IX

2.2K 35 10
                                    

Yosef…

 

Parang naging slow motion ang lahat nang mabilis na inihampas ni Yvonne ang walis tambo papunta sa gawi ni Nikka.  Pero bago pa niya naabot ay mabilis kong hinarang ang sarili kong katawan at nasalo ang hampas na ‘yun. Tumama ang walis sa kaliwang balikat ko. Hindi ko masasabing hindi masakit ngunit hinding hindi niya makikita sa mukha ko ang hapdi na dulot n’un. Pareho silang nagulat. Pareho silang naging tahimik habang binitawan naman ni Yvonne ang walis sa hallway.

“I’m so sorry, Yosef. Hindi ko sinasadya,” pag-aalala niyang sabi. Pero ang problema ay wala naman akong maramdamang sinseridad sa kanyang boses o kahit sa kanyang pagtingin man lang sa aming dalawa ni Nikka. Hindi pa din ako nakahuma sa kanyang nagagalit at irritableng ekspresiyon na nakapokus sa batang babaeng kasama ko.

Akala ko ay ayos na dahil nagsabi siya ng patawad. Pero wala pang isang minuto ay hindi na naman mapakali si Yvonne at pinipilit na naman niyang abutin si Nikka sa aking likuran. Hinarap ko si Yvonne at wala siyang ginawa kung di’ ang tumingala sa ‘kin,“Kung kay Nikka ba tumama, sasabihin mo din ba na hindi mo sinasadya?”

Napansin ko siyang tumahimik at lumingon sa ibang direksiyon. Nadismaya ako. Nakakadismaya ang babaeng ‘to.

Ang pinaka-ayaw ko ay ‘yung mga nakakatandang pumapatol sa isang bata,” seryosong sabi ko. Hinawakan ko ang kamay ni Nikka at hinila papalayo kay Yvonne, “Halika ka na bunso.”

Inilayo ko ang aking kinakapatid sa loka-lokang babaeng ‘yun. Iniwan namin siya sa hallway. Sayang ang ganda kung gan’un din naman kapangit ang kanyang ugali.

Parang biglang sumagi sa isipan ko ang mga masasakit na kahapon na hindi na dapat pang maalala. Trauma sa mga nangyari noon, ayoko ng may makakaranas pa ng pagmamaltrato sa aking harapan.

Napatingin ako sa langit na tila bang paunti-unting na ring nagdidilim. Parang kahapon lang ang nagyari pero isang dekada na pala ang nakalipas.

Hindi ba ate?

Parang tangang nakatingala na tila ba nakikita ko ang magandang imahe ng ate ko. Naaalala ko na naman siya. Ang aking minamahal na kapatid.

Sumisikip na naman ang dibdib ko sa tuwing nababanggit ko siya. Para bang ang hirap niyang tingnan sa langit. Para kasing hindi bagay sa isang tulad ko ang tumingala kahit na alam ko at ramdam ko na ginagabayan pa din ako ni ate.

Ayokong pumikit kahit na isang saglit.

Ayokong makita ang eksena kung saan siya’y duguan sa isang sementong sahig. Pilit niyang hinahabol ang kanyang mahinang paghinga. Bugbog sarado ang buo niyang katawan. At nakangiting nakatingin pa rin sa akin habang pilit niyang hinahawakan ang aking malamig at nangininig na kamay. Alam ko na kahit sa huling sandali ng buhay ng aking ate, pinapagaan niya pa rin ang aking loob kahit na siya mismo ay nawawalan na ng pag-asang makatakas sa isang malagim na pangyayari. Masakit. May bahid pa din ng kirot dito sa loob ko sa tuwing naalala ko ang kanyang maamong mukha na wala man lang ginawa kung ‘di ang pangitiin ako at protektahan ako sa anumang oras. Wala akong magawa n’ung mga oras na ‘yun para sa kanya. Wala akong ginawa kung ‘di ang pagmasdan siyang nakaratay sa sahig habang umiiyak; hahang paunti-unting nalalagutan ng hininga.

“Mabuhay ka Yosef.”

”Hoy kuya!” isang tapik ang nagpabalik sa aking katinuan. Si Nikka. N’andiyan pa din siya sa aking tabi at hindi ko man lang namalayan na ang layo na pala namin sa classroom ko.

MASOKISTA (✔️)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon