KABANATA 10

17.1K 619 25
                                    

Angelica's P.O.V.

Mahirap ang trabahong hindi ka na magkandaugaga sa dami ng gagawin, pero mahirap din pala ang trabahong halos wala ka namang ginagawa.  Tulad nang sinabi ni Ma'am Valeria, well maintained naman ang kalinisan sa bahay. Walang nagkakalat kaya  kataasa'y puro alikabok lang ang aking pinapasadahan sa bawat pasimano't sulok-sulok.

Isang buong maghapon pa lang ang lumilipas, parang mababaliw na ako sa pagkainip.  Buong maghapon kasing naging abala si ate Bea–ni hindi nila ako sinabayan ni Dario o maging ni Tibz sa tanghalian, hindi ko rin nakikita si Dario, maging si Tibz, Ma'am Valeria at Senyorito Seth. Hindi ko rin alam kung sa'n sila naroro'n.  Ang bawat isa'y tila may kan'ya-kan'yang lakad at kinalalag'yan, daig ko pa tuloy ang nanunulay sa kawalan.

Alas-sais na nang hapon nakarinig ako ng ingay sa loob ng kusina. Agad akong nagtungo roon sa pagbabaka-sakaling naroro'n na si ate Bea. Pero nagulat ako sa kung sino ang aking nakita... si Dario; ang marungis na si Dariong nagbubuklat ng mga tinakpang pagkain sa bilog na lamesa sa kusina.

"Hello." Pagbati ko.  Sinulyapan lang n'ya ako pero hindi n'ya ako sinagot. "Pasensya na, akala ko kasi, si ate Bea ka. Buong maghapon ko na kasi s'yang di nakikita."

Hindi pa rin ito nagsalita; naging abala ito sa paglalatag ng dalawang placemat, dalawang plato at dalawang baso.

"M-matagal ka na ba rito?"  Muling hirit ko kay Dariong... suplado.  Hindi pa rin n'ya ako sinagot. Tila masyado s'yang nakatutok sa mga pagkaing isa-isa n'yang iniinit sa microwave. "Nagugutom ka na ba? Tulungan na kita."  Lumapit ako sa may lamesa at tinanggal ang platong nakatakip sa kaning-bahaw. Hinintay kong matapos ang adobong manok na iniinit n'ya, bago ako lumapit sa kan'ya para iabot ang isang malaking bowl ng kanin.  Walang imik na inabot naman n'ya ang bowl ng kanin at saka n'ya ipinasa sa akin ang kaiinit lamang na ulam para mailagay ko na sa lamesa.

Nakakailang, hindi lang ang kan'yang katahimikan at pagiging isnabero, kundi pati na rin ang kan'yan katangkaran at laki ng katawan. Nagmistula akong batang bansot sa tabi n'ya, hahanggang dibdib lang kasi n'ya ang inabot ng aking mukha.

Maputi at mamula-mula ang kan'yang balat, kaya't matay ko mang isipi'y parang hindi naman s'ya mabibilad sa araw para maging isang hardinero.  Kung tutuusin nga'y 'di hamak na mas maganda pa ang kutis n'ya kay Senyorito Seth; ang hulma ng kan'yang mukha'y maituturing ko ngang mas aristokrato pa kumpara sa aming among mukhang tambay lang sa kanto.

Pasimple ko s'yang pinagmasdan mula ulo hanggang paa.  Marungis lang s'ya at gulagulanit ang damit, pero marahil ay isang paligo lang ang kailanga'y papasa na s'yang modelo o artista. Dumagdag pa sa appeal n'ya ang kakaibang dating ng pagiging misteryoso at tahimik, pati na rin ang pagiging suplado at seryoso.

Pagkalapag n'ya ng bowl ng kanin sa lamesa, hinila muna n'ya ang dalawang silyang magkatabi bago n'ya ako sinenyasang maupo sa isa, habang papaupo naman s'ya sa isa. Pinagmasdan ko naman muna ang hapag at tiningnan kung may kulang pa.

"Ay, sandali," Sabi ko, "Kukuha ako ng kubyertos."

Tiningnan muna n'ya ako nang matalim, bago ito ngumisi. "Bakit? Hindi ka ba marunong magkamay?"

Napatanga ako sa kan'yang tinuran; pinagmasdan ko kung paano s'ya sumandok ng kanin at ulam mula sa bulusan, pati na rin ang paghuhugas n'ya ng kamay mula sa maliit na tabong may lamang tubig, bago n'ya inumpisahang kumain nang nakakamay.

Napalunok ako habang umuupo sa silyang hinila n'ya kanina para sa akin. Ganadong-ganado kasi s'ya sa pagkain; hindi man bagay sa kan'ya ang nagkakamay, batid ko naman sa paraan ng pagkain n'ya, na s'ya ay sanay na sanay.

"H-hindi ba natin hihintayin si ate Bea?" Sumasandok na ako ng kanin.

