Prologue

454K 7.9K 620
                                    

PROLOGUE

"DYLAN, HETO na ang bago mong titirhan simula ngayon," nakangiting sabi sa kanya ni Tita Venus, ay—'Mommy' na pala ang itatawag niya rito mula ngayon.

Nasa harapan sila ngayon ng sobrang laking bahay! Manghang-mangha ang pitong taong gulang na si Dylan. Hindi siya makapaniwala, titira na siya sa ganoon kalaking bahay? Palasyo ba iyon?

Totoo nga ang sabi sa bahay ampunan. Mayaman ang umampon sa kanya!

"O, halika na, anak," nakangiting sabi ni Tito Angelo—asawa ni Mommy Venus. Tawagin niya na daw itong 'Daddy' sabi nito kanina. "Pumasok na tayo at ipapakita namin sa'yo ang magiging kuwarto mo."

Mabilis na tumango ang batang si Dylan at humawak sa kamay ng bago niyang tatay. Pumasok sila sa loob ng malaking gate at napasinghap si Dylan nang pagpasok nila ay makakita siya ng malaking swimming pool at isang bike sa malaki ring garden!

"Puwede kang magtampisaw sa swimming pool, anak, kahit anong oras mo gustuhin," wika ni Mommy Venus.

"P-Puwede rin po akong maglaro ng bike?" inosenteng tanong niya.

"Oo naman! Para sa'yo talaga iyon."

Mas lumapad pa ang ngiti niya. Sa kanya daw ang bike! Hindi niya na kailangang makipaghiraman sa maraming bata sa bahay ampunan para makapaglaro sa nag-iisang bike na meron doon. May sarili na siya!

"Sabi ni Mother superior, mahilig ka daw magbisikleta kaya binili ka namin ng bike. Nagustuhan mo ba?" tanong pa ni Daddy Angelo sa kanya.

"O-Opo! Opo! Gustung-gusto ko po!" masayang sabi niya. "Gusto ko na nga pong maglaro, eh."

"Sige, sasamahan kita mamaya. Pero, gusto muna namin ni Mommy Venus mo na ipakita sa'yo ang magiging kuwarto mo," ani pa ni Daddy Angelo.

"May sarili po akong kuwarto?" Nanlaki ang mga mata niya. Wow!

"Siyempre, anak. Isa ka ng Anderson-Guevarra ngayon. Kaya lahat ng kaya naming ibigay, ibibigay namin para sa'yo," malambing pa na sabi ng bagong ina.

Parang gustong maiyak ni Dylan. Hindi niya kasi alam na darating pa pala ang panahon na may mag-aampon sa kanya. Akala niya noon, buong buhay na siyang nasa ampunan dahil umabot na siya ng pitong-taong gulang at wala pa ring gustong umampon sa kanya. Kapag lumagpas pa naman ng limang taong gulang sa kanila ay wala nang gustong umampon.

Habang papaakyat ng hagdanan sina Dylan at ang bago niyang mga magulang ay tumitingin siya sa buong bahay. Sobrang laki talaga! Ang mga gamit parang lahat mababasag! Lahat mukhang mamahalin! Madami siyang nakitang kumikinang-kinang pa.

Akala ni Dylan ay wala na siyang ikakasiya pa nang makita ang bike kanina sa garden. Ngunit, pagkarating nila ng kuwarto niya ay nalaglag ang panga niya.

"Pumasok ka, Dylan. This will be your room," nakangiting sabi ng Mommy at Daddy niya.

Ang laki ng kuwarto niya! Malamig pa! Tumakbo siya sa higaan at hinagis ang sarili roon. Wow! Ang laki, bango, at lambot-lambot ng kama niya! May sarili na siyang higaan! Hindi na siya makikipagsiksikan sa ibang bata at magtitiis sa sira na electric fan na meron sa ampunan.

Halata ang tuwa sa mukha ni Dylan habang tumatalon-talon sa bago niyang kama. Natutuwa rin ang mag-asawang Guevarra dahil sa nakikitang kasiyahan sa kanya. At ang mas nagpatalon ng puso ni Dylan ay nang makita niya ang sobrang daming panlalakeng laruan sa gilid ng kuwarto.

Making Love - Published by PHRTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon