CHAPTER 20

561 13 1
                                    

“I’M sorry to tell you but—,” usal ni Anthony, sinadya nitong tumigil. Mabigat para dito na sabihin ang masamang balita. “Hindi nagiging maganda ang mga resulta ng tests mo, Phrexus. Dalawa ang maaaring dahilan ng pananakit ng itaas na bahagi ng ‘yong tiyan, it’s either namamaga ang iyong spleen o atay—in your case, it was your spleen.”

He swallowed hard.
“A spleen is normally about the size of your fist,” patuloy nito. “Hindi iyon madaling makita during an exam, your immune system is weak dahil pinapahina iyon ng cancer cells, madali kang dapuan ng impeksiyon at iyong ang dahilan ng pamamaga niyon.”

“The spleen will need to be removed surgically,” dugtong nito. “Splenectomy ang tawag sa procedure na ‘yon. Pero hindi ibig sabihin na ligtas ka na, you will be more vulnerable to certain infections. Masyado nang komplikado pero hindi kami titigil hanggang gumaling ka.” 

Napasandal siya sa kaniyang higaan.
“I suggest na bumalik ka ng America,” pangungumbinsi nito sa binata. “Mas advanced ang kagamitan nila doon kaysa dito sa Pilipinas, mas matutulungan ka ng mga spesyalista sa sakit mo. May mga kilala rin akong doktor na puwedeng makatulong sa’yo.”

“Pa’no kung hindi maging matagumpay ang operasiyon?”

“But, what if it does?” Sumeryoso ito. “Hindi natin alam ang mangyayari, kailangan nating sumugal kung gusto mo pang mabuhay.”

Sinabi sa kaniya ni Anthony na kailangan niyang mag-undergo ng stem cell transplant. Sa prosesong iyon ay gumagamit ang mga doktor ng higher doses of chemotherapy, sometimes along with radiation therapy to treat the leukemia. Matapos ang treatment na iyon, the patient receives a transplant of blood-forming stem cells to restore the bone marrow. Walang kasiguraduhan ang isasagawang operasiyon pero kailangan niya iyon para mabuhay.

Isinugal ni Hannah ang puso nito kahit pa alam ng dalagang mamamatay na siya, nararapat lang na sumugal din siya para dito.
Unang beses pa lang na sinabi sa kaniya ni Anthony ang tungkol sa sakit niya ay alam niya at tanggap na niyang hindi na magtatagal pa ang kaniyang buhay. But right now, habang inaaninag niya sa kaniyang balintataw ang mukha ng dalaga—he realized he was not yet ready to die. Kailangan pa niya nang kaunti pang panahon.

“How about Hannah?” Nag-angat siya ng mukha nang banggitin nito ang pangalan ng dalaga.

“What about her?”

“Hindi mo ba sasabihin sa kaniya ang tungkol dito?” sabi nito. “Panay pa rin ang pagtawag niya, itinatanong kung kumusta ka na. Ayoko namang sabihing lumalala ang kondisyon mo, but she deserves to know.”

LUTANG pa rin ang pakiramdam ni Hannah, wala siya sa sarili nitong mga nakaraang araw. Ilang linggo na siyang nakabalik ng Maynila pero tila naiwan pa rin sa Albay ang utak niya—at puso. Madalas siyang mag-overtime sa trabaho para pansamantalang makalimutan ang sakit na nararamdaman.

“Okay ka lang?” tanong ni Girllyne nang maabutang nakatulala siya sa kung saan. She slightly nodded. “Gusto mo ipakaladkad natin sa ospital ang Phrexus na ‘yon? Ipakadena, nang sa ganoon ay wala na siyang takas pa.”

“Kung puwede nga lang gawin ‘yan para gumaling siya,” walang buhay niyang sabi.

Nilapitan siya nito. “You’re not okay,” anas nito, marahang hinawakan ang balikat niya. “Umuwi ka na kaya at magpahinga.”

She heaved a sigh. “I’m not okay, but it’s okay,” garalgal niyang sabi. “Hayaan mo nalang akong maging malungkot, soon or late ay mapapagod din naman akong maging malungkot.”

“Nandito lang ako para sa’yo,” sabi ni Girllyne. “Karamay mo ‘ko, tandaan mo ‘yan.” Tumango siya. Bahagya nitong tinapik ang kaniyang balikat sa muling bumalik sa sariling cubicle.

Maybe it’s for the best, sa loob-loob ng dalaga. Baka nga nararapat na pakawalan niya ito at tanggapin ang katotohanan na hindi siya nito kailangan. Goodbyes, they often come in waves—dapat ay masanay na siya doon dahil natitiyak niyang hindi lang naman si Phrexus ang darating sa buhay niya at iiwan siya.

KADARATING lang ni Hannah galing trabaho nang may mapansin siyang sasakyan na nakaparada sa harap ng kanilang bahay. Sino kaya ang may-ari niyon? Wala naman siyang inaasahang bisita, wala rin naman siyang naiisip na bibisita sa kaniyang Lola Concha sa ganoong oras.

Bumaba siya sa sinakyang traysikel at agad na pumasok nang maabutan niya sa loob si Phrexus. Kausap nito ang ina at abuela, mukhang seryoso ang pinag-uusapan ng tatlo.

Hindi nakapagsalita ang dalaga. Nagulat siya sa laki ng pinagbago ng itsura nito. Bagaman hindi pa nalalagas ang buhok nito katulad ng ibang cancer patients, hindi maipagkakailang unti-unti na itong naaapektuhan ng cancer cells. He looked pale and weak, hindi na ito kakikitaan ng kahit na anumang sigla. Gusto niyang tumakbo palapit dito at sugurin ito ng mahigpit na yakap. Kahit hindi sabihin ng binata, alam niyang nahihirapan ito at sobra siyang nasasaktan dahil wala man lang siyang magawa. 

“O, apo, nandito ka na pala,” sabi ng kaniyang Lola Concha. Napatayo si Phrexus nang makita siya.

“Ano’ng ginagawa mo rito?” She swallowed hard.

“Puwede ba tayong mag-usap kahit sandali lang?”

Napatitig siya dito saka marahang tumango. Kinakabahan si Hannah sa kung ano ang sasabihin sa kaniya ng binata.

UNLOVE ME by RICA BLANCA (To be Published by PHR)Where stories live. Discover now