Siya at Ako

10 0 1
                                    

Marikit. Maganda. Kaakit-akit.

Mapaglaro. Malupit. Walang awa.

Patas.

Hindi makatarungan.

Ilan lang ito sa mga tawag nila -- ang mga tawag niyo -- sa akin. Nakakatwa ano? Ako'y parehong tampulan ng puri't paghanga, imahe ng galit at paghihinagpis. Ang iba nga sa inyo ay sabay na tumitingala at sumusuklam sa akin!

Ako ba'y maganda dahil ako'y malupit, o ako'y malupit dahil ako'y maganda? Palitan niyo ang "dahil" ng "kahit."

Inaamin ko, totoo ang lahat ng mga paratang niyo. Pasensya na, hindi ito personal (pero minsan ay nakakatuwa naman talaga), trabaho lang. At saka, bakit ba ganito ang bungad ko? Hindi naman tungkol sa akin ang kwentong ito, kundi tungkol sa kanya, sa aming dalawa, ang istorya ng buhay, siya at ako.

Sino ba siya, siyang tinutukoy ko? Siya ay walang iba kundi ang kabiyak ko. Asawa kamo? Hindi na oo. Siya ay kabiyak ko, kabiyak ng kaluluwa ko. Kaming dalawa ay para sa isa't isa, at sa isa't isa lamang. Ang bigkis na nag-uugnay sa amin ay higit sa lahat ng mga bigkis sa mortal na mundong ito -- ng mundo niyo. Kami ay higit pa sa magkaibigan, magkadugo,  magkapatid, magsing-irog, magkambal, mag-ina o mag-ama...

Ang nag-uugnay sa ami'y isang pagmamahal na walang hanggan, walang paris... hindi kayang tumbasan ng pag-ibig.

Tinatanong niyo kung bakit ang sagot ko ay "hindi na oo"? Mahirap ipaliwanag sa inyo, sa iba, sa kahit sino liban sa aming dalawa, pero susubukan ko.

Kaming dalawa'y buhay na hindi, hindi buhay na oo... Ang pagmamahal namin ay dalisay -- maraming anyo. Sa isang buhay ay mag-asawa kami, sa isa'y magkaibigan, sa iba'y magkalayo, pinagtagpo, magkapatid, estranghero... Iba-ibang buhay, iba-ibang pag-ibig, ngunit iisang tadhana, iisang pagmamahal...

Siya ang pinakamamahal ko, ang tanging may hawak ng aking puso. Siya'y akin, at ako'y sa kanya. Sa dami ng aming mga anyo, buhay, at pangalan, kami'y laging magkaugnay, magkayakap. Ang gulo, diba? Sa inyong mundo, makikita niyo, ang katotohanang kami'y magkakabit, magkabigkis, parang iisa.

. . .

Mahal ko siya dahil mahal niya lang ako, pagmamahal lang ang tanging nararanasan niya, ang tanging nararamdaman niya para sa akin. Isinilang siya para sa akin; isinilang siya upang ako'y mahalin. Baka isinilang siya upang mahalin ko? Ewan, wala pa kasi ang salitang "pagmamahal" sa sanlibutan at pagkalalang noong hindi pa siya isinisilang, noong ako'y mag-isa pa lang. Nagkasaysay lamang ang lahat nang isilang siya... Siya ang saysay ng lahat...

Basta ang alam ko, sigurado ako, walang duda, pumupusta ako (hahahahaha akala niyo kayo lang ang marunong magsugal? Ha! Ako kaya ang laging panalo lamnyo ba) na mahal namin ang isa't isa. Isang walang hanggang, walang patid, walang paris...

. . .

Lumalayo na sa paksa. Hay. Bahala na. Magulo naman talaga ang kwento ng buhay. Magulo ang kwento ko.

. . .

Mahal kita. Sana'y iyong naririnig... Patawarin mo kung ni minsan ay hindi ko ito nasabi sa iyo sa anyo kong ito. Di bale, ang mahalaga ay ito, itong nag-iisang bagay na ito, iyon ay ang mahal kita.

Tadhana at Kamatayan.

Buhay at Kamatayan.

Buhay at Pagmamahal.

Tadhana at Pagmamahal.

Tayo.

Tayong dalawa.

Ako at Ikaw.

Para sa iyo aking sinta, aking irog. Para sa'yo Kamatayan/Pagmamahal:

Mahal kita.

Iyo lamang,
Tadhana

P.S. Naaalala ko na, mahal. Ako si Buhay, kabiyak mo.

P.P.S. Mahal kita dahil hindi sapat ang mga kataga na minahal kita, minamahal kita, mamahalin kita, tanging ikaw lang, ikaw lamang, ... at marami pang iba.

Para at Galing, Sa at Kay:Where stories live. Discover now