Tago

7 0 1
                                    

"Ana, kapag nakuha na muli natin ang trono, hindi ka na magtitiis sa mga mumurahing damit na ito."

Eto na naman si Kuya, nagsasalita na naman siya mag-isa. Hindi matatawag na pag-uusap ang nangyayari sa pagitan namin dahil wala naman akong balak sumagot sa mga delusyon niya. Delusyon, dahil galit lang ang tanging rason niya sa balak niyang 'katarungan.' Galit at 'dignidad' raw. Kinakabahan ako sa mga plano niya. Hindi alam ni Kuya ang pinagkaiba ng 'katarungan' at 'paghihiganti.' Saan ba nagkulang sina Manang Hayan sa pangaral?

"Ana, sa susunod hindi mo na kailangang itago itong mga magaganda mong mata. Hindi na tayo magtatago sa ibang pangalan," sabi niya habang sinusuklay ang mga alon ng ginto kong buhok, ginto tulad ng sa kanya. "Isuot mo na itong hinanda ko para sa'yo. Kahit ikaw si Aleja Helios ngayong gabi, dapat maganda ka pa rin."

Sinunod ko ang utos ni Kuya. Utos, dahil hindi siya marunong makiusap. Kahit nagtatago na kami, nakaluklok pa rin siya sa kanyang trono. Hinubad ko ang aking suot na bestidang pantulog at sinuot ang hinanda niyang dilaw na gown na may mga ginto at kulay rosas na burda. Kung hindi kaya kami kinupkop ng mga Vacunawang maharlika na ang mga Helios ng Lupang Adlaw, makapal pa rin kaya ang mukha niya? Nakakapagtaka nga kahit siya ang nakatatanda, ako raw ang kanyang kokoronahang Reyna kapag nakabalik na kami sa Igunis. Kailan kaya siya -- may makakapagpabalik pa ba sa kanya sa lupa?

"Tumingin ka sa akin." Tinitigan ko ang kanyang mga mata, kahel na pula, parang mga baga. Nakita kong lumipat ang kanyang mga mata mula sa aking damit papunta sa aking mga labi. "Hmmm... Tama na ito. Antayin mo akong magbihis at bababa na tayong dalawa." Mamaya sa aming paglabas ay iba na ang kulay ng kanyang mga mata, magiging malamlam at madilim na mga ginto, parang sa mga Helios.

Umupo ako sa isang silya sa may gilid ng silid, at hindi na ginalaw pa ang ayos ng aking buhok. Baka magalit pa si Kuya. Medyo nakakahiya, hindi komportable itong suot ko. Mahaba nga ang mga manggas ngunit masyadong mababa, abot balikat, ang tabas sa may bandang leeg. Binaling ko ang tingin ko kay Kuya. Binubutones na niya ang kanyang tunic na kasingkulay ng sa akin. Para lang akong tumititig sa isang anino, sa isang salamin. Sapagkat kakambal ko siya.

"Ana, masyadong halata na kinakabahan ka. Umayos-ayos ka. Nakakahiya pagdating ng araw," wika niya. Lumingon siya sa aking kinalalagyan at tumitig nang masama. Nanigas ako sa aking kinauupuan. Lumapit siya sa akin, at kumumpas na tumayo ako.

Sumunod ako sa kanya, at sinabayan siyang maglakad hanggang nasa may pinto na kami. Nasa may likod ko lamang siya.

Nilagay niya ang kanyang kamay sa aking balikat, isang babala. Nakakatakot siya, masyadong malamig ang mga palad niya para sa isang Zaribon. "Ngumiti ka. Ipakita mo sa kanila ang kariktan mo."

"Opo, Kuya."

At binuksan na niya ang pinto.

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: Nov 14, 2016 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

Para at Galing, Sa at Kay:Where stories live. Discover now