6

998 38 0
                                    

Ilang taon na akong umiiwas. Kahit alam ko sa sarili kong may nararamdaman pa rin ako para sa kaniya. Hindi ko maipagkakaila 'yon. Magkita man kami o hindi, alam ko naman na siya pa rin. Ang hindi ko lang sigurado ay kung mahal niya pa rin ako.

"Sino ba 'yon, beh?" Tanong sa akin ni Jonard.

"I told you! He's my friend."

"Huwag mo akong madaan-daan sa ganyan, beh. I'm not dumb!"

"Okay..." Sasabihin ko na naman. Hindi naman ako maglilihim dahil malalaman niya rin naman, e.

"Ex ko." Pagkasabi ko noon ay tumili na ang bakla.

"Beeeh! Ba't naman sobrang guwapo? Ang ganda mo, e, no? Hahaha."

Sinabi ko ang lahat sa kaniya. Humingi na rin ako ng tawad dahil matagal na kaming magkaibigan pero wala man lang siyang alam tungkol sa love life ko. Palagi ko kasing iniiwasan kung sakaling maitanong man niya. Palagi kong nililihis ang usapan at hinahayaan niya naman ako.

"So, ano ang pinag-usapan niyo kanina?" Pagtatanong niya.

"Nag-kumustahan lang."

"Talaga baaa?"

"Oo, beh! Maniwala ka sa akin. Nag-kumustahan lang talaga kami."

"Kaya pala saglit ka lang. Akala ko pa naman kayo na ulit. Haha."

"Matulog ka na nga, beh. Maaga ka pa bukas."

"Ganyan ka, a. Porket binigyan ka ng day-off." Inirapan niya ako pero ngumiti rin naman. Haha. 'Di niya ako matitiis.

Napaisip ako. Paano kaya kung sabihin kong mahal ko pa siya? Magiging kami ba ulit kung sakali? Paano kung magpapaliwanag nga siya sa akin tapos may nag-aabang na pala sa kaniyang iba? Baka nakokonsensya lang siya kaya gusto niyang makipag-usap.

Natatakot naman akong umamin. Alam kong masasaktan na naman ako, e. Ako na naman ang talo sa labang 'to.

-

Kinabukasan, nagising ako sa katok na nagmumula sa pinto. Sobrang lakas at sunod-sunod.

"Teka lang! Ito na nga!" Sigaw ko kaya tumigil ang pagkatok.

Maagang umalis si Beh. Marami siyang aasukasuhin. Kawawang bakla. Charot!

"Bakit?! Kakagising ko lang." Bungad ko agad sa taong 'di ko pa nakikita kung sino. Humikab ako. 'Di ko alam kung anong oras na. Basta may araw na.

"A-ano..." Tiningnan ko ang tao sa harapan ko. Si Clyde. Hindi mapakaling tiningnan ako mula ulo hanggang paa.

"Bakit?" Ulit ko sa kaniya.

"Uhmm. Makikikain lang sana. Hehe." Wala ba siyang pagkain? Naghihirap na ba siya?

"Sige, pasok." Binuksan kong maigi ang pinto. Pumasok siya at umupo.

"May pagkain doon, ikaw na ang magluto. Inaantok pa ako." Humiga ako sa katapat na sofa at humarap ako sa sandalan. Hindi ko kaya 'to. Kunwaring nagre-relax ako pero ang totoo, sobrang kumakabog ang dibdib ko.

"A-aaa. Sige. Hahainan na rin kita. Tsaka bumangon ka na. Alas dies na."

Hindi ako gumalaw. Hinayaan ko lang siya. Kung ano man ang ginagawa niya, hindi ko alam. Dahil ina-antok pa nga ako, kaya nakatulog ulit ako.

Nagising na lang ako na parang may nagsasalita na sa tabi ko. Si Clyde. Hindi ako gumalaw. Pinakinggan ko lang kung ano ang mga sinsabi niya.

"Ang tagal mo namang magising, Mahal."

"Inip na ako, Mahal." Naririnig ko ang nagtatampo niyang boses.

"Tsaka bakit ganyan ka manamit? 'Di ka naman ganyan dati, a." Naramdaman kong umalis siya at sa pagbalik niya ay pinatungan niya ako ng tela.

"Pero mahal na mahal pa rin kita."

"Sinabi ko lang kasi baka 'di ko na masabi kasi may asawa ka na." Sinong asawa? Baliw ba 'to?

