Chapter Sixteen

4K 307 109
                                    

"Kung inyong titignan ay sampo lamang ang mga grupo kung kaya't apat na po lamang sa inyo ang mabibigyan ng grupo ngayong araw, baguhan man o hindi. Ibig sabihin, kung hindi kayo maigrugrupo sa araw na ito ay kailangan niyo pang mag-ensayo upang maigrupo dahil hindi kwalipikado ang inyong mga iskor sa pagsasanay upang maisali sa grupo," wika ng Commander. "Ang Groupings ay mananatili hanggang mayroon pang Trial, hanggang mayroong baguhang Felon, kaya mayroon pa kayong tatlong araw upang maigrupo, ang mga matitirang walang grupo ay magiging Resistor, kung saan kayo ay lalaban para sa inyong buhay. Kung sino man ang mananatiling buhay sa loob ng tatlong araw ay mananatili bilang felon."

Halos tumigil ang ikot ng aming mundo sa sinabing iyon ng Commander, walang hangin, walang tunog, at ang tanging maririnig na lamang ay ang mga gulat ng paghinga ng lahat. Hindi ko inasahang ganoon pala kahalaga ang aming iskor sa pag-eensayo, na ang aming mga iskor pala ang tanging daan sa aming pananatili dito, ngunit ang buong akala ko ay isa na kaming Felon, at tanggap kami rito, ngunit mali ako. Napapaisip ako kung ano ang aking iskor, ngunit tulad nga ng sinabi sa amin, hindi na nila iyon ipapaalam pa.

"Isa pa. Nais kong ipaalam sa lahat ng baguhang Felon na hindi lahat ng mga dating Felon ang inyong mga makakatunggali, kundi ang mga Resistors lamang noong nagdaang taon kung saan sila ay nabuhay at nanatili bilang Felon. Sa mga naging Resistor, ito ang inyong huling pagkakataon upang manatili bilang Felon, dahil alam kong alam niyo na wala nang nabubuhay pa sa pagiging Resistor ng ikalawang beses." Lalo akong nanigas sa aking mga nalaman. Si Ayo, si Sea, Raven. Ibig sabihin ba ay naging Resistor sila noong nakaraang taon?

Marahil ay oo dahil nag-ensayo sila, ngunit maaari ring hindi at nag-ensayo lamang sila dahil sila ay magiging lider ng grupo, lalo na kay Raven dahil nasa dalawampo na ang kanyang edad sa aking palagay, o marahil ay dalawampo't isa, dalawa, hindi na nagkakalayo pa 'ron. Ngunit kung ganoon ay walang ligtas si Ayo, siguradong naging Resistor siya dahil hindi naman siya itinalagang lider. Ngunit ano nga bang nagyayari sa mga Resistor?

"Hawak ko na ang mga pangalan kaya simulan na natin ang Groupings." Nawala ang aking mga iniisip nang muling magsalita ang Commander. Sa hawak niyang salamin ay ang listahan, listahan na magsasabi kung ano ang aming kahihinatnan bilang Felon, bagay na kinangangambahan ng lahat, maging ako. Hindi ko maiwasang mangamba.

Pinindot niya ang salamin at sinimulang banggitin ang mga pasok sa unang grupo, sa grupo ni Raven. Ang unang nabanggit ay isang lalaking baguhang Felon, ngunit hindi naman kataka-taka kung makapasok siya. Malaki siya at halatang malakas. Sa kanyang pagkatawag ay may mangilan-ngilang pumalakpak, kasama na ako, masaya ako sa tagumpay niya. Ang ibang hindi pumalakpak ay marahil, ay dahil sa kaba o sa inggit, dahil kasabay ng pagbanggit sa nakapasok ang pagbaba ng aming tyansang maigrupo.

Ngunit hindi natatapos sa pagkabanggit ang lahat, bagay na aming ikinagulat ngunit agad rin naming napagtanto. Ngayon ay alam ko na ang meron sa mga balkonahe at lubid.

"Ngayon ay maaari ka nang umakyat," wika ng Commander sa lalaking nabanggit.

"Huh?" Wika naman niya, paraan ng pag-angal.

"Upang maging ganap na miyembro ay kailangan niyong gawin ang ginawa ng inyong lider, iyon ay ang pag-akyat sa balkonahe gamit ang lubid na isinabit ng inyong lider para sa inyo," wika niya na agad naman niyang dinugtungan, "Lahat ng Felon dito ay napagdaanan yan. Aakyat ka ba o hindi?" Nakakasindak na tanong ng Commander, at isama pa rito ang mga nakakainsultong tingin ng mga ganap na ganap nang Felon.

Hindi na nagsalita pa ang lalaki, bagkos ay huminga siya ng malalim at kumapit ng mahigpit sa lubid. Kitang-kita kung gaano ito kahirap para sa kanya, ngunit sapat na ang mga ginawang pag-akyat ng lider upang isiping imposibleng hindi niya iyon kayanin. Kung ang babae ay kinaya, dapat lang na kayanin niya, bagamat mahirap ay kailangan niya, kailangan naming lahat.

The Felon Mark (Wattys 2020 Winner) (Filipino Dystopian Novel)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon