Part 18

13.2K 400 15
                                    

HINDI natuloy ang plano ni Cade na makabalik pagkapananghali. How could he do that when everyone seemed to be having fun? Kasama na si Carli. Itinuon lang niya ang atensiyon sandali sa pagtulong sa mga lalaki na harangan ang tulay upang hindi na matamaan ng troso at nang lumingon uli siya rito ay nasa gitna na ng mga taga-San Jose si Carli na para bang matagal na itong kabilang doon.

Nang lumingon uli siya ay nagluluto na si Carli, tumatawa sa biro ng mga tao sa paligid nito, kumportable sa presensiya ng mga ordinaryong tao. Malayo sa impresyon niya sa mga celebrity. But then, after seeing her again, he realized she was different from other celebrities. Walang ere si Carli at madalas, kapag pinagmamasdan niya ito ay napapansin niyang hindi nito alintana kung ano ang posisyon nito sa buhay. At hindi niya mapigilan ang sarili na pagmasdan ito.

Gusto niyang murahin ang sarili sa pagmamasid niya kay Carli nang ganoon. And yet, her laughing face and comfortable demeanor seemed to lift something heavy from his shoulders. Kaya nang magtama ang mga mata nila ay hindi niya napigilang ngitian ito.

Tanghali na nang matapos gawin ang harang sa tulay. Nagkayayaan mananghalian doon at hindi nakatanggi si Cade nang abutan siya ng plato upang makisalo sa pagkain. Nakaupo na siya sa isang tabi at nakasampay sa balikat ang basang T-shirt nang maramdaman niya ang paglapit ni Carli sa kanya. Tiningala niya ito.

Ngumiti si Carli at umupo sa tabi niya. "Masyadong hospitable ang mga tao rito," sabi nito.

"Ganyan naman talaga sa San Jose noon pa," sagot niya. Natatandaan niya na noon, kahit tuwing bakasyon lang siya bumabalik doon ay palagi siyang binabati ng mga taga-San Jose na para bang araw-araw siyang naroon. Kung gaano kailag ang mga tao roon sa mga magulang niya ay ganoon naman kagiliw ang mga ito sa kanya. Siguro ay dahil sinusuklian niya ang pagkagiliw ng mga ito. Hindi gaya ng mama niya. Ang papa niya ay mabait din sa mga ito. Pero alam niya na arte lang iyon dahil gusto nitong manatiling mayor hanggang maaari. Bata pa siya noon at walang magawa para sa mga tao. Pero ngayon ay mayroon na.

"Wala akong natatandaang may naging mabait sa akin noon dito," wika ni Carli sa mahinang tinig.

Natigilan si Cade at napatingin dito. Nakatingin ito sa mga tao na may lungkot sa mga mata. Alam niya na naaalala nito ang kabataan nito at ang ina nito. A sense of protectiveness gripped him, isang bagay na akala niya ay hindi na niya mararamdaman pa. Bago pa niya napigilan ang sarili ay kusa nang umangat ang kamay niya at magaang na hinaplos ang pisngi ni Carli. He realized too late that this gesture used to be his habit whenever she was near her.

"Hindi mo iyon kasalanan," sabi niya rito.

Natigilan ito at napatitig sa kanya.

Agad niyang binawi ang kamay at nagkunwaring walang anuman iyon sa kanya. "At karamihan sa mga taong ito ay bata pa noong umalis ka. Maraming tagarito dati ang lumipat na sa ibang lugar. Iyong iba naman ay mukhang hindi ka natatandaan."

"Napansin ko nga. Hindi naman kasi ako palalabas noon. At kung lumalabas ako, nagpupunta ako sa mga lugar na walang gaanong tao," sagot ni Carli.

Alam niya iyon. Dahil isinama siya ni Carli noon sa mga lugar na gustong-gusto nitong pinupuntahan.

Huminga siya nang malalim at tumayo bago pa mauwi sa kung saan ang isip niya. "Well, we should be going. Hindi ka pa makakaalis pero at least, kailangan nating tingnan kung ayos na ang sasakyan mo."

Hindi agad ito sumagot kaya napilitan siyang tingnan ito. Titig na titig si Carli sa kanya na tila ba may inaarok itong kung ano. Nailang si Cade kaya mabilis siyang nag-iwas ng tingin at lumayo rito.

MALAKAS na naman ang ulan nang nasa biyahe na sina Carli pabalik sa bahay ni Cade. Walang nagsasalita sa kanila ngunit hindi tulad nang pababa sila ng bayan ay hindi nakakailang ang katahimikan sa pagitan nila ngayon. It was comfortable.

