ASSIGNMENT

4 1 0
                                    

Hindi nakagawa si Kiara ng assignment tungkol sa SONA. Iniisip-isip niya 'yung tulang nakita sa locker niya.

Ngingiti-ngiti siya habang tumatae. May kilig. Alam niya sa sarili niya na may itsura siya, at normal na may magkagusto sa kanya, pero nandun pa rin 'yung kakaibang tuwa kapag naiisip niyang may taong sumulat ng tula para sa kanya.

Nabahiran ng pagkasimangot ang tuwa niya nang maamoy ang sariling tae. "Ang maho!" nasabi niya habang nagtakip ng ilong. Dulot siguro ito ng pinaghalong kikiam, fishball at kwek-kwek na napagdiskitahan nilang magtotropa kahapon.

Mula sa pagtae, itinuloy niya ang pagligo. Kukunin niya ang sabon nang...

"Ayy put****** naman!" dumulas ang sabon at dumiretso sa bukas na inidoro. Nataranta siya at nag-isip ng dapat gawin.

Matagal-tagal na nagtalo ang isip niya, mga 8 seconds din. Naiisip niyang kakatae lang niya, at kung kukunin ang sabon e malamang nabahiran na 'yun ng dumi niya.

"No way..." bulong niya habang kinakamot-kamot ang kilikili niya.

Bahala na. Kinuha niya ang sachet ng Palmolive saka pinilit na palabasin ang natitirang laman nito, saka ipinang-shampoo, na siya na ring ipinangsabon niya sa buong katawan.

Nagmamadali siyang nagbihis dahil ayaw niyang ma-late. Mabait naman ang adviser nila at first period teacher, pero ayaw niyang ma-late dahil gusto niyang makakuha ng Perfect Attendance Award.

"Boiink! Boiiinnnkk!" pumipiyok na busina ng service nila. Hudyat na kailangan nang umalis patungong school.

Pakaripas siyang lumabas dahil alam  niya ang ugali ng driver ng service nila. Nang-iiwan ito sa mga late.

"ANO 'YUNG NASA INIDORONG BABAEITA KA?!" sigaw ng nanay niyang suki ng bingohan sa kanto. Malakas ang sigaw niya, nasanay kasing mangbola ng bulitis sa bingo.

Hindi na siya sumagot dahil alam niyang sasagot din pabalik ang kanyang ina. Ayaw nitong lumilitaw na talo, lalo na kapag sa kalaban ang last o concluding statement.

Naglalakad na siya patungong school. "Shetmalu. Wala pa akong assignment. Bakit kasi may SONA pa."

Nang matapat siya sa kanyang locker, naisip niya bigla 'yung tula na nasa sticky note kahapon. Medyo umasa siyang may tula ulit ngayon. Medyo lang.

Dahan-dahan niyang binuksan ang locker. Parang 'yung ginagawa ni Willie Revillame sa Wowowin kapag bubuksan na 'yung huling box. Hindi niya alam kung matutuwa ba siya, o malulungkot...

Walang sticky note at tula.

"Nagkamali lang siguro 'yung naglagay kahapon. Anyway, bakit ba ako umasang meron?"

Diretso siya sa room. Yes, wala pa si Sir. Pero nandun ang alinlangan niya lalo na't wala siyang nagawang assignment.

Biglang dumating ang adviser. Pagkatapos ng araw-araw na ritwal, pagdarasal at morning praise, pag-check ng attendance, at paglilinis ng room, nagsalita ang teacher, "Pakilabas ang inyong assignment."

Paktay, naisaloob ni Kiara. Pero patay-malisya. Nagkunwari siyang nagkakalkal sa bag niya para hindi halatang hindi siya nakagawa. Sasabihin na lang muna niyang nakalimutan niya sa bahay, saka na lang siya gagawa at magpapasa bukas.

Kinuha niya ang Filipino notebook na kinuha mula sa locker. Kunwaring may hinahanap. Nagulat siya sa nakitang nakaipit na nakatuping 4-page na dokumento. Binuksan niya ito at tumambad sa kanya ang isang sticky note na may nakasulat sa green ink:

"Handa kitang igawa ng assignment man o thesis,

Pambihira ka kasing lintik kang hindi kita matiis,

Alam kong hindi ka gagawa, hindi naman ako nagmamalabis,

Sinagot ko ang assignment mo, ako naman ang sagutin mo nang mabilis."

Shet. Biglang pumintig nang mabilis ang puso niya. Sa kilig.

Binulatlat niya ang dokumento. Isang pagsusuri sa SONA ni Duterts. Nandun pa ang buong pangalan niya. May sinasabi ang teacher nila pero hindi niya masyadong naririnig. Abala siya sa pag-iisip kung sino ang gumawa nun. Nganga siya. Isinara lang niya ang bibig nang maramdamang may namumuo nang laway sa gilid ng labi niya.

Sa bandang likuran ng klase, isang kaklaseng lalaki ang palihim na tumitingin sa kilos ni Kiara.

*ITUTULOY*

Dostali jste se na konec publikovaných kapitol.

⏰ Poslední aktualizace: Nov 23, 2019 ⏰

Přidej si tento příběh do své knihovny, abys byl/a informován/a o nových kapitolách!

Love at RhymesKde žijí příběhy. Začni objevovat