LUNES

30 1 0
                                    

"P*****ina naman, Monday na Monday, ang dami na namang ipinagagawa. Kapag ako nainis talaga isusumpa ko ang love life ng mga teachers na walang patawad na mga 'to," bulong ni Kiara sa sarili habang padabog at mabigat sa katawang bitbit ang mga libro para ilagay sa kanyang locker. Hindi siya likas na palamura, pero kapag matindi ang pagkatuwa, pagkainis, pagkalungkot o pagkagalit, napapamura siya nang biglaan.

Kinapkap niya ang susi ng kanyang locker. Saka niya naalalang nakalimutan niyang nakaipit ito sa isang aklat na sadyang iniwan niya sa classroom para bukas sana ng umaga e mabawasan ang dala niya. Sa tindi ng inis, hindi niya alam ang kakamutin, kung ulo ba, siko, tuhod o alipunga. Saka siya napamura ulit: "P*****inang susi naman 'yun o."

Wala siyang ibang nagawa kundi ang umakyat muli upang kunin ang susi ng kanyang locker. Bubulong-bulong siya sa kanyang sarili: "Hindi ko na sana ila-lock kaya lang nag-aalala ako eh. Kung hindi ko 'yun ila-lock, paano pa 'yun matatawag na locker." Pagkaisip nun, bigla naman siyang natuwa sa sarili niya. "Sh*t, ang galing ko. Naisip ko 'yun."

Pagkadating sa classroom, bigla niyang nakita ang nakasulat sa pisara: Takdang Aralin: Gumawa ng pagsusuri kaugnay ng idinaos na SONA ni Pangulong Duterte. Gumalaw-galaw ang labi niya sa inis. "Ang daming ipinapakialam sa amin. Basta ang isa sa alam ko, pandak talaga si Gloria Macapagal-Arroyo," naibulong niya sa sarili.

Agad niyang kinuha ang susi. Minura-mura niya ang pobreng susing tahimik lang na nakatitig sa kanya. Nagmamadali at patakbo siyang nagtungo sa lokasyon ng kanyang locker. Oras na kasi. Gusto pa niyang manood sana ng Araw Gabi sa Channel 2. Sa kamamadali, hindi niya namalayang mababangga niya ang teacher niya sa Filipino, kundi lang siya mabilis na nakailag. Napasigaw siya ng "Ayy PUT..." pero agad siyang nakapagkambyo nang matantong teacher ang muntikan niyang nabangga: "...YOUR HANDS IN THE AIR; PUT YOUR HANDS IN THE AIR, SIR! Sorry Sir! Hehe."

Napahinga siya nang malalim dahil nakaligtas siya sa tiyak na kahihiyan. Binuksan niya ang locker, saka siya nagulat sa sticky note na nakadikit sa loob ng locker . May nakasulat dito na gamit ang green na ink:

"Kayrami nang Lunes na talaga namang nagdaan,

Kayraming araw na sinubukan kitang kalimutan

Pero hindi ako nagtagumpay, halata naman,

Sapagkat Linggo pa nga lang, Lunes, akin nang inaabangan."

Wala sa loob niyang dahan-dahang kinuha mula sa pagkakadikit ang sticky note. Inulit niyang binasa ang isang saknong na tula. Maganda ang sulat. Malinis. Binasa niyang muli ang tula. Ninamnam. Hindi niya alam kung joke lang, pero natuwa siya sa nabasa. Sa totoo lang, mahusay rin siya sa pagsulat ng tula. Napakomento tuloy siya: "Malaman naman ang tula, hindi nga lang pare-pareho ng sukat." Nag-isip siya nang matagal. After 2 seconds, nasabi niya sa sarili: Sino naman kayang gagi ang nagsulat nito. Tumingala siya para kunwari nag-iisip. "Well," sabi niya sa sarili niya, "shetmaluuu kinikilig ako!"



*ITUTULOY*

Love at RhymesWhere stories live. Discover now