Chapter 7

2.5K 72 1
                                    

Kung may ilang ulit na siyang nagpapaikut-ikot sa magarang sala ng mansiyon ng mga del Castillo ay hindi niya alam. Hindi niya mapigilang ang sarili niya.

“Cyan, kailangan ko na talagang umalis. Kung ayaw mong gisingin ang kuya mo, kuhanin mo na lang sa gamit niya ang mga gamit ko,” aniya sa bunsong kapatid ni Nav.

Kampante lang itong uminom ng apple smoothie habang nakatingin sa kanya. “Ayoko nga. Kung alam mo lang, Ate. Ayaw niyang pinakikialaman ang mga gamit niya.”

“Ipahatid mo na lang ako sa driver n’yo.”

“Hindi rin pwede. ‘Di ba, sinabi ni Kuya na siya ang maghahatid sa’yo? Ayokong mapagalitan niya ako,” nakangusong sabi nito.

Nag-isip siya ng paraan. Gabi na ngunit hindi pa nagigising si Nav. Nakalimutan niyang kuhanin ang mga gamit niya rito bago ito umakyat sa silid nito at matulog. Ni hindi niya alam kung may mga kliyente na bang tumawag sa kanya, o kung ano na ang nangyari sa sales ng mga boutique niya na hindi niya nabisita buong araw. Marahil ay nagtataka na ang mga store managers niya sa hindi niya pagpunta. Si Rosette pa lang ang nakakaalam na “boyfriend” na niya si Nav dahil sinabihan na ito ni Cyan kanina.

“Paano ako uuwi? Ayaw mo akong ipahatid, at ayaw mo ring kuhanin ang gamit ko sa kuya mo. Hindi ako pwedeng magpalipas ng gabi rito.”

Nangislap ang mga mata nito. “Why not? That’s a brilliant idea!”

“Cyan!”

“Sige, ‘wag na ‘yon.” Kunwari ay nag-isip ito. “Ah, tama! Ikaw na lang mismo ang kumuha ng mga gamit mo sa kwarto niya.”

“Baka sa’kin naman siya magalit?” nagdududang tiningnan niya ito.

Umiling ito. “Hindi siya magagalit sa’yo. You know, he’s too inlove with you to think of anger.” Humagikgik pa ito pagkasabi niyon. “Akyat ka na. The third room from the left, Ate. Iyong may nakasabit na soccer ball na karatula sa pinto.”

Napapangiti na iniwan niya si Cyan. Mali ito sa pag-aakalang mahal siya ng kuya nito kaya siya nito kinukulit. Masasabi ngang hindi rin niya alam ang tunay na intensiyon nito, ngunit sigurado siyang hindi iyon dahil sa mahal siya nito. May palagay siyang nais lamang nito na paglaruan siya. Kung hindi ay bakit sa siyam na taong lumipas ay noon lang ito lumapit sa kanya, at para mang-asar pa? Maraming taon na ang nagdaan, kaya hindi na nito mabibilog ang ulo niya. Matagal na niyang kinalimutan ito at ang ginawa nitong pagpapaibig sa kanya noon.

Idinikit niya ang tainga niya sa pinto ng silid nito saka kumatok ng tatlong beses. Pasensiya na lang ito kung naabala man niya ito sa pamamahinga, ngunit kailangan na talaga niyang umalis. Palpak ang plano niyang inisin ito sa araw na iyon at sa halip ay siya pa ang nainis at nainip sa paghihintay dito.

“Nav? Papasok na ako!” aniya saka pinihit ang seradura nang wala pa ring sumasagot. Bumungad sa kanya ang napakalaking silid nito na may kaguluhan. May mga basyong bote ng beer at Gatorade sa bedside table katabi ang cordless phone, sa ibabaw ng study table nito ay patung-patong ang mga tracing paper, cartolina, at kung anu-ano pang gamit sa pagguhit, maging ang laptop nito na nakaangat pa rin ngunit patay na ang power supply. Marahil ay na-drain na ang battery niyon kaya kusa nang nag-shut down. Sa kama nitong ang comforter ay parang nilamukos na papel ay maraming damit na nakaladlad. Hindi niya malaman kung malinis ba o marumi ang mga iyon.

I'd RatherWhere stories live. Discover now