Pagkaparada nito ng pickup sa garahe ay nakita pa niya ang mekanikong isinasara ang hood ng kotse niya. Ngumisi ito nang mapatingin sa kanya. "Umaandar na ho ang kotse ninyo, Ma'am," sabi ng mekaniko.

Nakangiting lumapit siya rito. Inabot nito sa kanya ang susi niya. "Salamat. Magkano ang kailangan kong ibayad sa 'yo?"

Lumuwang ang pagkakangisi ng mekaniko at nangislap ang mga mata. "Autograph, picture, at kiss na lang, Ma'am. Okay na hong bayad sa akin iyon," pabirong sagot nito.

Natawa siya. Akmang tatango na siya nang biglang magsalita si Cade na hindi niya namalayang nakalapit na pala sa kanya. "Autograph, picture at cash lang ang fee mo. Masyadong mahal ang kiss."

Tumawa nang malakas ang mekaniko at nagkamot sa ulo. Pagkatapos ay nanunudyong tiningnan siya. "Patay. Seloso pala si Sir, Ma'am. Hindi ako makakanakaw ng kiss. Minsan lang ako may makitang sikat na sikat na singer dito."

Napasulyap siya kay Cade. Nakakunot ang noo nito at mukhang itatanggi ang sinabi ng mekaniko. Dahil ayaw niyang makarinig ng kahit anong magpapasama sa loob niya mula rito ay ibinalik niyang muli ang tingin sa mekaniko at ngumiti nang matamis. "Sige na nga pagbibigyan na kita." Mabilis niya itong hinalikan sa pisngi. Natulala ang mekaniko kaya natawa siya. Pagkatapos nitong magpa-autograph at magpa-picture ay umalis na rin ito.

Ngiting-ngiti pa rin si Carli nang marinig niya ang pag-ismid ni Cade na hindi umalis sa tabi niya mula pa kanina.

"Basta-basta ka na lang ba talaga humahalik ng lalaki ngayon?" tanong nito.

Tiningnan niya si Cade. Lukot ang mukha nito. Kung hindi lang niya alam na wala na itong nararamdaman para sa kanya ay iisipin niyang nagseselos ito. Nagkibit-balikat siya. "Kasama iyon sa pagiging celebrity ko," sagot na lang niya.

Tila may sasabihin pa ito nang biglang sumulpot sa garahe si Atty. Fernandez. "Good, nandito na kayo sa wakas," sabi nito, saka bumuga ng hangin.

"Bakit?" agad na tanong ni Cade sa abogado.

"Kanina pa tumatawag ang papa mo. He's been asking you to return his calls. Nasa Maynila raw siya kasama si Senator Vericio. Gusto raw nilang magpunta rito pero gusto ka raw muna niyang makausap."

Napatitig si Carli kay Cade nang makita niyang na-tense ito bago marahang tumango. "Sige, tatawagan ko siya." Bumaling ito sa kanya. Pormal na naman ang ekspresyon nito. Nawala na rin ang companionship na kanina lang ay nasa pagitan nilang lahat. Naging malamig na naman ito. "It's good na ayos na ang sasakyan mo. Unfortunately, sira ang tulay kaya hindi ka rin makakaalis. Ikukuha kita ng maisusuot mo. Ipapadala ko na lang sa isa sa mga katulong." Ni hindi siya nito hinintay tumango. Tumalikod na ito at umalis.

Nang nasa loob na uli siya ng silid na inookupa niya sa bahay na iyon ay bigla rin siyang natensiyon. Lalo na at narinig niyang sinabi ni Atty. Fernandez kay Cade na kung sira ang tulay ay baka mag-helicopter papunta roon ang ama ni Cade. May airstrip daw ang pamilya ng mga ito di-kalayuan sa bahay na iyon.

Pupunta roon ang mga magulang ni Cade. Ano ang iisipin ng mga ito kapag naabutan siya roon? Katulad pa rin ba ng dati ay lalaitin siya ng mga ito? O dahil sikat na siya ngayon ay magiging mabait na ang mga ito sa kanya?

Huwag ka nang umasa, Carli. Kahit gaano ka katagumpay ngayon, hindi nila makakalimutan kung saan ka galing. Ganoon silang klase ng mga tao, mapait na naisip niya.

Hindi nga ba at iyon ang isyu ng mga magulang ni Cade sa kanya noon pa mang unang beses na nalaman ng mga ito ang tungkol sa kanya?

Umupo siya sa kama at pumikit nang mariin. Nanikip ang dibdib niya nang lukubin siya ng mga alaala...

Wildflowers series book 4: A Lover's Second ChanceWhere stories live. Discover now