Chapter 2

9.3K 196 4
                                    

NASA Lenny's si Jacque, doon siya dumiretso pagkatapos ng meeting sa kanilang kliyente. Ang Lenny's ang napili nilang magke-cater para sa kasal. Bukod kasi sa sikat ang catering service na iyon ay nakakatuwa pang kausap ang may-ari na si Nanay Lenny.

Kapag hindi nagtitipid ang kliyente ay ang Lenny's ang inirerekomenda nila. Sulit naman kasi ang babayaran kung masasarap talaga ang pagkaing nakahanda sa buffet table. "Jacque! Kumusta?" ngiting-ngiting salubong sa kanya ni Nanay Lenny. Nasa sixties na ito pero hands-on pa rin sa negosyo.

"Mabuti po, nanay," nakangiti ring sagot niya. "May kaunting problema pero kayang-kaya naman."

"Mabuti kung ganoon. Ang mga problema naman ay nagiging problema kung iyon ang tingin mo. Minsan ay blessing iyan, iba lang ang dating sa'yo."

Napaisip siya, may point ang matanda. Dalawang anghel ang daragdag sa pamilya nila. Blessing nga iyon at hindi problema. Napangiti siya.

"May kliyente ako, siyempre, ikaw ang nirekomenda ko," umpisa niya ng usapang-negosyo.

"Sige, pag-usapan natin iyan," malaki ang ngiting sagot nito at saka siya dinala sa maliit nitong opisina.

Nang sabihin nitong available ang Lenny's sa araw ng kasal ay nakahinga siya nang maluwag. Marami rin kasing kliyente ang Lenny's dahil nga sikat na ito. Dahil nagkasundo na sila sa petsa ay wala ng naging problema pa. Natapos ang meeting nila nang may maganda siyang ngiti sa mga labi.

"Kumain ka na muna bago ka umalis," ani Nanay Lenny. Pinaunlakan niya ito. Dinala siya nito sa isang mesa at inutusan nito ang crew na bigyan siya ng menu book. Originally, restaurant ang Lenny's na itinayo noong nineteen seventies. Hanggang sa nagkaroon na rin ng catering service na request ng mga parokyano nito. "Maiwan na kita, ha? Kailangan ako sa kusina."

"Sige po. Salamat, nanay."

Habang hinihintay ang paborito niyang kare-kare ay luminga-linga siya sa paligid. Kubo ang Lenny's, malaki at modernong kubo. Napakaganda pa rin niyon kahit ilang bagyo na ang pinagdaanan. Ayon kay Nanay Lenny, naipa-renovate na raw ang Lenny's ngunit may litratong naka-kwadrado sa dingding ng restaurant na nagpapakita ng pagbabago sa Lenny's sa mga nagdaang-taon.

Napadiretso ng upo si Jacque nang may maramdaman siyang malamig na likido sa kanyang likod. Kunot ang noong nilingon niya ang salarin sa pagkakabasa sa kanya. Lalo pang uminit ang ulo niya nang maramdamang dumiretso ang malamig na likido sa kanyang pang-upo.

"I'm sorry," anang lalaking salarin. He was familiar. Pinilit niyang balikan sa isip kung saan niya ito nakita. "Hindi ko sinasadya."

His voice! Kilala na niya ito. "Ikaw iyong lalaki sa bar kagabi, hindi ba?" halos umusok ang ilong niya sa inis. Nakaka-two points na ito sa kanya.

"Ms. Suicidal?" anito saka siya tinignan nang mabuti. Lalo siyang nagngitngit sa itinawag nito sa kanya. "It's nice to meet you again," anito sa seryosong tinig.

"Nice? Walang nice rito! Nabasa mo ang likurang bahagi ng damit at pantalon ko!" bulyaw niya rito, dahilan para pagtinginan sila ng ilang customers. Napahiya siya kaya binabaan niya ang tinig. "Buwisit ka talaga!" mahinang angil niya sa lalaki.

"I'm really sorry," anito na bahagyang ngumiti. Natigilan siya sa ngiting iyon. He even looked more gorgeous when he smiled. "Stand," utos nito sa kanya.

"At bakit ko kailangang tumayo?" nakataas ang isang kilay na pagtataray niya.

"Just stand," napapailing na sabi nito.

[COMPLETED] The Ladies' Man Meets Jacque Alonzo (Published under PHR)Where stories live. Discover now