CHAPTER 5

631 29 2
                                    

CHAPTER 5

KASALUKUYANG nag-uusap ang tatlo sa bakanteng silid nang bigla na lamang makaramdam si Keeno ng sakit ng ulo, napahawak ito nang mahigpit sa sentido nito at napaupo mula sa kinatatayuan. Dahilan para mamilipit ito sa sakit at mapahandusay sa sahig.

"Aaah!" daing nito habang iniinda ang sakit. Nagulat sina Katherine at Chris dahil sa nangyari. Kaya labis ang pag-aalalang naramdaman ng dalawa dahil ito ang unang beses na nakita nilang nagkaganoon si Keeno. Halos maglupasay siya sa sakit ng ulo.

"Keeno, ano'ng nangyayari?" pag-aalalang tanong ni Katherine habang pilit pinapakalma ang kanina pang namimilipit sa sakit na si Keeno. Halos lumabas na ang litid nito sa leeg at pinagpapawisan dahil sa nararamdaman.

"Pare, kumalma ka lang," wika naman ni Chris sa kaibigan habang inaalalayan itong tumayo. Ilang saglit lang ay nawalan ng malay si Keeno at biglang nanahimik.

"Anong nangyari? Buhay pa ba siya?" tanong ni Katherine na halos mapaluha dahil sa pag-aalala habang si Chris naman ay pinapakiramdaman ang pulso ni Keeno. Naramdaman niya ang pulso nito kaya naman naging kalmado na siya sa pagkakataong iyon. Ngunit hindi pa rin nagkakamalay si Keeno kaya naman inalalayan nila ito sa isang silya.

"Kailangan natin siyang gisingin," ani Chris. Kaya paulit-ulit niyang inalog si Keeno at tinawag ang pangalan nito. Ganoon na lamang din ang ginawa ni Katherine at ilang saglit lang ay nagulat sila sa mga sumunod na nangyari.

Biglang iminulat ni Keeno ang kanyang mga mata ngunit ang nakapangingilabot ay purong puti ang mata nito at nawala ang itim na bahagi. Tila ba nawawala sa sarili si Keeno dahil humahangos ito sa pagmulat niya at parang nagngangalit na leon ang hitsura nito. Napaatras si Chris at Katherine dahil sa nakita nila.

"Keeno, ano bang nangyayari sa iyo?" takot na takot na wika ni Katherine kaya halos mapahawak ito sa braso at mapatago sa likod ni Chris dahil sa nakita.

"May panganib na paparating!" sigaw ni Keeno ngunit walang ano mang kakaiba sa boses nito. Hanggang sa isang malamig na hangin ang pumasok sa loob ng silid at sa isang iglap ay tila nanghina si Keeno. Sa pagkakataong iyon ay naging normal na ang lahat. Bumalik sa dating hitsura ang mata ni Keeno ngunit hinang-hina siya.

"Pare, okay ka lang?" tanong niChris.

"Pare, kailangan nating mag-ingat. Hindi maganda ang mga nakita ko." babala nito sa mga kaibigan.

"Bakit? Ano bang nakita mo?" tanong ni Chris ngunit hindi na nito magawa pang makasagot nang makarinig sila ng malakas na sigawan mula sa labas ng silid kung saan sila naroroon. Kaagad silang nagsilabasan at nakita ng tatlo na nagkakagulo ang mga estudyante palabas ng kanilang silid-aralan.

Sa kanilang kuryosidad, sinundan nila ang mga estudyante ngunit bago pa man sila makarating sa labas ay nasilayan na nila ang presensya ng isang babaeng duguan na naka-school uniform.

Hindi sila maaring magkamali, presensya ng kaluluwa ni Julie ang nakikita nila. May tumutong pulang likido sa ulo nito na naging dahilan para mabahiran ang mukha ng sarili nitong dugo. Alam nilang tatlo na sila lamang ang nakakakita ng kaluluwa ni Julie kaya hindi na sila nagtaka kung bakit parang walang pakialam ang mga mag-aaral kung bakit napatigil silang tatlo sa kinatatayuan nila. Habang ang mga mag-aaral ay patuloy sa pagtakbo papalabas ng paaralan.

Nanlilisik ang mga mata ni Julie ngunit may malademonyong ngiti ito. Hindi magawang makahakbang ng tatlo dahil sa nakikita nila. Ngunit sa isang iglap ay nawala bigla ang presensya ng ng kaluluwa ni Julie. Kahit na nanginginig sa takot ang tatlo, hindi nag-atubiling tumakbo papalabas ang tatlo upang malaman kung ano ang nangyayari. Hanggang sa isang nakapangingilabot na senaryo ang nasaksihan nila.

Mula sa kabilang gusali ng Dalton Academy ay nakasabit ang bangkay ng isang babae. Nakapulupot sa leeg nito ang isang lubid at naliligo ito sa sariling dugo dahil sa natamo nitong saksak ng mga nabasag na salamin sa katawan na nakatusok pa rin sa kasalukuyan. May pukpok rin ng napakalaking bato sa ulo na ikinabasag ng bungo nito. Tila isang babala ang nangyayari dahil kapansin-pansin ang nakasabit sa leeg nito ang isang karatula na nagsasabing. . .

"DON'T YOU DARE TO FIGHT ME BACK!"

Nakasulat ang mga katagang iyon sa pamamagitan ng sariling dugo ng biktima. Halos maiyak sa takot ang mga estudyante. Ngunit ang mas nakapangingilabot ay nang makita ni Katherine kung sino ang kawawang biktima. Ito ang babae na kanina lamang ay nakasagutan niya sa may pasilyo nang pumasok siya. Halos lahat ng estudyante ay matakot dahil sa nangyayari.

*****

ILANG oras ang nakalipas nang maialis ang bangkay mula sa kinalalagyan nito at nadala ito sa morgue. Ang lahat ay nag-aalala pa rin sa kaligtasan nila. Halos lahat ay hindi mapakali kaya naman nagpatawag ng malawakang pagpupulong ang mga tagapangasiwa ng paaralan. Ang lahat ay nagtipon-tipon sa stadium mula sa mag-aaral, guro hanggang sa mga nakatataas. Ilang saglit lang ay may dumating na isang matandang lalaki, nasa edad singkwenta mahigit ngunit may matikas na pangangatawan pa rin. Halata sa mukha nito ang pagiging seryoso habang naglalakad patungo sa entablado. Natahimik ang lahat nang dumating siya, tila ba lahat ng tao sa loob ay takot na takot nang makita ang presensya niya.

"Sino siya?" tanong ni Katherine kay Keeno at Chris. Nakaupo sila sa 'di kalayuan kaya kitang-kita nila kung sino ang dumating.

"Siya si Gaudencio Osorio Dalton. Ang may-ari ng Dalton Academy,” pagwiwika ni Keeno na naging seryoso ang tingin sa kanya.

"O ’yongntinatawag nilang GOD," dugtong naman ni Chris na hindi natitinag ang tingin sa matandang dumating. Tila ba may galit ito sa nakikita.

Natahimik siya dahil tila siya lang ang hindi nakakaramdam ng takot o ano mang kakaiba sa pagdating ng may-ari ng Dalton Academy. Ilang sandali lang ay nagsalita ito sa harapan.

"Everyone, we have no choice but to do this. Lahat ng mga pumapasok sa paaralan na ito, hindi muna kayo makakauwi sa mga bahay ninyo hangga't hindi pa natatapos ang imbestigasyon. Lahat ng class adviser ninyo ay tatawagan ang mga magulang ninyo para ipaalam na walang makakalabas ng Dalton Academy hangga't hindi natutunton kung sino ang gumawa nito. Kung sakaling sumuway kayo sa utos simulan n'yo nang gumawa ng paraan para makaalis ng bansang ito, but I assure you. Hindi kayo makakaligtas sa mga kamay ko. Kilala n'yo ako students. Alam n'yo kung ano ang kaya kong gawin sa inyo sa oras na sumuway kayo sa utos ko.”

Ganoon na lamang ang pagkahilkbot ng lahat nang marinig nila ang mga katagang 'yon. Maging si Katherine ay nanginginig dahil sa narinig. Ngunit ang dalawang binata ay kalmado lamang na tila seryosong nakikinig sa nagsasalita.

Ano kaya ang nakaabang na panganib sa mga mag-aaral ng Dalton Academy pagkatapos ng lahat? Magagawa pa kaya nilang makatakas sa mga nakakatakot na karanasan?

ACADEMY OF DEATH(Under Editing)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon