Ulan

1.5K 7 0
                                    

Isang araw, ay mali. Isang maulan na hapon pala, masayang masaya si Ulan sa kaniyang paglalagi sa isang bayan.

"Hay, sa wakas! Naibuhos ko na rin ang matagal ko nang iniimpit!"

Gaya nga nang inaasahan. Heto't nagpapaulan si Ulan sa isang bayan.

Ilang araw na ring hinintay ng mga magsasaka ang pagkakataon na ito. Hindi kasi maganda sa kanilang pananim kung hindi sapat ang patubig lalo't hindi maganda ang kanilang irigasyon.

"Maraming salamat, Ulan! Hulog ka talaga ng langit!"

"Walang anuman! Sadyang sa langit po talaga galing ang aking ulan!", sagot naman ni Ulan habang ganadong ganado sa kaniyang ginagawa.

"Ang sarap naman sa pakiramdam ng ganito. Hindi ko maipaliwanag ang aking saya sa tuwing may natutuwa sa akin at sa aking pagpapaulan.", bulong ni Ulan sa kaniyang sarili.

Sa labis na kagalakan ay tatlong araw nang naglalagi si Ulan sa bayan na yun. At dahil diyan, tatlong araw na rin ang walang tigil na pagpatak ng tubig mula sa kalangitan.

Ang dating tuwa ng mga magsasaka sa kaniyang pagdating, ay napalitan ng pagkabagot.

"Hindi ka pa ba aalis Ulan? Ilang araw ka nang nandito!", sigaw nang isang magsasaka kay Ulan.

"Naku, dito lang ako dahil alam kong napapasaya ko kayo", sagot naman ni Ulan sa kanila.

Hindi naman nakapagpigil ang isa sa mga magsasaka at sinagot ang sinabi ni Ulan.

"Kalokohan! Sa tatlong araw mong pamamalagi rito, halos malulunod na ang aming mga pananim. Maging ang aming kabahayan ay maaaring masira! Kailangan na namin si Araw!"

Hindi agad nakaimik si Ulan sa kaniyang narinig. Labis siyang nasaktan dahil hindi niya inaasahan ang magiging tugon sa kaniya ng mga taong inakala niyang napapasaya niya.

Mula naman sa kalapit bayan ay narinig ni Araw ang saloobin ng magsasaka. Kaya naman, agad itong lumapit kay Ulan at kinausap ito.

"Magpahinga ka muna kaibigang Ulan. Ako na muna ang bahala sa bayan na ito."

Nilingon ni Ulan si Araw at malungkot na tumango. Ilang sandali pa ay itinigil nito ang pagpapaulan sa bayan at agad nagbigay daan para kay Araw.

Si Araw naman ay agad na ginawa ang kaniyang trabaho at nagpasikat sa bayan gaya ng hiling ng mga magsasaka.

Ang Kuwento nina Ulan, Araw, at Bahaghari (PUBLSIHED under TBC Publishing)Where stories live. Discover now