Turuang Lumimot

23 0 0
                                    

Lagaslas ng tubig sa tabing batisan

Ang tanging maririnig o mauulinigan

Malayo ang tanaw sa mataas na kalawakan

Habang ibinubulong ang laman ng kalooban

Naroon at nakahimlay sa malaking batuhan

Habang ninanamnam ang hanging amihan

Binabalikan ang mga ala-alang nagdaan

Na minsan nagdulot rin ng saya't kaligayahan

Sino ang pwedeng sisihin sa naging kaganapan

Sino ang maaaring umunawa sa abang kalagayan

Bakit tila ipinagkakait ang hangad na kaligayahan

Ito ba ay maituturing na isang kalabisan o kasalanan

Minsang nagmahal ng buong katotohanan

Inialay ang lahat-lahat maging ang kalooban

Hinamak ang lahat para lamang mapatunayan

Na nagmahal ng lubusan na walang alinlangan

Isang payak na pangarap ang nais na abutin

Isang simpleng buhay basta't ikaw ang kapiling

Mga pagsubok ng buhay ay sabay na haharapin

Taglay ang matibay na pag-asa at taos na panalangin

Subalit kay agang nagwakas nalasap na kaligayahan

Wala namang matandaan na may nagawang kasalanan

Simpleng pagmamahal lamang ang inaring puhunan

Subalit sa huli rin pala ay pagluha ang kahihinatnan

Bakit di magawa na ikaw ay kalimutan

Habang kalooban ay tunay na nahihirapan

Di mawaglit ang mga ligayang pinagsaluhan

Narito't palaging nabubuhay sa abang isipan

Sana'y di nalang tinanggap inalay na pagsinta

Sana'y binaliwala na lamang ang bawat salita

Masaktan man ng bahagya ay agad ring mawawala

Kaysa naman ngayon na pagdurusa ang abang napala

Humihingi ng pang-unawa at tanging pagdamay

Sa sinomang maaaring tumulong o makiramay

Mabura ang lahat ng mga ala-alang kumakaway

Maturuan lumimot sa daigdig ng mga buhay

Sa Tulang:  " Turuang Lumimot"

              Ni:    Aspog

                        Disyembre 23, 2013

Pusong NamamaalamTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon