Chapter 10

8.8K 247 9
                                    

"BASTA ka na lang ba aalis nang hindi tayo nag-uusap?" tanong ni Ivan kay Sam.

Saglit niya itong sinulyapan bago ibinalik ang pansin sa pagsisilid ng mga gamit niya sa bag. Hindi siya umuwi sa mansiyon kagabi. Sa halip ay nakituloy siya sa tiyahin ni Telai. Pumunta lang siya ngayong umaga sa bahay ng mga magulang ni Ivan para kunin ang mga gamit niya at makapagpaalam na rin nang maayos sa pamilya nito.

Pumasok si Ivan at ipininid nito ang pinto. "Mag-usap tayo, Sam."

"Kung tungkol sa nangyari kagabi, I'm sorry. Kung puwede, kalimutan na natin 'yon," aniyang hindi ito tinitingnan.

"Gusto kong malaman ang totoo."

Hindi siya sumagot.

"Sam, please?"

"Ayoko ng gulo, Ivan. Tapos na ang trabaho ko, 'di ba? Uuwi na ako sa amin."

"I already talked to Atasha. Ipinipilit niyang wala siyang alam sa sinasabi ninyo ni Telai. Bakit kailangan mong magsinungaling sa akin?"

Tiningnan niya ito. Gusto niyang sabihing kahit kailan ay hindi niya magagawang magsinungaling rito, pero pinigilan niya ang sarili. Ang gusto na lang niya ngayon ay bumalik sa probinsiya at mamuhay uli roon nang tahimik, malayo rito at kay Atasha. Inalis niya ang kamay ni Ivan sa balikat niya at mabilis na tinapos ang pagsisilid ng mga gamit sa bag. Akma na siyang aalis nang hawakan siya nito sa braso.

"Sagutin mo ang mga tanong ko, Sam! I need to know why you had to lie to me! Itinuring kitang kaibigan. Inalagaan kita habang nandito ka. Pero bakit ginagawa mo sa akin 'to?!"

Pumatak ang mga luha niya. "Sinungaling ako? Sa ilang araw na nandito ako, iyan ba ang nakita mong ugali ko?"

"Then why are you doing this?"

"Kahit kailan, hindi ako nagsinungaling sa 'yo. Sinabi ko 'yon dahil iyon ang totoo. Kung gusto ko kayong sirain ni Atasha, dapat noong nasa isla pa lang tayo ay sinabi ko na 'yon. Pero hindi, 'di ba?"

Hindi ito umimik.

"Nanahimik ako noon. Sinarili ko na lang ang sakit. Si Atasha ang nagtulak sa akin kagabi para magsalita. Wala naman talaga akong planong ipaalam pa 'yon sa 'yo, eh," umiiyak na sabi niya.

"So, sinasabi mong nagsisinungaling sa akin si Atasha?"

Hindi siya sumagot.

"Sam, mula pagkabata ay magkaibigan na kami. Kaya bakit niya ako lolokohin?" hindi pa rin makapaniwalang sabi nito.

Lalo siyang napaiyak. Ang sama-sama ng loob niya kay Ivan. Ano ba ang ginawa niya para isipin nito na kaya niya itong lokohin? "At ako, ano ang dahilan para magsinungaling ako sa 'yo?" luhaang tanong niya.

Hindi ito nakasagot. Umupo ito sa kama at sinuklay ng mga daliri ang buhok. Parang dinudurog ang puso niya habang tinitingnan ito. Iyon ang dahilan kaya ayaw niyang ipaalam dito ang totoo-ayaw niya itong masaktan. Pero nangyari na.

"In the park where I dwelled, I met a guy I love so well. His boyish smile melts my heart away, it makes me feel complete each day," pagre-recite niya sa tulang ginawa niya noon para sa binata.

Napatingala sa kanya si Ivan.

"A very handsome thief, that's what he is. Oh, he has stolen my heart and made me his. All day he resides in my head, but still my feelings are left unsaid."

Titig na titig pa rin ito sa kanya.

"Another day has come and go, but still I haven't told him so. Just how much he means to me, and that I believe I'm the one for him..." Pinahid niya ang kanyang mga luha.

❤Finding Samara (COMPLETED; Published under PHR)Where stories live. Discover now