"Sa makalawa pa ang balik no'n dito."  Hindi n'ya ako tinitingnan; patuloy lang s'ya sa ganadong pagkain.  "Umuwi muna sa kanila kanina, family emergency raw."

"Ganun ba? Naku, paano pala? Sino ang nagluluto rito kapag wala s'ya?"

Nilingon n'ya ako't muling tiningnan nang matalim, "Bakit? Hindi ka ba marunong magluto?"

"Marunong."

"'Yun naman pala eh."  Muli s'yang nagbalik sa pagkain.

"Pero hindi ko naman alam kung ano ang ihahayin ko para sa amo natin. Paano kung maselan s'ya? Paano kung may allergies pala s'ya sa pagkain na hindi ko alam? Wala naman kasing iniwang instruction si ate Bea kung paano maghanda ng pagkain para sa kan'ya. Paano bukas ng umaga? Anong oras ba sila dapat kakain ng agahan ni Ma'am Valeria? Pa'no sa tanghalian at hapunan?"

Copyright ⓒ DyslexicParanoia (Angela Atienza) 2016, All rights reserved.

Muli akong nilingon ni Dario at nginisian, "Ang layo na ng narating ng pag-aalala mo ah! 'Wag mong alalahanin ang amo, nagsasabi naman parati 'yun kung kakain s'ya rito o hindi. Kapag agahan, mas madalas, nagpapahatid na lang 'yun ng kape, pandesal at butter na ipapatong mo lang doon sa lamesitang nasa tabi ng pintuan ng silid n'ya, kasama ang mga peryodiko n'ya. Ayaw kasi no'n ng naabala kaya kakatukin mo lang s'ya ng tatlong beses bago mo sabihing naro'n na ang agahan n'ya, pero hindi mo na kailangang hintayin na pagbuksan ka. Madalang kumain 'yun ng tanghalian dito at sa hapunan naman, napakadalang din na nakikisalo. Kung ayaw mong mawalan s'ya ng gana... mas mainam na kumain s'yang mag-isa."

"Eh paano si Ma'am Valer–"

"Hindi natin amo si Valer..." Bakas sa kan'yang mukha ang pag-aalinlangang banggitin man lang ang pangalan. "Hindi mo obligasyong alagaan ang mayordoma. Hindi s'ya ang amo rito. Kung ayaw n'ya sa nakahayin, s'ya na kamo ang magluto. Madalas na nangungulit 'yun na makasabay ang amo sa pagkain, kaya umasa ka na kapag naririto ang mayordoma, mas gugustuhin pa ng amo ang hatdan mo na lang s'ya ng pagkain sa k'warto n'ya."

"Sa mga sinasabi mo, parang ang suplado naman ni Senyorito Seth. Mukha namang hindi s'ya suplado nang nakasalo ko s'ya sa hapag-kainan kagabi."

Sandaling natigilan si Dario.

"Bakit?" Matapos ang ilang saglit, "Makikilala mo na ba kaagad ang tunay na pagkatao at pag-uugali ng isang tao sa loob lang ng isang araw?"

Ako naman ang natahimik.

***

Wala akong masabi kay Dario sa kabila ng pagkamasungit nito. Mukhang sanay talaga ito sa pagtatrabaho. Mukhang sanay na sanay ito kahit sa paghuhugas ng pinggan. May pagkukusa rin s'ya sa pagwawalis, pagma-mop at pagtatapon ng basura.  Wala tuloy akong naging silbi kundi ang magpunas ng lamesa.

"Saan ka tumutuloy? I mean, saan ka natutulog?" Ako, habang pinagmamasdan s'yang magtago ng mga floor mops at walis sa kabinet.

"Bakit? Importante bang malaman mo pa 'yun?" Masungit na sagot n'ya.

"Nagtatanong lang naman po ako kung may quarters ka rin na katulad ng ate Bea."

"Ano naman sa 'yo kung meron o wala?"

"Sobrang suplado mo naman, Dario. Curious lang naman ako kasi pakiramdam ko, nasa maling k'warto ako eh. Daig ko pa ang amo ro'n sa k'wartong pinaglagyan sa 'kin, nag-aalala tuloy ako na baka may kaltas ang sahod ko dahil doon."

Napahalakhak si Dario. Hindi ko tuloy nalaman kung matutuwa ako sa kan'ya o maaasar.  "O eh ano naman kung may kaltas nga, mukha namang malaki ang s'weldo mo."

"Hindi p'wede 'yun, kailangan ng pamilya ko ang bawat sentimong kikitain ko. Kung mapupunta rin lang sa k'wartong magara, mas gugustuhin ko na ang matulog sa sahig kahit sa k'wartong kasinglaki lang ng kabinet."

"Bakit? Anong meron sa pamilya mo na kailangan mong sustentuhan ng buong kikitain mo rito?"

"May sakit ang mga magulang ko." Malamlam na pagkakasabi ko.  "Kailangan ding maoperahan ng Tatay ko sa lalong madaling panahon."

[Itutuloy]



Tenebris AnimaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon