I

4.8K 82 18
                                    

Pagkatapos kong matauhan at magmukmok, naisipan ko nang umuwi at alam ko naman na ginagawa ko lang tabachoy ang mga lamok do'n sa may bangin. Kailangan ko nang maagapan ang paunti-unting pangangati ng aking balat. Hindi ko nga alam kung bakit sinasabi ng mga tao na 'kinakagat' sila ng mga lamok, e wala namang ngipin ang mga 'yon. Minsan napa-isip na lang din ako sa mga k'unting katangahan ng isang tao.

Napatingin pa ako sa aking orasan, mag-alas nuwebe na ng gabi nang makarating ako sa aming apartment. Una kong napansin ang pintuang may k'unting awang at ilaw na bukas pa rin. Malamang gising pa rin ang roommate ko. Hinawakan ko ang doorknob sabay silip sa loob at nandu'n nga siya sa may gilid, tulala, daig pa nito ang natalo sa isang malaking pustahan.

"Bagong hobby?" Asar ko sa kanya habang tuluyan ng nakapasok sa loob at ibinagsak ang katawan sa mahabang sofa.

Lumingon siya sa 'kin at ang lawak ng pagkangisi nito na para bang ngayon lang ako nakita nang mahabang panahon, "Pre! Welcome home! Kanina pa talaga kita hinihintay eh!"

Kamuntik ko pa 'tong suntukin sa mukha nang akmang yayakapin ako sa kinauupuan ko, "Hoy Nato! Kung gusto mong magladlad, huwag mo 'kong tataluhin kung ayaw mong magkakulay 'yang mukha mo nang 'di oras" Napatayo ako agad sabay layo sa kanya.

Hindi pa ako na nakahuma sa mala-weirdo niyang reaksiyon, biglang nasapul ang mukha ko sa isang tsinelas. Binato ako ni Nato ng tsinelas habang nag-aayos ng sapatos sa isang gilid, "Taena! Hindi ako naglaladlad! Pumapatol pa naman ako sa babae!"

Pumapatol nga siya sa isang babae kaso wala namang babaeng pumapatol sa kanya.

Seryoso ang mukha ni Nato pero sadyang hindi bagay sa kanya. Hindi naman siya katangkaran, tamang-tama lang sa isang lalaking purong Pinoy. Medyo kulot din ang kanyang buhok. Hindi din matangos ang kanyang ilong pero hindi din naman masasabing pango. Makakapal ang kanyang kilay na kasing kapal yata sa kanyang inaalagaang bigote. Moreno si Nato pero hindi sunog ang balat. Isang typical na Pilipinong kayumanggi ang kulay at may katawang katamtaman lang din.

Pinulot ko 'yung pulang tsinelas na binato niya sa 'kin at binato ko din siya gamit 'yun. Nasapul ko si Nato sa ulo. "Ayos-ayusin mo kasi 'yang trip mo!"

Tumahimik si Nato na para bang naninibago ako sa kanyang inasal. Tumatahimik lang ang isang 'to kapag mayr'ng malalim na iniisip. "May problema ba Nato-boy?"

Nakita kong nag-aalangan ang kanyang mga mata habang nakatingin sa kanyang laptop.

"Magpapakilala na kasi 'yung chick ko," mahina niyang sagot. Siguro ang tinutukoy niya ay 'yung babae na madalas niyang kachat sa facebook. Halos hindi niya siya makakain nang maayos makausap lang niya ang babaeng 'yun. Talagang nahulog ang mokong sa isang babae. Sabagay, lagi naman 'tong nahuhulog kaso walang sumasalo. Kaya wala pa ding girlfriend hanggang ngayon.

"Problema ba 'yun? Eh di kitain mo," walang kagatol-gatol kong sabi. Kung gusto niya ang babae na 'yun, mas magandang kitain niya 'yun sa personal para maipadama niya d'un na sincere siya. Hindi nga gwapo si Nato pero pangmatagalan naman kung magmahal.

"'Yun na nga ang problema," narinig ko siyang napabuntung-hininga sabay umupo sa upuan na kaharap na naman ang laptop niya.

Hindi ko siya maintindihan, "Bakit?"

"Kung ikaw ba naging babae, papatulan mo ba 'ko?"

"Lol!"

"Kita mo! 'Yan na nga ba sinasabi ko eh. Baka 'LOL" lang din ang sasabihin n'un sa 'kin 'pag makita ang isang pimple na tinubuan ng mukha!"

"Hindi lahat ng babae ay tumitingin sa panlabas na anyo."

"Wala eh poser na ako eh!"

K'unti na lang at didilim na ang paningin ko sa isang 'to. Oo, madami siyang problema at hindi din siya perpektong tao ngunit hindi 'yun sapat para magkaganyan si Nato. "Kailan ka pa naging pusher?"

Napansin kong kumunot ang kanyang noo sabay tumawa ng malakas sa harapan ko. Hindi ko tuloy alam kung pa'no ako mag-rereact. "Poser! Hindi pusher! Magkaiba 'yun gago! Hindi ako adik"

Tumahimik ako saglit. Hindi ko kasi talaga siya maintindihan.

"Poser ba! 'Yung peke! 'Yan na nga ba sinasabi ko eh! Matuto ka din kasi gumamit ng facebook at kung anu-anong website."

'Anong peke? Pwede ba Nato, diretsuhin mo 'yang sinasabi mo at matutulog na 'ko. Maaga pa ang pasok ko sa school"

Lumakad si Nato papalapit sa 'kin bitbit ang kanyang laptop. Nagdadalawang isip pero halata namang naguguluhan na rin. "Poser ako! Gumamit akong ng ibang picture habang kausap ko siya. Pekeng account at identity, 'yun ang tinatawag na 'poser'."

Binuksan ni Nato ang kanyang laptop at tumambad sa 'kin ang isang stolen shot na picture.

"At ito ang ginagamit ko," nahihiya niyang sabi. "Pre, ikaw ang gusto niyang makita at hindi ako."

Sa totoo lang, ang sarap niyang sapakin habang tinititigan ko ang litrato na kung sa'n ay nakaupo ako sa bench sa campus habang nagrereview. Kailan pa 'to naging stalker sa 'kin? Alam kong tarantado siya pero hindi ko alam ay mas maitarantado pa pala 'to sa iniisip ko. Tama bang gamitin ang picture ko nang walang pahintulot? Ang mas malala, nagpanggap siya na ako. Ni wala nga akong facebook account. Ang walang hiyang---.

"Oo na pala Pre, bukas na pala kayo magkikita."

MASOKISTA (✔️)Where stories live. Discover now