Part 17

29.2K 1.2K 59
                                    

"I CAN'T believe it, Rand!" hindi makapaniwalang bulalas ng kaibigang si Art.

"Kahit ako, pare, hanggang ngayon ay hindi pa rin ako makapaniwala," sagot ni Randall habang pinapanood sina Honeyleen at Angelo na masayang naglalaro sa playground na malapit sa main house ng resort sa Batangas na kinaroroonan nila.

"Hindi puwedeng ipagkamaling anak mo nga siya, pare. Ang laki ng pagkakahawig niya sa 'yo. And who would have thought na anak mo pala ang nakakalaro ni Angelo tuwing nandirito kami," wika ni Pierro. Kababalik lang ng kaibigan niyang ito sa Pilipinas mula sa pamamasyal sa Hong Kong kasama ang asawang si Catherine at ang anak ng dalawa na si Angelo.

Nagtatanong ang mga matang napabaling si Randall kay Pierro.

"Yeah. Hindi nga lamang namin nakikita ni Catherine si Honeyleen dahil laging si Angelo ang dumadayo sa kabilang resort. Kaya pala parang pamilyar sa akin si Aira, may nakaraan pala kayo."

Laking pasasalamat ni Randall na hindi niya naikuwento sa mga kaibigan ang ginawa ni Aira noon. Kung nagkataon, hindi niya alam kung paano dedepensahan si Aira sa maaaring isipin ng mga kaibigan niya. Pero ang mas hindi niya maintindihan ay kung bakit pinoproblema niya ang maaaring isipin ng mga kaibigan kay Aira. He just felt protective towards her.

"Kung nakita ko siguro o ni Catherine noon ang anak mo, siguradong magdududa rin kami," dagdag pa ni Pierro.

"Look at the kids, guys," sabad ni Jared. "Mukhang magiging magbalae pa yata kayo ni Randall, Pierro. Tingnan n'yo kung paano titigan ni Angelo si Honeyleen, manang-mana sa pagkapabling ng ama!" bulalas pa nito na ikinatawa nilang lahat.

"Hoy, hindi ako pabling, ha," pagtatanggol ni Pierro sa sarili at bumaling sa kanya. "Kapag nanligaw ang anak ko sa anak mo, pumayag ka kaagad, ha? Huwag mong pahihirapan ang anak ko. Kung hindi, itatakwil kita bilang kaibigan," pabirong sabi nito na lalong ikinatawa ng lahat.

"So, ano na ang plano mo ngayon, pare?" tanong ni Miro nang humupa na ang tawanan.

Sinulyapan ni Randall ang kinaroroonan nina Aira, Catherine, Margaux, at Kristina. Abala ang apat sa paghahanda ng mga pagkain sa open cottage para sa kanilang picnic along the beach. Ginagawa na nila iyong magkakaibigan kahit noon pang nag-aaral sila, lalo na kapag may problema ang isa sa kanila at gustong maghinga ng sama ng loob. Nagpupunta sila sa kung saang resort at mananatili roon nang ilang araw. Sinisiguro nilang minsan sa isang buwan ay kompleto silang lahat at nagkakasama-sama, pati na rin ang pamilya ng mga may-asawa na sa kanila.

Katakot-takot na pakiusap at pilitan ang nangyari bago niya napapayag si Aira na sumama sa kanya. Isang malaking palaisipan talaga sa kanya ngayon ang babae. Sa bawat araw na nakakasama niya si Aira ay marami siyang natutuklasang ugali nito at aaminin niyang nagugustuhan niya ang mga bagay na natutuklasan. Ibang-iba na ang bagong Aira sa Aira na nakilala niya noon.

Kung binigyan kaya niya si Aira ng pagkakataon noon para magkakilala sila nang lubos, mararamdaman din kaya niya ang nararamdaman para dito ngayon? Gusto-gusto niya kapag nasa malapit lang ang babae sa kanya, lagi niyang nakikita at nahahawakan. At naloloko siya sa paghalik-halik kay Aira. Pinapayagan naman siya ng babae na gawin iyon pero hanggang doon lang. Sinusunod niya ang pananaway nito kapag lumalalim na ang halik.

"I don't know," matapat na sagot ni Randall sa mga kaibigan. Totoong wala pa siyang malinaw na plano.

"Ano sa tingin mo, Milo? Mananalo ba si Randall kapag dinala niya sa korte ang kasong ito?" tanong ni Jared sa kapatid.

Napatingin din si Randall kay Milo. Hindi pumasok sa isip niya na kunin si Honeyleen kay Aira. Nasaksihan niya kung gaano kamahal ng kanyang mag-ina ang isa't isa. At wala rin siyang maipipintas kay Aira sa pagiging ina sa kanilang anak.

"To be honest, with Randall's name, puwedeng-puwedeng sa kanya kumampi ang korte. Pero ayon sa batas, ang isang batang pitong taon pababa ay dapat na manatili sa piling ng ina. Kung hindi ganoon ang sitwasyon, saka lang maaaring ang korte ang magdesisyon. Unless..."

"Unless what?" tanong ni Mike

"Unless mapapatunayan sa korte na unfit na maging ina ang isang babae. That the child's welfare will be in jeopardy under her custody," paliwanag ni Milo.

"She isn't unfit," halos pabulong na sabi ni Randall ngunit narinig pa rin iyon ng mga kaibigan niya, dahilan para magsipagbalingan sa kanya at bigyan siya ng makahulugang tingin. "W-what?"

"Umamin ka na nga, Rand. Mukhang na-virus ka na rin kagaya nina Pierro. You've been bitten by the love bug, pare!" panabay na wika nina Art at Mike.

Was he in love with Aira already?

"O-of course not," hindi siguradong tanggi ni Randall.

Tinawanan lang ng mga kaibigan niya ang kanyang sagot.

"What can I say? Hindi lang ang anak ang gusto niya kundi pati na rin ang ina," nakangising pahayag ni Milo.

"Hoy, tigilan n'yo ako!" Napipikong tumayo si Randall. "At bago ko tuluyang makalimutan, you'd better prepare the millions due my daughter." Nginisihan niya ang mga kaibigan. Nakagawian na kasi nila na magbukas ng account para sa first born ng bawat isa sa kanila at lagyan iyon ng malaking halaga. Nagsimula iyon sa anak ni Pierro na si Angelo, hanggang sa naging tradisyon na nilang magkakaibigan. "Plus all the holidays na dapat ay may regalo mula sa inyo ang anak ko. Huwag kayong mandadaya. Sisiguruhin ko na may computation ang bawat isa sa inyo ng dapat n'yong ibigay sa anak ko," dagdag pa ni Randall.

Napalis ang ngiti ng mga kaibigan niya kaya siya naman ang napahalakhak.



:D Frienship goal talaga 'tong mga 'to. Agree? Leave a COMMENT :D

Don't forget to VOTE. Thanks!



Autor's note: Nakapost po ang complete story since 2017. Pero dahil nakakontrata na po ito sa Dreame ay kailangan ko nang burahin ang ibang parts. Sa Dreame na po ninyo mababasa ito mababasa nang buo. Salamat. :)

At First Sight (Completed!)Where stories live. Discover now