Part 1

78.4K 968 40
                                    


Randall Clark--- At First Sight (Story Status: Completed)

Miro Lagdameo--- Written In The Stars (Story Status: Completed)

Milo Montecillo--- Love On Trial (Story Status: Completed)

Jared Montecillo--- You Had Me At Hello (Story Status: Completed)

Mike Villamor--- Dare To Love You (Story Status: Completed)

Arthur Franz de Luna--- Paint My Love (Story Status: Completed)

Lance Pierro Alvarez--- When Miss NBSB Meets Mr. Bully (Story Status: Completed)




BINUKSAN ni Randall ang bintana ng minamanehong Montero Sport, hoping the cold breeze would ease his burdens. Nahaharap ang kanyang pamilya sa isang mabigat na pagsubok. Idinawit sa malaking graft and corruption case ang amang si Sen. Carlos Clark. Ikinakabit naman sa pangalan nila ang West African drug syndicate na nag-o-operate internationally.

Pinagpipiyestahan na ng sambayanan ang eskandalo. Iniiwasan na nga niya ang magbukas ng telebisyon o pangahasang magbasa ng mga news article dahil siguradong sasama lang ang kanyang loob sa kabi-kabilang pambabatikos sa kanyang ama at sa kanilang pamilya. Pati ang mga pribadong sektor ay nagkanya-kanya na ng paggawa ng ingay sa pagnanais na mapatalsik sa senado ang kanyang ama at mailagay sa likod ng rehas.

Nasa Ombudsman na ang kaso at sinisimulan na rin ng senado ang sariling imbestigasyon. Dahil doon kaya naka-freeze ang mga ari-arian at assets ng mga Clark sa loob at labas ng bansa. At bagaman naka-house arrest na, inilagay pa rin sa immigration watch list ang pangalan ng kanyang ama.

Kahit ano pa ang sabihin ng mga tao, hindi naniniwala si Randall sa mga akusasyong ibinabato sa kanyang ama. Iniidolo niya ang ama dahil mabuting tao at walang sinumang makapagpapabago ng bagay na iyon. May dangal at may pagpapahalaga sa salita ang kanyang ama. Tinupad ng ama ang mga pangakong binitiwan sa taumbayan noong panahon ng eleksiyon. Nakakatawa lamang isipin na kahit inialay na ng kanyang ama ang buong buhay sa pagsisilbi sa bayan ay hindi pa rin iyon makita ng marami. Ngayon niya napatunayang totoo nga na mas nakikita ng tao ang isang pagkakamali kaysa sa sampung ginawang kabutihan—iyon ay kung talagang ginawa nga ng kanyang ama ang mga ibinibintang dito. Trial by publicity na ang nangyayari at hindi na niya alam kung ano pa ang mangyayari sa hinaharap.

Iisa lamang ang nakikita ni Randall na dahilan para kaladkarin sa eskandalo ang kanilang pangalan. Matunog kasi ang usap-usapan na ang kanyang ama ang magiging front-runner ng kinabibilangang partido sa susunod na eleksiyon kaya marami rin ang nais sumira sa kanyang ama at sa reputasyon nito. Hindi niya alam kung ano pa ang kayang gawin ng mga naninira sa kanyang ama.

Kung sino ang nasa likod ng paninira sa kanilang pangalan ay mahigpit na niyang tinatrabaho. At sa labang kinakaharap ngayon, ipinagpapasalamat niya ang pagkakaroon ng mga kaibigan na hindi siya iniwan sa kabila ng mga nangyayari. Heads would surely roll; someone had to pay and the price was high.

Kagagaling lang ni Randall kay Atty. Michael Lorenzo Montecillo. Kapatid si Milo ng kaibigan niyang si Jared Montecillo at naging kaibigan na rin niya si Milo dahil kay Jared. Magaling na abogado si Atty. Michael Lorenzo Montecillo at nagpa-practice din ng international law. Maraming alam ang abogado sa international law at may jurisdiction din sa ibang bansa. Malaki ang maitutulong ng abogado sa kaso ng kanyang ama, lalo na sa international police.

Ang mga kaibigan niyang sina Mike, Art, Pierro, Jared, at Miro ay tahimik na kumikilos para mag-imbestiga sa likod ng corruption scandal. Buo ang tiwala ni Randall sa kakayahan ng mga kaibigan. Kung inaakala ng kalaban na malilimitahan ang mga galaw nila dahil sa pagkaka-freeze ng lahat ng assets at bank accounts nila ay nagkakamali ang kalaban dahil nag-uunahan pa ang mga kaibigan niya sa pagbibigay ng financial support.

"Randall Clark!"

Bigla na lang may sumulpot na motorsiklo sa tabi ng kanyang kotse. Nakasuot ng helmet at itim na jacket ang lalaking sakay ng motorsiklo. Agad siyang nagduda. Mabilis niyang pinindot ang automatic lock ng nakabukas na bintana. Bulletproof ang kanyang sasakyan at alam niyang maililigtas siya niyon sa kung anumang panganib na dala ng lalaki. Ngunit huli na ang lahat. Umalingawngaw na ang putok ng baril bago pa man tuluyang sumara ang bintana. Sumigid ang kirot at pamamanhid na dala ng bala na tumama sa katawan ni Randall.


At First Sight (Completed!)Where stories live. Discover now