Sirene IX

175K 7.2K 8.9K
                                    

[Kabanata 9]


Malalakas na pagsabog ang naghari sa buong kapaligiran. Animo'y nayanig ang kalupaan habang ang kalangitan ay napupuno na ng makakapal at maiitim na usok. Nakabibinging mga eroplano ang patuloy na nangingibabaw sa himpapawid at tanging mga sigawan, hiyawan at pagtangis ang umalingangaw sa buong paligid.

Halos walang kurap na tulala si Sirene sa karagatan habang sunod-sunod na bumabagsak ang bomba mula sa mga eroplanong hapon. "SIRENE!" sigaw ni Nikolas sabay hila kay Sirene papasok sa loob ng bahay dahil hindi na ito nakagalaw pa sa tapat ng balkonahe.

Agad hinawakan ni Nikolas ang magkabilang balikat ni Sirene saka ito paulit-ulit na tinawag upang bumalik sa ulirat. "Kamahalan! Naririnig mo ba ako?!" paulit-ulit na tugon ni Nikolas habang hawak-hawak ang mukha ni Sirene at pilit na ginigising ito.

"Umalis na tayo rito!" sigaw ni madam Sandra habang yakap-yakap ang kaniyang unica hija, ilang sandali pa ay dumating na ang dalawang amerikanong sundalo na tauhan ng kaniyang asawa at isa-isa silang inakay pababa at palabas ng bahay.

Samantala, napahawak naman si Batchoy sa kaniyang ulo at agad siyang nagtago sa ilalim ng mesa habang patuloy na nayayanig ang buong paligid. Unti-unti nang nagigiba ang kisame ng bahay ni madam Sandra at nababalot na rin ng makapal na usok ang kapaligiran dahilan para hindi makita ng mga tao ang daan papalabas.

Habang nagtatago si Batchoy, napansin niya ang isang dyaryo na nahulog sa bulsa ng sundalong amerikano na sumundo kay madam Sandra at sa anak nito. Dahan-dahang gumapang si Batchoy sa sahig habang pikit-matang tinatanaw ang dyaryo.

Nang makuha niya ito ay agad siyang bumalik sa ilalim ng mesa. "Kolas! Kolas! Nasaan kayo?" sigaw niya, ngunit maka-limang beses niya itong inulit dahil mas nangingibabaw ang lakas ng pagsabog at sigawan ng mga tao sa buong paligid.

"Batchoy! Narito kami sa balkonahe!" sigaw ni Nikolas, dali-daling gumapang si Batchoy patungo sa kinaroroonan nila Nikolas kahit pa hindi niya masyado makita ang daan dahil sa kapal ng usok at akilabok.

Gulat na napatingin si Batchoy kay Sirene na ngayon ay tulala at wala sa ulirat habang pilit na ginigising ni Nikolas. "Anong nangyari? B-bakit---" hindi na natapos ni Batchoy ang kaniyang sasabihin dahil isang malakas na pagsabog ang muling naghari sa paligid. Mas malakas ito dahil ilang metro lamang ang layo sa kanila ng pinagbagsakan ng bomba.

Agad napayakap si Nikolas kay Sirene at niyakap din sila ni Batchoy upang maprotektahan laban sa mga tablang nagbabagsakan at mga gamit na nagtatalsikan. "Move! Move!" sigaw ng mga amerikanong sundalo. Natauhan na lang si Batchoy nang bigla siyang hawakan ng dalawang sundalo at may mga dumating pa na iba na siyang umakay kay Nikolas at Sirene.

Tila isang kalunos-lunos na pagsubok ang kanilang pinagdaanan palabas ng bahay nila madam Sandra habang akay-akay ng mga sundalo. Ilang sandali pa ay natanaw nila sila madam Sandra na ngayon ay nakasakay na sa kotse. "Sumama na kayo sa akin!" sigaw ni madam Sandra, siya ang nag-utos na balikan ang kaniyang mga bisita na naiwan kanina sa taas ng mansyon.

Agad binuhat ng mga sundalo si Batchoy, Nikolas at Sirene pasakay sa panghukbong sasakyan na katulad ng isang jeepney. "Sirene" ulit pa ni Nikolas habang yakap-yakap ang dalaga. Hinawakan niya ang mukha nito na tila nanlalamig na.

"Bakit biglang nawalan ng ulirat ang kamahalan?" kinakabahang tanong ni Batchoy. Nagsimula nang umandar ang sasakyang panghukbo habang nakapalibot sa kanila ang mga sundalo. Nakabibinging palitan ng putok ng mga baril ang nangibabaw sa buong paligid habang pilit pinapaulanan ng mga sundalong amerikano ng bala ang mga eroplanong hapon na mabilis na lumilipad sa kalangitan.

Sirene (Published by ABS-CBN Books)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon