2 - Panauhin

49 10 14
                                    

Unti-unti nang bumabalik ang pakiramdam ni Anna sa kanyang buong katawan. Ipinagpasalamat niya pa rin na walang masamang ginawa sa kaniya ang lalaking naka-maskara bukod sa paghimas ng kaniyang pisngi at braso noong unang beses na nagpakita ito sa silid na kinaroroonan niya.

Sobrang takot at kaba ang naramdaman ni Anna sa mga oras na 'yon. Tanging ang mga luha lang niya ang naging senyales ng kaniyang matinding takot para sa sarili. Iniisip niya kung tama ba ang hinala niya tungkol sa lalaking tumawag sa kaniyang "prinsesa".

Magulo man ang isip ni Anna ay pilit niyang isinaulo ang kwartong kinalalagyan. Bukod sa kamang kinahihigaan at pinagtalian sa kaniya ay isang aparador lang ang bukod tanging kasama niya sa loob ng kwartong iyon. Malinis ang dingding na tinakpan ng bulaklaking wallpaper dahilan upang wala siyang makitang kahit isang pako roon.

Ang aparador ay gawa sa bakal na nakalapat sa dingding. Inikot ni Anna ang paningin sa kaya nitong maabot sa pag-asang may makitang bagay na pwedeng gamiting pang-depensa sa sarili. Ngunit bigo si Anna. Napakilinis ng kwarto at walang kahit anong bagay ang naligaw dito. Siguro sinadya iyon ng lalaki dahil alam nitong pwede iyong makasama sa kaniya.

Isang kaluskos mula sa labas ng pintuan ang naulinigan ni Anna. Kaluskos na narinig niya noong pinuntahan siya ng lalaki. Hindi niya alam kung kahapon ba iyon nangyari dahil hindi niya alam kung anong oras at araw na ngayon. Hindi niya alam kung araw ba ngayon o gabi dahil sa sobrang sarado ng kwartong iyon at hindi niya maaninag kung anuman ang nasa labas nito.

Narinig niya ang dahan-dahang paglangitngit ng pintuan dala ng pagbukas nito. Isang babae ang kaniyang panauhin na sa kaniyang tantiya ay kasing-tangkad niya ang pumasok at muling isinara ang pintuan. Nakasuot siya ng magandang damit na sinusuot sa mga party. Kulay pula ito na umabot hanggang sakong ng babae. May kolorete ang kanyang mukha na masasabi kong nagpatingkad sa angking ganda niya.

"Mabuti at gising ka na." unang bungad nito kay Anna nang makalapit sa kinahihigaan nito at ilapag ang isang puting kahon na gawa sa carton.

Tunay ngang maganda siya ngunit naaaninag ni Anna ang pamumugto at pamula-mula ng mga mata nito na tila ba galing ito sa pag-iyak.

"Tu-tulungan mo a-ako." pilit na sambit ni Anna sa pag-aakalang pati boses niya ay natakot na rin at baka mas pinili na ring magtago. Ngunit nakaramdam siya ng galak ng marinig at makilala ang sariling boses. Napaluha siya sa samo't saring emosyon.

Nakita niya ang pangamba na rumihistro sa mukha nito at nasilayan niyang napuno sa takot ang mga mata tila pagod na sa pagluha.

"Huwag mo na ulit banggitin ang mga katagang 'yan kung gusto mo pang mabuhay ng matagal." halos pabulong na wika ng babae.

"A-anong ibig mong s-sabihin?" puno nang pagtatakang tanong ni Anna sa babae habang inisa-isa nitong ilabas ang mga laman ng kahon.

Isang magandang damit na kawangis ng suot niya ang laman ng kahon. Isang pares ng sapin sa paa na may takong ang kasamang inilapag nito sa gilid ng kama. Tahimik niyang pinagmasdan ang ginagawa nito habang hinihintay ang kasagutan sa kaniyang tanong.

"Katulad mo, bihag din niya ako dito. Hindi mo pa siya kilala kaya mas mabuti kung manahimik ka. Maging mabait ka para hindi ka maparusahan." sagot nito sa tanong ni Anna.

Nabigla man ay ipinasok ni Anna sa utak niya ang mga sinabi ng babae.

"Ako si Bev. Anong pangalan mo?"

"Ako si A-ana! Matagal ka na ba dito? May iba pa ba tayong kasama? Bakit tayo nakakulong dito?" sunod-sunod na tanong ni Anna kay Bev.

