Chapter Forty Five

2K 153 16
                                    

Isang magkaka-sunod na ubo ang gumising sa akin. Pakiramdam ko ay hindi pa rin nawawala ang usok sa aking baga, tila mahapdi pa rin ang aking mga mata, ngunit ang lahat ay guni-guni ko lamang na marahil ay dulot ng mga mabilis at hindi inaasahang pang-yayari.

"Ang Gobyerno—" Malinaw na pumasok sa aking isipan ang sinabing iyon ni Atlas bago mang-yari ang lahat, at ang alaalang iyon ang nag-bigay sa akin ng tensyon at pagka-taranta.

"Dawn, kumalma ka," wika ko sa aking sarili, pumikit, at huminga ng malalim.

Naka-upo ako sa isang kama, mala-ulap na kulay asul, maliit, at hindi kasing lambot ng nasa Felon Stronghold. Inusisa ko ang aking katawan at nalamang napaka-linis ko, hindi ko maiwasang maikumpara sa kalinisang nakuha ko sa pintong pinasukan ko noon sa Stronghold, iyong napaka-kapal na usok ngunit hindi masakit sa baga, iyong pintong nag-bigay sa akin ng kulay-abong kasuotan.

Bukod sa napaka-linis ko, napaka-gaan din ng aking pakiramdam. Walang kahit anong bagay na naka-tusok sa akin. Ang aking kasuotan ay kasing kulay ng kama at unan. Ang lahat ng ito, hinding-hindi ko ito inasahan.

Iginala ko ang aking mga mata sa paligid. Normal lamang ang lawak ng kwarto, hindi masikip, hindi rin kaluwangan. Puti ang mga pader, ngunit ang kaputihan nito ay hindi kasing tulad ng nasa Stronghold, may pagka-luma ang mga pader dito kung titignan, ganoon din ang sahig.

Ini-angat ko ang aking mukha at nakita ang isang bumbilya na hindi ko agad napansin sa aking pag-gising. Normal lamang ito, pahaba, katulad nung mga nasa kabahayan sa Trooper Area. Kumunot ang aking noo, hindi rin ganito ang inaasahan kong makikita sa loob ng Elite Dome.

Bukod sa istraktura at sa aking kalagayan, misteryo rin ang katahimikan, bago lamang ito sa aking pakiramdam at tenga.

'Nasaan ako?' tanong ko na para bang hindi ko minsang inisip na nasa Elite Dome ako, dahil walang senyales na Elite Dome nga ang aking kinaroroonan. At bigla kong naalala ang isang lugar, lugar na kahit kailan ay isang misteryo para sa buong mamamayan ng Circa. Ang E.Y.E.

Nasindak ako sa aking napag-tanto, bagay na wala namang kasiguraduhan, ngunit maari.

Sa kaliwa ay mayroong bakal na pintuan, tila ganoon sa pintuan ng elevator, at wala itong busol (door knob). Sa gilid nito ay ang isang maliit na computer screen, nalaman ko ang tawag dito nung ako'y nasa Felon Stronghold. Nanatili ang aking mga mata't atensyon dito sa puntong hindi ko na napansing nasa harapan na ako nito. Kung ano-ano ang mga naka-lagay sa screen, bagamat hindi ko kabisado ay pamilyar ang mga ito, lalo na ang isang tatak ng daliri. Inilapat ko ang aking hinlalaki rito at nalamang sakto ang laki nito sa aking daliri.

Sa aking pag-lapat ay kumislap ang isang pulang ilaw sa tapat ng aking mukha, dahilan upang mawala ang aking atensyon sa screen. Inusisa ko ito, ngunit sa kalagitnaan ng aking pag-uusisa ay agad na lumabas ang blueprint, dahilan upang manigas ako sa pagkakatayo.

Tila sinakop ng blueprint ang aking mukha, ang kurba ng aking magka-hiwalay na labi, ang hugis ng aking gulat na mata, ang aking tigas na tigas na pisngi papuntang tenga—ang lahat. Pagkatapos ng ilang segundo, umalingawngaw ang isang boses sa buong kuwarto, kalmado at alam kong may halong teknolohiya.

"Dawn. Maligayang pag-dating sa Underground Independent Stronghold. Isang oras na lamang at maari ka nang maka-labas ng iyong kuwarto."

'Ano?' bulyaw ko sa aking isipan sa gulat? Muli kong inilapat ang aking daliri ng ilang beses sa screen sa pag-aakalang muling aalingawngaw ang boses, ngunit bigo ako.

Tama ba ang narinig ko? Wala kami sa E.Y.E? O sa Elite Dome? Wala kami sa kamay ng Gobyerno? Hindi ako maaring mag-kamali sa aking narinig. Hindi.

Bumalik ako sa kama at umupo, sinubukan kong kumalma na akin namang napag-tagumpayan.

The Felon Mark (Wattys 2020 Winner) (Filipino Dystopian Novel)Where stories live. Discover now