Kabanata 5

100 6 1
                                    


ISANG munting barong-barong ang bahay nina Faith ngunit sa kabila noon, maayos ang bahay. Kumikintab na ang sahig sa bagong apply na floorwax o niyog na ipinahid ni Faith kanina.

Walang nakitang elektrisidad si Quene na gagamitin sana niya sa pag-charge. Mag-t-text na lang siya sa mga magulang niya safe silang nakarating ni Faith kahit nakalimutan na ng dalawa ang mga anak nito. Isa siyang mabuting anak kaya gagawin pa rin niya ang sa tingin niya'y tama. Drum rolls. Insert sarcasms.

"Ayos lang ba talaga sa mga magulang mo na rito muna ako? Hindi ba ako nakakaabala?" May extra pa naman siyang pera. Pambili ng bigas at ulam. Hindi niya hahayaang maging pabigat sa mag-anak.

"Masisiyahan ang mga tao rito sa pagdating mo."

"O-okay," saad na lang ni Quene.

Mga magulang lang nito ang tinutukoy niya subalit napunta na sa buong barangay.

Dalawang palapag ang barong-barong. Lupa mismo ang ground floor samantalang yari sa kawayan ang sahig sa ikalawang palapag.

Ang sarap humiga. Malamig ang sahig.

Kinuha ni Faith ang kalan, hinugasan saka nagsaing. "Mukhang hindi yata uuwi ngayon sina Nanay. Baka doon na muna sila matutulog sa bukid. May isa pa kasi kaming barong-barong doon."

Hindi umimik si Quene.

Wala siyang ideya kung bakit nasabi iyon ni Faith gayong sa pagkakaalam niya, walang sinuman ang nakapagsabi sa kanila na hindi makakauwi ang mga magulang nito. Ang mga magulang nito kaya ang nakagalitan ni Faith? Ang nanay ba nito ang kinatatakutan ni Faith? Dapat din ba siyang matakot?

Ipinilig ni Quene ang ulo.

Ano ba itong pinag-iisip niya. Bakit naman siya matatakot? Wala naman siyang ginawang masama. Ano namang masama sa pagsama niya sa babae? Ah, basta. Ipagtatanggol niya ang sarili sa kahit na anong paraan.

"Faith..."

"Ano iyon? Maari kang lumabas at mamasyal. Baka ma-bored ka rito. Huwag ka lang masyadong lumayo at baka mawala ka."

Tumango siya. "M-may lalaki akong nakita kanina." Napahinto ito ngunit bumalik din sa ginagawa. Iisipin niyang isang mabuting senyales iyon? "Ang weird niya. Hindi niya tayo nilulubayan ng tingin hanggang sa pumasok tayo sa bahay ninyo." At bakit kailangang may itak na dala ang lalaking iyon?

Hindi na niya sasabihing iyon ang habal-habal driver.

Sumasakit na tuloy ang isip niya sa kakaisip kung bakit pumasok sa bayang ito ang lalaki gayong ito pa ang nagbigay sa kanila ng babala na umalis silang buhay.

Hindi kaya...hindi kaya tuluyan na itong nahulog sa kagandahan niya?

Napailing siya.

Hindi na niya aakuin iyon. Kasalanan ng puso nito kung bakit tuluyang nagpatihulog gayong wala naman siyang sinasabi na sasaluhin niya ito.

Hello! Nasa probinsya kayo, Quene. Baka umakyat lang sa niyog ang tao.

At kasama may bulaklak?

E, 'di aakyat muna siya sa niyog bago aakyat ng ligaw.

"Hindi ko kilala ang tinutukoy mo. Baka si Arnold. Hindi maganda ang balita sa kanya ng mga taga-rito. Kung ayaw mong mapahamak, lumayo ka sa kanya. Huwag mo siyang kausapin."

Hindi naman siguro iyon si Arnold dahil makikilala ni Faith ang habal-habal driver. Sino naman kaya ang Arnold na iyon?

"Sorry ha pero ayoko munang i-judge ang isang tao."

Hindi ba't marami na rin ang nanghusga sa kanya? Na kesyo malandi raw siya dahil sa napakaraming lalaking lumalapit sa kanya? Wow. Porke't siya lang ang pinagpipyestahan, malandi na agad? Hindi ba pwedeng sobrang ganda lang? Mala-Liza Soberano na ganda?

"Kinasuhan siya ng murder. Sapat na ba iyong rason, Quene para layuan mo ang lalaking iyon?"

"Sinong pinatay niya?"

