Chapter Eleven

5.3K 372 37
                                    

A/N:

Hello, guys! I'm glad that you made it this far! 🖤 I just want to inform you that the previous chapters you've read (chapters 1 to 10) were rewritten versions and the following chapters (chapter 11 to the finale) are no longer rewritten. If you still wish to continue then I will truly appreciate it—soo much. Happy reading! 🖤


*    *    *


"Owwww! Anggaling mo talaga!" Isa lamang iyan sa mga naririnig kong puri, hindi sa akin ngunit sa kabilang parte ng Training Center, sa parte ng mga dati nang Felon—kay Sea. Kita ko kung gaano siya kabihasa sa mga bagay-bagay na aking nakikita dito, karamihan ay humahanga maging ang mga baguhang Felon, at inaamin ko ring pati ako. Kaya hindi ko na lamang maisip kung paano ko paninindigan ang kulay-abong panloob na kasuotang ito, dahil tama ang Commander, hanggang ngayon ay kanyang pinapatunayan ang kanyang kakayahan. Hanggang ngayon ay patuloy siyang hinahangaan ng karamihan.

"Nakikita mo ba kung gaano siya kagaling?" Halos pabulong na usal ng babaeng tadtad ng tatu—ni Cluster—malapit sa aking tainga. Matapos makumpleto ang lahat ng Bagong Marka sa Training Center ay nanatili na rin siya rito. "Ganyan ka rin dapat o mas higitan mo pa, kailangan mong pangatawanan ang kulay-abong 'yan." Sa kanyang tingin ay nababasa ko ang mga katagang: Masuwerte ka lang. Minabuti ko na lamang itong balewalahin—ngunit akin itong nasobrahan tila akin siyang sinungitan. "Manood ka."

Umunat siya sa pagkakatayo at maangas na naglakad papalapit sa kumpol sa kaliwang parte ng Training Center, papalit kay Sea.

Agad na tumahimik ang lahat nang sila'y matauhan sa paparating, bagay na aking ikinagulat, at lubos ikinamangha. Tama nga ang aking hinala, mataas nga siya rito, halatang nirerespeto siya ng lahat.

Nirerespeto nga ba, o kinatatakutan?

Kasabay ng malalamig na yapak ng kanyang mga hakbang ang dali-daling pag-gilid ng mga Felon, dahilan upang magkaroon ng malawak na daan papunta sa kinatatayuan ni Sea. Nang malaman iyon ni Sea ay agad rin siyang gumilid.

Ngayo'y mas nababagabag ako sa kung paano niya nakuha ang pasa sa kanyang mukha. Malabong mula ang mga iyon sa isa sa mga narito ngayon.

Agad na ibinigay ni Sea ang dalawang kutsilyo na kanyang hawak na dapat ay tigi-isa nyang ibabato sa hugis-taong asintahan.

Lahat ng mata ay lumipat kay Cluster. Hindi ko tinangkang kumurap—wala sa amin. At sa isang iglap ay kaybilis nyang ibinato ang dalawang kutsilyo nang sabay sa asintahan. Walang kahirap-hirap.

Ang dalawang kutsilyo ay tila nabura sa aking paningin, at sa pamamagitan ng isang buong tunog ay natagpuan ko ang mga itong maiging nakabaon sa dibdib ng asintahan—sentro sa puso. Sinundan iyon ng kalatong mula sa mga kutsilyong naalis sa pagkakabaon at bumagsak sa sahig. Sa lahat ng kutsilyong nasa asintahan, ang dalawang mula kay Cluster lamang ang sagad na nakabaon, tanging mga hawakan na lamang ang nakalitaw.

Aking natanto na ako'y nilamon na ng pagkamangha; tanging pagkurap lamang ang aking nagawa.

Ang mata ng mga nasa kanyang paligid ay tila napako rin sa asintahan—gaya ng dalawang kutsilyo. At doo'y lumisan si Cluster na tila walang nangyari. Ibinaling ko naman ang aking tingin kay Sea na hindi ko malaman kung naiinis dahil nasapawan, o tunay na humahanga.

"Sana'y lalo mo pa akong nakilala," usal niya nang makalapit sa akin. Ngunit nanatili pa rin ang aking pagkamangha . . . at bahagyang pag-aalala.

Bago pa ako makatugon ay umalis na siya sa aking harapan. Nilisan nya ang Training Center at unti-unti na ring nabuwag ang kumpol sa kaliwang parte.

The Felon Mark (Wattys 2020 Winner) (Filipino Dystopian Novel)Where stories live. Discover now