CHAPTER FIVE

11.8K 230 2
                                    

"She's down with a flu. Complete bed rest ang kailangan niya, hijo. Reresetahan ko na rin siya ng paracetamol at antibiotic," sabi ni Dr. Martinez sa kanya matapos ma-check-up si Eliza.

"Salamat, Doc. Ipapadala ko na lang sa clinic mo ang tseke," ani Alec na sinabayan ang manggagamot hanggang sa pinto. Hindi na niya kailangang pumunta pa sa botika para bumili ng nireseta nito. Buti na lang at hindi siya nawawalan ng gamot sa back seat ng kanyang kotse. Palibhasa'y pag-aari niya ang pinakamalaking pharmacy sa Legazpi City, hindi nakapagtatakang may mga dala siyang gamot kahit saan siya magpunta.

"Ikaw ang bahala. Hindi na ako magtatagal, hijo. May sasaglitin din akong isa pang pasyente, kamag-anak ng misis ko."

Pagkahatid niya sa doktor ay saka siya nagmamadaling bumalik sa loob ng bahay. Ang problema niya ngayon ay hindi niya basta-basta maiiwan si Eliza.

Nang bumalik siya sa kuwarto ni Eliza, napansin niyang butil-butil ang pawis sa noo at pisngi nito. Maaaring umepekto na ang ininom nitong gamot, bukod pa ang ininiksiyon ng doktor sa braso ni Eliza para mapabilis ang pagbaba ng lagnat nito.

Kahit paano ay nakahinga siya nang maluwag nang ipatong niya ang isang palad sa noo nito. Bahagyang bumaba na ang init ng katawan nito.

Wala sa loob na gumala ang tingin niya sa kabuuan ng silid. Kahit maliit iyon, malinis at organisado ang lahat ng mga gamit. Nakasabit sa dingding ang malaking portrait ng isang may-edad na babae, na sa hula ni Alec ay ang mama ni Eliza.

Sa ibabaw ng chest drawer ay naroroon ang iba't ibang size ng mga picture frame. Naeengganyong nilapitan niya ang mga iyon at isa-isang sinuri.

Pawang mga larawan ni Eliza ang naroroon. Mula noong batang paslit pa ito, nang mag-teenager, hanggang sa maging ganap na itong dalaga. Ang isang iyon ang tumawag sa pansin niya. Kaakit-akit ito sa larawan na iyon kung saan ay matamis ang pagkakangiti nito, kita ang isang dimple; kumikinang ang mapuputing ngipin nito, puwedeng maging model ng isang toothpaste commercial.

Iniwan iyon ni Alec at binalikan ang natutulog pang si Eliza. Napuna niya na basa na sa pawis ang suot nitong damit. Biglang may pumasok na pag-aalala sa kanyang isip. Baka lumala ang kalagayan nito kung matutuyuan ng pawis.

Nasulyapan niya ang closet. Nangahas na siyang buksan iyon. Nakita niya ang marami-raming damit doon. May mga personal na gamit naman sa ibaba. Maayos ang pagkaka-hanger at pagkakasalansan ng mga iyon.

Kumuha siya ng isang disenteng pambahay ni Eliza.

May ilang segundong nag-isip muna si Alec kung dapat nga niyang gawin ang nasa isip. Hanggang sa ipasya niyang ituloy na iyon.

You're an expert when it comes to undressing women. Bakit ngayon ay kinakabahan ka? kutya ng sariling tinig. For heaven's sake, nagagawa ko 'yon with their consent, samantalang ang babaeng ito, tiyak na magwawala kapag nalaman na...

Iniwasan niyang mapatingin sa nalantad na katawan ni Eliza, saka mabilis iyong tinakpan ng kumot. Sa ganoong paraan niya naisuot ang pamalit na damit nito.

Mahihinang ungol ang naririnig ni Alec mula kay Eliza. Mayamaya'y unti-unting nagkakaroon ng linaw ang sinasabi nito.

"M-mama k-ko... m-mama k-ko..." mahinang nasabi nito, kasabay ang panginginig.

May awang natitigan niya ang panginginig ni Eliza. Hindi niya alam kung epekto iyon ng gamot. Hindi naman siguro sa lagnat dahil kung tutuusin ay hindi na ito mainit sa hipo niya. Hindi kaya dahil nananaginip ito?

Napilitan siyang isara ang mga bintana nang mapunang pumapasok ang mamasa-masang hangin.

Nanginginig pa rin si Eliza. Parang hindi nakasapat ang makapal na kumot na ipinantakip niya rito.

MIDNIGHT BLUE SOCIETY SERIES #6 ALEC (COMPLETED)Where stories live. Discover now