"Ang isang kapitbahay namin na siyang nagmatigas na mag-alay kami ng isang tao sa kagubatan."

Naglagay ng panggatong si Faith sa make-shift stove nito. Pinaglapit nito ang tatlong malalaking bato saka inilagay ang kaldero.

"Speaking of that. Hindi ka ba natatakot na baka muli kang ialay ng mga kapitbahay mo? Kitang-kita ko kung paano sila tumitig sa iyo."

May magagawa rin ba siya kapag kukuyugin na ang mga ito? Anong laban niya sa mahigit dalawampung kapitbahay ni Faith? Paano niya lalabanan ang mga ito? Sana nga lang hindi na umabot sa ganoon ang sitwasyon.

Napahinto ito sa pag-ihip ngunit nagpatuloy rin. "Handa na ako sa susunod na mangyayari. Kung nadamay ka man, humihingi na ako ng despensa."

"Kung ako sa iyo, hindi na ako babalik sa bayang ito."

"Hindi lahat ng bagay, pwedeng takbuhan. Pagod na rin akong magtago, Quene. Kailangan ko na silang harapin."

Inaamin niyang pinapahanga siya ng determinasyon ng babaeng ito.

Hindi siya matapang.

Hindi lumagpas sa kanya ang panginginig ng mga tuhod nito habang sumasakay sila sa habal-habal. Nakita niya ang pag-aalinlangan sa mga mata nito subalit hindi ito tumakbo. Pinili na nitong huwag tumakbo.

Ikaw, Quene? Kailan mo haharapin ang mga taong pinagtataguan mo?

Ewan. Hindi pa niya masabi.

DINALA si Quene ng kanyang mga paa sa isang sementeryo. Kung bakit sa sementeryo, simple lang. Bata pa lang siya, gustong-gusto na niyang maglagi sa mga lugar na iyon. Feeling niya kasi, iyon lang ang tanging lugar na makapagbibigay sa kanya ng katahimikan.

Dito, walang sinumang mag-aaway maliban sa mga uod. Walang sinuman ang sasaway sa kanya. Walang sinuman ang magpaparatang sa kanya ng kung anu-ano. Isang harmonious relationship na matagal na niyang inaasam.

Binasa niya ang mga lapidang nakasulat. May nabasa siyang namatay noong 1800's hanggang 2015. Ang daming namatay sa taong 2015. Kung may inilagay lang na dahilan ng pagkamatay sa bawat lapida, matagal na niyang nalaman. Gusto niyang malaman.

Mataas na ang mga damong ligaw na pumapalibot sa bawat lapida. Halatang hindi na napupuntahan ng mga kamag-anak.

Binunot niya ang mga damo.

Nakakalungkot kung paano nakakalimot ang mga tao pagkatapos ng ginawa mo sa kanila.

Ganito na lang ba palagi? Makakalimutan nilang nabuhay ka rin minsan sa mundong ito?

"Nandito ka pa rin, Ganda?"

Napaigtad si Quene.

Hinarap niya ang pinanggagalingan ng boses at napasigaw. "Bakit mo ba ako sinunsundan, Kuya? Akala ko ba natatakot ka sa lugar na ito?"

Pinagpag niya ang damit.

"Umalis ka na rito habang hindi pa kumakapit sa iyo ang lugar na ito," anito na seryoso na ang boses.

"Ano bang pinagsasabi mo? Kasama ko si Faith dito. Kailangan niya ako."

"Hindi siya ang nangangailangan sa iyo. Sila ang may kailangan sa iyo. Bukas. Sa pagsapit ng alas dos ng hapon, iaalay ka nila. Ikaw ang papalit sa babaeng iyon."

"Kuya-"

"Demetrio."

"Okay. Demetrio. Kung ito ang style mo para makuha ang atensyon ko, sorry. Hindi ko nagugustuhan ang ginagawa mong ito. Itigil mo na ang pag-stalk sa akin."

Hinakawan nito ang magkabila niyang balikat. "Paniwalaan mo ang sinasabi ko. Kung may mas nakakaalam sa lugar na ito, ako iyon. Hindi ka ligtas dito. Umalis ka na habang may panahon ka pa."

Iwinakli niya ang mga kamay nito. "Ngayon pa lang, basted ka na. Diyan ka na nga."

Iniwan niya ang lalaki. At ipinagpasalamat niyang hindi ito sumunod sa kanya.

Hindi raw ligtas. Oo. Sa kamay nito. Hindi siya ligtas.


The Naughty Lady of San NicolasTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon