CHAPTER TWO

12.7K 241 0
                                    


Malapit nang mag-alas-dose nang ipasya ni Eliza na lumabas ng simbahan. Naalala niyang nag-iisa lang si Leni sa bookshop.

Pagkagaling niya kanina sa opisina ni Mr. Buenaventura ay dumeretso siya sa simbahan at doon nagpalipas ng mahabang oras para mag-isip.

"Ano'ng nangyari sa pag-uusap n'yo ni Mr. Buenaventura, Ate Eliza?" interesadong tanong ni Leni nang dumating siya sa tindahan.

Nagpawala siya ng malalim na hininga. "Ayoko na munang isipin 'yon, Leni," nanghihinang tugon niya.

Nakauunawang tumahimik na lang ito at ipinagpatuloy ang pag-aayos ng salansan ng mga libro sa racks.

Sa loob ng maghapon ay pinilit ni Eliza na kalimutan ang naging pag-uusap nila ng lalaki. Pero mahirap iyong tanggalin sa isip lalo pa't mayamaya ang tunog ng telepono at ang mga tawag ay galing sa kapwa niya tenants doon. Interesado ang mga ito na malaman kung kailan siya lilipat.

Hindi rin biro ang pagpipigil niyang mapikon sa pangungulit ng mga ito. Pag hapon kasi ay nag-iisa na lang siya sa bookshop. Pagdating ng alas-tres ay umaalis na si Leni para pumasok sa eskuwela. Nag-aaral pa ito at kumukuha ng kursong Accountancy.

Hindi na niya pinapansin ang pagtunog ng telepono dahil abala siya sa pag-a-assist sa mga customer. Sabay-sabay pa naman ang dating ng mga tao.

Pero sa kabila ng kaabalahan, kung bakit nakasisingit pa rin sa isip niya ang tungkol sa lalaking iyon. Malaki ang disgusto niya sa mga taong tulad ni Alec Buenaventura na walang iniisip kundi ang malaking kikitain at walang pakialam sa maliliit na negosyanteng tulad niya.

Nagsimula siya sa maliit na kapital. Magkatuwang sila ng kanyang mama nang itayo nila ang Creative Bookshop. Pagkaalala sa namayapang ina, hindi niya nakontrol ang pagbaha ng lungkot.

Napapaluha siya sa tuwing maaalala niya ito. May tatlong taon na itong namamayapa, pero nasa dibdib pa rin niya ang sakit. Maraming masasayang alaalang hatid ang munting negosyo nila.

Sikap, tiyaga, at matinding determinasyon ang naging puhunan nilang mag-ina. Kaya gagawin niya ang lahat para lang maprotektahan ang nag-iisang kabuhayang naiwan sa kanya. Unti-unti na nga niyang napapaunlad iyon, pero nanganganib na masira dahil lang sa isang negosyanteng tulad ni Alec Buenaventura.

Mayamaya ay nakita ni Eliza ang pagpasok ng isang magandang babae sa loob ng bookshop. Agad niya itong sinalubong at binati, tinanong kung ano ang kailangan.

Walang kangiti-ngiting umiling ang babae, kinontento na lang ang sarili sa pag-uusyoso sa mga naka-display na pigurin. Hinayaan na lang niya ito at bumalik na siya sa counter.

Mayamaya'y pumasok ang isa namang babae na may akay na batang lalaki. Itinuturo ng bata ang isang laruan, habang namimili naman ang ina nito sa nakasabit na mga batik. Ang mga iyon ay tubaw, malong, at blusa. Natutuwang pinagmasdan niya ang mag-ina.

Pero naagaw ang atensiyon niya sa pagpasok ng isang matangkad na lalaki. Agad na nakilala ni Eliza ang pamilyar na pigurang iyon. Kahit wala siyang balak na pansinin ito, dahil kailangan niyang i-assist ang mag-inang namimili ay alam niyang hindi rin siya mapapakali hanggang nasa paligid ito at patingin-tingin sa mga paninda niya.

Talagang hindi ako titigilan... Nag-iinit ang mga taingang sinundan niya ang kilos ng lalaki. Base sa pagtingin-tingin nito sa mga paninda niya, alam niyang nang-uuri ito. Siguro, iniisip nitong "basura" ang mga iyon.

Kailangang maitaboy na niya ang lalaki bago pa man tuluyang masira ang kanyang mood. May palagay siyang hindi siya bibigyan ng katahimikan ni Alec Buenaventura.

MIDNIGHT BLUE SOCIETY SERIES #6 ALEC (COMPLETED)Where stories live. Discover now