Kabanata 30

14.2K 520 41
                                    

PARA kang ewan, Ada. Ba’t ka ba kinakabahan d’yan? Parang magpapalit lang ng mga punda, eh,” mahinang sita ni Ada sa sarili habang nakikipagtitigan sa pinto. Ilang minuto na siyang urong-sulong sa labas ng kuwarto ni Brent.

     Jusko, nababaliw na yata ako, pipi niyang usal. Kinagat niya ang ibabang labi at mahinang nagpapadyak sa sahig. Muli siyang bumulong-bulong. “Kaya ko ‘to, kaya ko ‘to. Aja!”

     Hinigit ni Ada ang mga sapin sa dibdib at sumagap ng hangin. Inangat niya ang kanang kamay at minuwestra sa pinto. “Isa . . . dalawa . . . tatlo—”

     Naudlot ang pagbibilang ng dalaga nang bumukas ang pinto. Tuloy ay nabitin sa ere ang kaniyang palad at naiwang nakaawang ang kaniyang bibig. Nahigit niya ang hininga nang iluwa ng pinto si Brent. Nakaangat ang isang kilay nito habang ang dalawang kamay ay nakasilid sa magkabilang bulsa.

     “Bukas mo pa ba ako balak katukin?” bungad nito sa kaniya.

     Saglit na kumibot-kibot ang kaniyang mga labi. “N-naririnig n’yo ho ako?”

     Ikiniling ni Brent ang ulo at tinapik ang pagkaliit-liit na butas na nasa gitnang bahagi ng pinto. Kumunot ang noo ng dalaga. Sa tinagal-tagal niya sa mansion, ngayon niya lang napansin ang butas na iyon doon. Para saan ‘yon?

     Mukha namang nabasa ni Brent ang pagtataka sa kaniyang mukha kaya muli itong nagsalita. “Nakikita kita through this peephole. Lahat ng kuwarto rito ay may ganito. Hindi mo ba alam?”

     Sa sinabing iyon ng binata ay lalong namilog ang mga mata ni Ada. Ibig sabihin ay napanood nito ang pakikipag-usap niya sa sarili?

     Shet, ‘kahiya! Baka iniisip niya, nasisiraan na ako ng bait, usal ng dalaga sa kaniyang isip. Pakiwari niya’y umakyat lahat ng dugo sa kaniyang mukha. Parang gusto niyang ibaon ang sarili sa mga bitbit na sapin.

     Ang sarap magpalamon sa lupa! Kuntodo yuko siya para lang maitago kay Brent ang nag-iinit niyang mga pisngi. Balak pa man din sana niyang patigasin ang anyo para mukhang hindi talaga siya affected, ‘tapos ganito?

     “Tatayo ka lang ba talaga d’yan?” kapagkuwa’y kaswal na untag ni Brent sa kaniya. Umurong pa ito at ibinuka nang todo ang pinto para makadaan siya.

     Marahan siyang umiling. Inalis niya ang sagabal na bara sa kaniyang lalamunan at halos pabulong na nagsalita. “P-pasensiya na ho, Señorito.”

     Nakayuko pa rin na pumasok si Ada sa kuwarto ng binata. Todo ingat siya para hindi siya madikit dito. Daig pa niya ang humahakbang sa isang babasaging muwebles.

     Umulan ba ng pabango sa kuwarto niya? sa loob-loob ni Ada habang pasimpleng sinisinghot-singhot ang paligid. Halos balutin ng panlalaki ni Brent pabango ang buong silid.

     “Unahin mo muna ‘yong mga nasa couch, ihuli mo ang kama,” rinig niyang sabi ni Brent mula sa kaniyang likuran. Nang lingunin niya ito’y saktong kakasara lang nito ng pinto.

     “I-iyon l-lang po ba? Hindi ko na po kailangan maglinis?” tila namimilipit ang dilang tanong ni Ada.

     Sa katunayan ay wala naman siyang nakikita maski isang kalat sa kuwarto ni Brent. Hindi katulad n’ong unang beses siyang nakapasok dito at pulos lata ng beer. Hindi naman sinabi ni Geselle na kailangan niyang maglinis, pero maigi na ‘yong klaro ‘yong gagawin niya para hindi siya matusta ni Mrs. Kaya o ‘di kaya’y sitahin ng binata.

DIS #1: Truly, Madly, Deeply ✓ (To Be Published under PSICOM)Where stories live. Discover now