na sa kung tayo'y isisilang muli, nawa'y tayo'y pagtagpuin sa ilalim ng mga kumikinang na bituin.

Para at Galing, Sa at Kay:Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon