Mama's Boy

5 0 0
                                    

Nakatitig lang ako sa cellphone ko, nakahiga sa kama ko, tinitingan ko ang relationship status sa Facebook post ni Benedict na single na nga siya. Madaming likes at comments, nagtatanong kung anong nangyari sa kanila ni Faith. Nakita kong pinusuan pa  ni Czarina ang post na 'yun  Psh~ Ito lang pala. Ano bang special sa post na 'to? Napuyat ako kakatitig lang sa simpleng FB post na 'yun. Hindi ko napansin ang oras. Nakatulog din ako nang hindi ko namamalayan.

Nagising ako sa kadahilanang naiihi ako. Hawak-hawak ko pa din ang cellphone ko. Nakita kong ala siyete na ng umaga. Limang oras lang pala ako nakatulog. Gusto ko pang matulog kaso hindi ko na mapigilan ang ihi ko. Pinatay ko ang electric fan. Nag-unat muna ako ng mga kamay at binti bago tumayo ako at nagtungo sa banyo.

Naghilamos ako ng mukha. May napansin akong medyo masakit sa bandang ilong ko. May isang tumubong tigyawat. Ouch! 

Bumaba ako ng hagdan at dumiretso sa kusina para sa almusal. Sumalubong sa akin ang alaga naming pusa. Nagtimpla ako ng gatas at kumuha ng isang plastic ng buns naisip ko na sa sala na lang kumain. Sumunod ang pusa namin sa akin.

Naabutan ko si Papa na hawak ang remote, nanonood ng isang health program TV show. Tungkol sa alternative ways ng paggamot sa pimples ang topic. Sakto!

"Good morning, Pa!" Pagbati ko kay Papa. Humigop siya ng kape sa puting tasa niya at tumango. Umupo ako sa tabi niya. Nilapag ko ang tasa at buns sa maliit na mesa sa tapat namin.

"Goodmorning! Ang aga mo nagising ngayon ah." Sabi ni Papa. Sumampa ang pusa namin sa mga hita ko, nagpapalambing.

"Opo."

"Nag-chat sa akin ang Mama mo. Tatawag daw siya. Hindi ko alam kung sa akin o sa'yo tatawag basta i-ready mo telepono fully charged." Pagpapaalala ni Papa.

Matagal nang hiwalay ang mga magulang ko. Unico hijo nila ako. Nasa puder ako ng Papa ko. OFW naman ang Mama ko. Bata pa lang ako nang napagdesisyonan ni Mama na makipagsapalaran sa ibang bansa para sa kinabukasan ko. Pareho sila ni Papa may trabaho, si Papa nagtatrabaho naman bilang Security Guard sa isang condominium sa Makati. Nasa murang edad pa lang ako alam ko nang magkakahiwalay silang dalawa. Madalas sila mag-away dahil sa babae. Away-bati. Hanggang sa naisipan ni Mama na makipaghiwalay. Bukas na isip ko na magiging broken family kami. Kaya hindi na ako nasundan. Mahirap maging anak ng hindi buong pamilya. Sabihin ko man na handa nga akong magiging ganito kami eh iba pa din kapag buo ang pamilya. Maraming beses na sumubok ang Papa ko na makuha ulit ang puso ni Mama. Sinubukan niyang manligaw ulit kay Mama. Sinuportahan ko siya. Siyempre gusto ko din sila magkabalikan. Si Mama buo na ang loob na wala nang pag-asang magiging sila pa ulit ng Papa ko na nirespeto naman ni Papa. Dumating din ako sa punto na gabi-gabi akong nagdarasal na sana mabuo ulit kami hanggang sa ako na din ang nagbigay kay Papa ng rason na mukhang wala na talaga. Ako na din nagtulak sa kanya na maghanap ng ibang mapapangasawa para maging masaya ulit siya. Second year high school pa 'ata ako nung sinabi ko 'yun sa kanya.

Siguro 'yun din ang dahilan kung bakit masyado akong seryoso mag-isip. Masyado nang matured kumpara sa edad ko.

