4.1 Hindi pa... huli

1K 27 12
                                    

"Erp, may tanong ako." aniya kaya napatingin ako sa kaniya.

Pareho kaming nakaupo sa matabang sanga ng punong mangga sa likod-bahay namin. Pinapanuod ang pagsabog ng kulay kahel na silaw sa bukas na kalangitan. Tumatagos sa ulap ang silaw mula sa papalubog na araw hanggang sa madampian nito ang mga balat namin.

"Hahanapin mo ba ako?" tanong niya dahilan nang paglukot ng noo ko.

Hindi ako sumagot sa kanya, ayokong sumagot. Alam ko kung ano ang ibig niyang sabihin. Yung mga pasaring niya tungkol sa 'mawawala na siya', 'napapagod na siya' o di kaya ay 'gusto na niyang pumunta sa malayong lugar'.

Matagal ko nang napapansin 'yon pero ipinagsawalang-bahala ko na lang, baka kasi nagbibiro lang siya. Pero hindi, hindi siya marunong magbiro.

Inakbayan ko siya para maramdaman niya na nandito pa ako. Nahihiya kasi akong magtanong kung ano ang problema, nahihiya akong panghimasukan ang buhay niya.

Nakatingala ako sa langit, pero kita kong nakatingin siya sa akin. May gusto siyang sabihin pero hindi niya ito itinuloy, saka niya iniwas ang tingin papunta sa dapit-hapon.

Hindi ko alam na iyon na pala ang huling dapit-hapon na kasama ko ang bespren ko, dahil kinabukasan ay hindi ko na siya makakasama pa.

Natagpuan siyang walang buhay, nasa kamay niya ang walang laman na botelya ng gamot. May mga marka rin ng mga sugat sa pulso niya. Oo, winakasan niya ang sarili niyang buhay.

Madami siyang iniwan na mensahe, mga suicide notes at mga hinanakit niya sa mundo na hindi niya kayang isigaw. Nasa isang garapon ito, puno ang garapon ng mga sulat-- sulat para sa akin, para sa'yo at para sa mundo.

Hindi ko napigilan ang pagbaha ng mga luha sa aking pisngi, siguro kung nasabi ko noon ang mga bagay na gusto kong iparating... sana eh, kasama ko pa siya ngayon.

Pero ikaw, may oras ka pa para pigilan siya. Para pigilan ang kaibigan mo na hinahatak ng kadiliman. Kung hindi mo man napapansin, makiramdam ka. Makikita mo 'yon sa mga mata niya, kung gaano ito sumisigaw ng tulong sa kabila nang maamo niyang mga ngiti.

Hindi pa huli ang lahat, hanggat hindi pa dumadating ang huling dapit-hapon na kasama mo pa siya.

-

Para sa mga taong may kaibigan na nakakaranas ng kadiliman at nais ng tintahan ang huling pahina ng kanilang buhay. Hindi pa huli ang lahat, hatakin ninyo sila sa liwanag. Hatakin ninyo kami sa liwanag.

***

Dagli
Flash-fictions

DAGLI: Dark Flash-fictionsWhere stories live. Discover now