"Paano ba 'to? Ahmm.."

"Magpa-practice ako. Kasi ano, baka mautal ako kapag sinabi ko sa iyo 'to ng gising ka..."

"Riz," Na-miss ko ang pag tawag niya sa pangalan ko.

"Nakipaghiwalay ako sa iyo dati kasi akala ko nabuntis ko si Crizza." Buntis? Ano? Si Crizza?

"Hindi ko sinabi sa iyo na nag-inom ako kasama sila Mark, kasi alam kong 'di ka papayag. Kasalanan ko naman talaga."

"Pumayag akong sumama sa kanila kasi akala ko normal na inuman lang. Pero 'di ko nga inakalang may maling mangyayari."

"Sinet-up ni Crizza lahat. Hindi alam ng tropa ko. Ang buong akala ko ako ang ama ng dinadala niya kaya nakipaghiwalay ako sa iyo, pero hindi. Iba ang ama ng dinadala niya at hindi ako." Hinayaan kong mag-kuwento siya at nagpipigil naman akong gumalaw. Tingin ko ayy may kasalanan din ako dahil 'di ko siya pinakinggan dati.

"Gusto kong magpaliwanag sa iyo dati pero hindi mo ako pinagbigyan."

"Hindi ako galit sa iyo, Mahal. Kasi alam kong nasaktan kita."

"Nang makita kita kagabi akala ko may pag-asa pa pero tingin ko wala na,"

"Kasi kasal ka na, e."

"Ano bang laban ko?"

"Alangan namang sabihin kong hiwalayan mo siya para maging tayo ulit—"

Bumangon ako at niyakap siya. Nagulat siya at biglang humikbi.

Niyakap ko siya ng sobrang higpit. Maraming taon ang nasayang para sa aming dalawa.

"R-riz," Naiiyak niyang sabi.

"Mamaya na, Clyde. Hayaan mo akong yakapin ka kahit ilang minuto lang. Hayaan mo muna ako."

Hindi siya gumalaw. Nagyakapan lang kami kahit alam kong hindi ito ang huli dahil hindi rin naman ako papayag.

"Na-miss kita, Mahal."

"Hindi na tayo, Clyde."

"Oo nga, pero na-miss ko lang. 'Yong ganito. Kahit hindi na tayo puwede kasi may asawa ka na." Talagang ipinipilit niyang asawa ko 'yong kaibigan kong bakla. Napatawa ako ng wala sa oras.

"B-bakit?" Nagtanong pa! Haha.

"Wala akong asawa. Okay?"

"E, ba't may singsing ka? Tsaka ba't nasa isang bubong lang kayo noong lalaki—"

"Huwag mo ngang ipilit sa akin 'yong baklang 'yon. Haha."

"Bakla? Siya bakla?"

Nag-kuwentuhan kami tungkol sa mga nangyari sa amin makalipas ang anim na taon. Maraming nawala sa amin. Ang oras na dapat masaya kami at magkasama. 'Yong kakain kami kahit saan. 'Yong mga araw na parang ninakaw sa amin ng tadhana.

"Buong akala ko may asawa ka na. Kasi naman 'yang singsing mo bakit ang ganda?! Mukhang engagement ring." Itinaas niya pa ang kaliwang kamay ko at tiningnan ang singsing.

"Bigay sa akin 'yan ng naging boyfriend ko sa Canada." Nag-iba ang timpla ng mukha niya kaya natawa ako. Haha.

"Biro lang! Binili 'yan ni Jonard at binigay sa akin. Pinahahalagahan ko 'to katulad ng pagpapahalaga niya sa akin. Siya lang ang matatawag kong tunay na kaibigan." Ngumiti ako.

"Pero sigurado kang bakla 'yan, a?"

"Oo, sigurado ako. Katulad ng kasiguraduhang mahal pa rin kita hanggang ngayon."

May mga ibinibigay sa ating problema na akala natin ay 'di natin malalampasan, pero minsan nala-late lang pala ang pagresolba at kailangan lang nating makinig para sa ikabubuti ng lahat.

Huwag agad paniniwalaan ang nakikita lang ng mga mata. Iba-iba ang interpretasyon ng mga tao. Kailangan mo lang talagang makinig at intindihin ang lahat bago kumuda at kumilos. Buksan ang puso't isipan dahil 'yon ang magsasalba sa iyo, sa atin hanggang sa huli.

Simula | ✓Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon