Hinihintay-hintay kita duon sa ating tagpuan
Upang suyuan ay muli nating madugtungan
Mahihimlay ako sa mainit mong kandungan
Habang kamay mong malambot ay tangan-tangan
Malamig na simoy ng hangin ay ating damahin
Habang matatamis na salita'y ating sasambitin
Ilahad mong lahat tunay mong mga mithiin
Ito'y ipagkakaloob ko sa iyo ng buong tining
Sabay natin bubuuin mga pangarap sa bukas
Maligaya tayong magsasama hanggang wakas
Malupit mang mundong ito'y maging marahas
Asahan mong di ako lalayo sa iyo at di kakalas
Samahan mo ako liyag sa aking pangangarap
Huwag kang bibitaw dahil ikaw ang aking hanap
Di ko magagawang sa iyo ang ako'y magpanggap
Dahil lubos ang aking ligaya kapag kita'y kaharap
Saksi ang langit sa dalisay nating pagmamahalan
Tila di na matatapos ang kaligayahang nakalaan
Hahamakin ko ang lahat at ikaw ay ipaglalaban
Di ko papayagan na ikaw ay kanilang pagtawanan
Mga ibon sa paligid sa atin ay makikisaya
Magdiriwang din sila at di mangangamba
Mabangong bulaklak sa paligid ay humalimuyak na
Habang mga anghel sa kalangitan ay nagbubunyi pa
Naririto parin ako na nakatayo at sa iyo'y naghihintay
Sa ating tagpuan ay wala kapa at ako'y nangangalay
Di kaya nakalimutan molang o iyong nakaligtaan
Na tayo'y magkikita ngayon gaya ng napag-usapan
Nililibang ko nalang ang sarili sa ganda ng tanawin
Ninanamnam ko ang sarap ng malamig na hangin
Natanaw kong bigla kaibigan mo na dumarating
Mayroon sigurong kailangan na nais na sabihin
Isang maiksing liham ang agad na iniabot sa akin
Nanginginig ang mga kamay ko ng aking tanggapin
Sulat kamay mo ang nakalimbag sa papel na hain
Naguguluhan ako na ano ba itong iyong sasabihin
Matapos kong basahin ang liham mo'y luha ko'y pumatak
Nawalang bigla ang mga ngiti sa labi ko at paghalakhak
Nabahiran ng lungkot at nagluksa maging ang mga pakakak
Dahil kapighatian na itong nasa harapan ko't matatahak
Panay paghingi ng patawad ang laman ng iyong liham
Dahil alam mong ako'y masasaktan at magdaramdam
Di mona ginawa ngayon na sa akin ay makipagkita
Dahil nangingilag ka at lubha ring nangangamba
Tinatapos mona ang lahat sa ating pagmamahalan
At hinihingi mona ang lubos mong kalayaan
Mayroon ka ng ibang binatang nakita at sinamahan
Na nakahihigit sa akin kung kaya ako ay iyo ng iiwan
Masakit man sa aking kalooban ang iyong kahilingan
Wala akong magagawa kung di ikaw ay pagbigyan
Hangad ko na lamang ang iyong saya't kaligayahan
Sa kabila nitong ako'y lumuluha at nasusugatan
Sa Tulang: "Doon Sa Ating Tagpuan"
Ni: Aspog
Nob. 20, 2012
![](https://img.wattpad.com/cover/1649234-288-k34d816.jpg)
YOU ARE READING
Pusong Namamaalam
PoetrySalamat sa lahat ng tumatangkilik sa aking mga tulang kathang-isip. Isang kaparaanan ito upang mailahad ang bawat nilalaman ng puso't kalooban, malungkot man ito o masaya ang mahalaga ay manatiling totoo sa sarili at makapag-bigay aliw sa mga bumaba...