Chapter Ten

220K 3.3K 420
                                    

Hindi na ako sumagot sa sinabi ni Maico. Bakit nga ba hindi? Ngayon lang naman e. Hanggang matapos ang bakasyon naming 'to. Tutal, mukhang masaya naman silang mag-ama at hindi ko maikakailang masaya rin ako ngayon.

Nakaakyat din kami sa wakas sa viewing deck ng Chocolate hills. Grabe, feeling ko nanigas lahat ng muscles ng mga hita ko. Sana nilagyan na lang nila ng escalator dito!

Ang ganda ng paligid. Kitang-kita mo ang mga burol na magkakatabi. Ang gandang tignan. Noon, sa mga pictures ko lang 'to nakikita pero ngayon, heto't nasa harap ko na.

Ang sabi sa amin ni Mang John, nasa 1,260 hanggang 1,776 na burol ang narito. Kulay green 'yun lahat pero nagkukulay brown tuwing dry season kaya siya naging "chocolate hills". Ang nakakagulat, gawa pala siya sa limestones. Nakakamangha talaga ang mga likha ng Diyos.

"Mama! Picture tayo rito!" Hinila ni JM ang kanang kamay ko at pumwesto kami sa may bell na nasa gitna ng deck. Si Maico naman, todo kuha ng pictures sa amin. Maya-maya ay pinakiusapan niya ang isang lalaki roon para kuhanan kami ng picture.

"Dito ka sa gitna, JM!" ani Maico sa anak.

"Okay po!"

Pumunta sa gitna namin si JM pero tumabi ng husto sa akin si Maico kaya naman ang nangyari'y nasa harapan namin ang bata. Naramdaman ko na lang ang braso niya sa balikat ko saka siya sumenyas sa lalaki na kuhanan na kami ng picture. Pumwesto pa kami sa malapit sa bangin. Doon sa parteng mas kita ang view. Naka-ilang picture din kami saka kami nagpasyang bumaba na.

Habang pababa ay kinukuhanan pa kami ng picture ni Maico. Mas maganda kasi ang hagdan pababa. Kada sulok 'ata tinatawag kami ni Maico para kunan. Kinuha ko rin sa kanya ang camera para magkaroon naman siya ng picture sa parteng 'yun. Parang napuno na kasi ng mukha ko ang camera niya e.

"Tara na po Sir?" tanong ni Mang John pagkababa namin.

"Yup! Let's go!" Nang magsalita si Maico, saka ko lang namalayan na kanina pa pala siya naka-akbay sa akin mula sa kalagitnaan ng daan pababa. Para kasing napaka-ordinaryo nun kaya siguro hindi ko napansin. Hinawakan ko ang kamay niya para alisin sa balikat ko. Nagtagumpay naman ako pero naramdaman ko naman inilipat niya lang yun sa beywang ko. "Ngayon lang naman," bulong niya sa tenga ko kaya hindi na ako pumalag.

Sumunod kaming dumaan sa manmade forest. Actually, nadaanan na namin 'to kanina pero hindi kami bumaba. Ngayon kami nag-park muna sa gilid para magpakuha ng pictures sa gitna ng daan. May iba pang turista na nagpapa-picture kaya hindi pa kami maka-pwesto nang maayos.

Unang pumwesto si JM sa gitna. Doon siya pinaupo sa pinaka-linya ng daan. Nakatatlong shot din siya saka pinapunta na sa gilid. Ako naman ang pinaupo ni Maico sa gitna. Kung saan-saan niya ako pinaharap. Naka limang kuha na 'ata ako ng bigla siyang nag-panic pero nakangiti naman.

"Last! Indian sit ka Beauty!" Sinunod ko naman agad siya at nag-Indian sit. Pagka-click niya nung camera ay bigla na lang siyang lumapit sa akin at inilahad 'yung kamay niya.

"Tayo! Bilis! May sasakyan na!" tatawa-tawa pa siya habang nagpa-panic na ako pagtayo. Hinila niya agad ako sa gilid at sinundan pa namin ng tingin yung humaharurot na kotse. Tumatawa kaming pareho habang nakayakap ako sa beywang niya at siya naman, sa likod ko.

"Pi-picture pa tayo?" Napabitaw ako bigla kay Maico nang magsalita si JM. Nagpakuha pa kami ni JM, solo ni Maico pati 'yung 'Family picture' namin.

Pagkatapos ng pagpapa-picture namin sa manmade forest ay pinuntahan namin ang butterfly garden. May guide na nai-tour kami roon at ipinakita ang iba't-ibang butterflies. Sobrang benta sa akin ng joke ni Kuya nang hawak ko yung caterpillar. Ang sabi niya, "wag mong ihuhulog 'yan ma'am. Kasi pag nalalaglag yan hindi na yan caterpillar. Magiging caterpilay na 'yan." Hindi tumawa si Maico pero ako sobrang tawa nang tawa na muntik ko na ngang magawang caterpilay 'yung hawak ko.

Still Into YouTempat cerita menjadi hidup. Temukan sekarang