Madalas ako magmessage kay Mama sa Messenger. Tungkol sa school. Kung pauwi na ba ako. Hindi ako masyadong nagkekwento tungkol kay Papa. Hindi din kasi siya nagtatanong tungkol kay Papa. Puro lang sa akin. Kumusta na ako, kumusta pag-aaral. May gusto ba daw akong ipabili sa kanya. Bukod sa akin, ang madalas kong maikwento sa kanya ay si Czarina. Alam nila Mama at Papa na matalik kaming magkaibigan. Si Mama naman kahit hindi ko sabihin na  may lihim akong pagtingin kay Czarina eh nahalata na niya kaagad ako. Gustong-gusto ni Mama para sa akin si Czarina kahit pa hindi pa niya siya kilala nang personal.

"Anak, kumusta ka na?" Sabi ni Mama pagkasagot ko ng tawag niya. Hininaan ni Papa ang volume ng TV para magkarinigan kami  ng mabuti ni Mama sa telepono.

"Mabuti naman po, Ma! Kayo po?" Ganun pa din ang boses ni Mama. Malambing pa din.

"Mabuti din, nak! Miss na miss na kita!"

"Ako din po, Ma. I love you po!" Sabi ko.

"Mahal na mahal din kita, Nak! Magpapadala pala ako ng pera next week para sa allowance mo diyan. Magbayad ka na din ng pang Fieldtrip niyo."

"Opo, Mama. Maraming salamat po! Ang aga mo po tumawag ngayon. Alas tres pa lang po 'ata diyan, magpahinga ka po nang mabuti ah."

"Oo naman, Nak! Nakapagpahinga na ako. Anak, may gusto ka bang ipabili? Sapatos? Bag? Mga damit?"

"Ma, wala po. Maaayos pa po 'yung mga pinadala mong gamit para sa'kin." Paliwanag ko agad.

"Ah ganun ba. Ang ingat mo pa rin pala sa mga gamit mo. Mabuti naman. Basta kung may kailangan ka pasabi mo lang sa Tatay mo ah."

"Opo, Mama. Salamat po!"

"Sige, nak! Kailan pala 'yung field trip niyo, nak?"

Napaisip ako. Nakalimutan ko kung kailan nga ba 'yun. Hindi ko kasi masyadong iniisip 'yun.

"Ah sa 1st week of December pa po 'yun. Pagkatapos ng periodical exam, Ma." Sabi ko na lang. Mas excited pa si Mama sa akin sa field trip namin.

"Ah ganun ba, eh kapag nakuha mo na 'yung pera magpareserve ka na ng upuan agad, dapat tabi kayo ni Czarina ah. "

"Eh opo, Mama." Nasali  na naman ni Mama sa usapan si Czarina.
"Mama, kailan ka po uuwi dito? Miss na po kita~" Matagal bago nakasagot si Mama.

"Hindi ko pa alam, nak. Mag-iipon muna ako ng madaming pera para sa atin bago umuwi. Alam mo naman para sa'yo, sa atin 'tong pagtatrabaho ko dito, 'diba? Miss na miss na din kita, Anak pero kailangan ko kumayod pa dito. Magpakabait ka diyan sa Tatay mo ah. Maging masunurin ka. Mag-aral nang mabuti."

"Uwi ka na, Mama. Miss na miss na po kita. Kapag po pagtapos ko ng college uwi ka na dito ako na po magtatrabaho para sa atin. Tutuparin ko po mga pangarap mo para sa akin. I love you po!" Sabi ko na lang. Ilang beses ko nang tinanong si Mama kung kailan ba niya balak umuwi dito kasama kami. Walang eksaktong sagot kung kailan. Kahit na alam ko na ang isasagot niya nagbabakasakali pa din ako.

Mama's Boy ako. Aminado ako. Mas close ako kay Mama. Siya lang ang pinakamamahal kong Mama. Napakasipag niya. Lahat gagawin niya para sa akin. Kaya lahat gagawin ko din para mapasaya siya, sila ni Papa.

"I love you very much, Anak! Lagi ka mag-iingat at magpapasalamat sa Diyos. Ako ay magpapahinga na." Pagpapaalam ni Mama.

"Opo, Mama. I love you too. Lagi ka po mag-iingat." Ipinasa ko ang phone kay Papa at parang may kaunti pa silang pinag usapan bago binaba ni Papa ang tawag.

Hindi Siguro Ako 'Yung Tipo Mong LalakiWhere stories live. Discover now