Chapter Twenty Nine

2.8K 221 40
                                    

"Kailangan mong gumalaw bago pa man iyon maisip ng kalaban."

Pumasok sa aking isipan ang bilin niyang 'yon, ngunit alam kong hindi iyon patungkol sa kung sino ang mauunang sumuntok o umatake, iyon ay patungkol sa stratehiya, kelangan kong gawin iyon bago pa man maisip ng kalaban na tumatakbo iyon sa aking isipan.

Buo ang mga kamao ni Sea na siyang pinapalibutan ng ilang ugat, gamit ang kanyang lakas, inipon niya ang kayang bigat sa isang kamao at agad itong mabilis na isinuntok sa'kin, yumuko ako at naging sapat ang aking bilis upang magawa iyon. Sa pagkakayuko ay sumalubong sa akin ang kaniyang tiyan, bukas at walang sagabal, kaya naman hindi na ako nagdalawang isip pa't agad na ibinato ang aking kamao rito, kita ko ang bahagyang paggalaw ng kanyang makapal na balat na mistulang alon, at aking ikinatuwa nang kanya itong ininda.

Bago pa man niya maitama ang kanyang tuhod sa aking baba ay nakaiwas na ako, nakawala na sa kanyang katawan na halos matumba sa akin. Agad akong humarap at muling inihanda ang aking sarili. Mabilis niyang nabawi ang kanyang sarili at mabilis na humarap sa akin na tila ba wala lang ang lahat. 'Mabuting simula 'to, Dawn,' wika ko sa aking sarili.

Nagpakawala siya ng isang ungol na halos magtunog hayop, katulad nung ungol ng gutom at naglalaway na aso sa Trial, at ang kanyang mga mata, mapangahas na kasing tulad ng galit na ahas, at sa kanyang mukha, bakas ang nagliliyab na panggigigil, bagay na aking ikinatuwa bukod sa lalong ikasindak, maari kong gamitin iyon bilang kanyang kahinaan. Sabi sakin ni itay noon: Ang mga nawawala sa normal na emosyon at pag-iisip ay nagiging bobo at nakakalimutan na ang mag-isip bago kumilos. Maari ngang lumakas siya lalo, ngunit wala iyong silbi kung hindi niya iyon gagamitan ng utak.

Sumugod siya sa akin, ang kanyang kanang kamao ay nakaatras, at nagsasabing, iyon ang kanyang itatama, ngunit ang kanyang kaliwang kamao, alam kong handa rin ito. Nanatili ako sa aking posisyon na tila hindi alam ang gagawin, ngunit iyon ang aking stratehiya, ang paniwalain siyang magwawagi siya.

Mabilis na sumalubong sa aking mukha ang kanyang kamao, ngunit mas mabilis ako at nagawa iyong iwasan, ngunit hindi nagtatapos ang lahat doon, at ang pangalawang stratehiya ay hindi ko nagawa. hindi ko nagawang iwasan ang kanyang kaliwang kamao at mabilis itong tumama sa aking tagiliran, bagamat kaliwa ang kanyang ginamit ay malakas ito na aking ininda.

Ang tamang iyon ay tila umabot ng aking baga at bumara sa aking paghinga, saka pumasok sa aking isipan ang isang bagay. Si Sea nga pala ang katapat ko, at tulad ko, mayroon din siyang angking galing, bagay na hindi na pumasok pa sa aking isipan kanina. Malabong magiging madali na lamang sa akin ang lahat ng ito, dahil ang katotohanan ay siya si Sea, ngunit hindi dapat ako panghinaan ng loob. 'Malakas ako, mabilis, matapang, at determinado... para to kay Ayo.'

Napaatras ako sa tamang iyon at hindi ko na natamaan pa ang kanyang panga. Sa abot ng aking makakaya ay agad kong binawe ang aking sarili sa pagkakabalanse at inalis sa isip na natamaan niya ako, hindi iyon makakatulong.

Ang kanyang nanggigigil na mukha ay tila nabura na at binigyan ako ng mapangmaliit at mapang-insultong ngiti na tila nagsasabing: 'hindi mo'ko kaya, Dawn.'

Muli kaming bumalik sa una naming posisyon. Nanatili kami ng ganoon sa loob ng di bababa sa limang segundo hanggang sa siya'y magsimulang pumaikot sa akin, at ganon din ako sa kanya. Bawat paghakbang ng aming paa pagilid ay ang paglapit namin sa isa't-isa.

Ang kailangan ko ay mapatumba siya, ngunit tila mahihirapan ako, at hindi makabubuting iyon na lamang ang aking pagsisikapan, kailangan kong mag-isip ng iba pa, ngunit hindi ko na iyon nagawa pa nang agad siyang magpakawala ng suntok. Tumama iyon sa aking panga na siyang umalog ng aking buong mukha, yumugyog ang aking paningin hanggang sa aking maramdaman ang kaunting pagkahilo, at pakiramdam ko... pakiramdam ko'y matutumba ako.

The Felon Mark (Wattys 2020 Winner) (Filipino Dystopian Novel)Where stories live. Discover now