"Matagal na para makilala ang walang-hiyang dumukot sa atin. Marami tayong naging biktima niya." malungkot na sagot ni Beverly habang kumawala ang luha sa mga Mata nito na mabilis niyang pinahid gamit ang mga palad.

Hindi maaring masira ang kanyang kolorete sa mukha dahil dapat nasa harap na sila ng hapag sa saktong oras.

"Kaya mo na bang bumangon at tumayo?" tanong ni Bev kay Anna.

"Hindi ko alam pero nararamdaman ko na ang katawan ko. Bakit? Tutulungan mo na ba akong makalabas dito? Maawa ka na, umalis na tayo dito. Gusto ko nang umuwi." Pagmamakaawa ni Anna habang naglandasan ulit ang luha sa mga mata.

"Tahan na. Gustuhin ko mang tulungan ka at lisanin ang lugar na 'to ay hindi ko kayang gawin 'yon. Ipapahamak lang natin ang mga sarili natin." puno ng lungkot ang bawat salitang binitiwan ni Bev. "Tulungan na kitang bumangon at tumayo. Kailangan mo nang maghanda para sa salo-salo."

Isa-isang tinanggal ni Bev ang mga tali sa kamay at paa ni Anna saka dahan-dahang inalalayang bumangon at tumayo mula sa kamang kinahigaan mula ng dumating ito at ipasok sa kwartong na 'yon.

Halos matumba si Anna sa unang subok nitong makatayo pero sinikap niyang kayanin dahil kailangan niyang ibalik ang lakas ng katawan. Hindi niya pwedeng hayaan na hindi siya makagalaw dahil kailangan niyang tumakas sa lugar na 'yon kapag nagkaroon ng pagkakataon.

Nakatayo din siya pagkatapos ng ilang subok at sa tulong ng alalay ni Bev sa kaniya. Pinapasok siya sa banyo na nasa loob ng kwartong 'yon para makaligo saka siya tinulungang magbihis ni Bev. Inayusan siya nito na animo'y may dadaluhang party dahil sa gara ng suot niya at sa koloreteng nilagay sa mukha niya.

"Kahit anong mangyari ay huwag kang gagawa ng bagay na ikagagalit niya." paalala ni Bev kay Anna habang nalalakad sila sa isang makipot na pasilyo pagkalabas nila ng kwartong pinagkulungan kay Anna. Alam niyang ang lalaking may kulay abong mga mata ang tinutukoy niya.

Naging malikot ang mga mata ni Anna habang iginagala ang paningin sa paligid. Mga nakahilerang kwarto ang nakikita niyang nadaanan nila ni Bev. Katulad ng kwartong pinanggalingan niya ay kulay dilaw na liwanag ang nagsisilbing tanglaw ng pasilyong iyon.

Limang kwarto sa bawat gilid ng pasilyo ang nadaanan nila. Mas nabuo ang takot sa dibdib ni Anna ng mabuo ang hinala sa isip niya.

"Posible kayang may laman ang bawat kwarto?" tanong ni Anna sa sarili.

Hindi niya magawang itanong iyon kay Bev. Siguro ay hindi niya kayang harapin ang katotohanan sa kinasadlakang sitwasyon ngayon.

"Saan tayo pupunta?" tanong niya Kay Bev na puno ng kaba ng boses.

"Sa bangkete ni Maestro." maikling sagot ni Bev habang inakay siya pababa ng isang mahabang hagdan.

"M-maestro?" halos mangatog ang tuhod ni Anna sa isiping makikita niya ulit ang lalaking iyon.

"Oo, at ikaw ang kaniyang espesyal na panauhing pandangal." pagkasabi ni Bev ng mga salitang 'yon ay nakita niya ang pangamba at pag-aalala sa mga mata nito.

"A-anong ibig m-mong s-sabihin?" nagsimula nang manginig si Anna. Iniisip niyang baka iyon na ang gabing papatayin siya ng lalaking 'yon.

"Malalaman mo rin." wika ni Bev sabay tulak ng pinto sa isang silid na hindi na napansin ni Anna na nasa harap na nila.

Napakapit siya sa kamay ni Bev sa takot. Lumakas ang tambol ng kaniyang dibdib sabay ng unti-unting pagkawala ng pakiramdam niya sa kaniyang mga binti.

Napuno ng takot ang magandang mukha ni Anna. Hindi niya alam ang naghihintay sa kanya sa loob.

Casanova's KissWhere stories live. Discover now