Ika-tatlong Bahagi

710 46 0
                                    


"Handa ka na ba, Marius?" kumatok ako sa pinto bago ko binuksan ito.

Nakita ko si Marius, ang aking matalik na kaibigan, na nakatitig nanaman sa salamin. Tanging maiksing tuwalya lang ang kanyang suot na nakatakip sa kanyang pagkalalaki, at nakita kong basa pa ang mahaba niyang buhok na kulay pilak.

"Hay, hanggang ngayon ba naman ay pinagmamasdan mo pa rin ang iyong sarili?" tanong ko sa kanya habang pumipili ng damit sa kanyang aparador. "Magmadali ka na, Marius, parating na ang aking ama mula sa kabisera!"

"Theo, sa tignin mo ba ay masyadong namumula ang aking mga mata?" tanong niya sa akin, ako naman ay napailing.

"Ayan ay dahil nagpumilit ka pang hintayin ang pag ulan ng mga tala kagabi." paalala ko sa kanya. "Inabot tuloy tayo ng pagsikat ng araw!" kinuha ko ang mas malaking tuwalya na nakabalumbon sa kanyang kama at pinunasan ang kanyang buhok.

"Hindi kaya mapansin ito ng aking ama... at pati na rin ng emperador?" nakasimangot niyang tanong sa akin.

Hindi ko napigilang tumawa. "Sa tingin ko ay walang makakahalata sa kanila, sapagkat magsusuot ka naman ng maskara sa paglabas natin."

Lalong nagdikit ang kanyang mga kilay. "Kung bakit pa kasi kailangan ko pang magsuot ng sinumpang maskara na iyan!" naiinis niyang sinabi. "Kung ako lang ang masusunod, uutusan ko ang buong mundo upang hindi nila ako makita, at sa gayon ay ikaw na lang ang makapapansin sa akin!"

"Ba't nga ba hindi mo gawin?" tanong ko sa kanya na nakangiti.

Nagbuntong hininga si Marius. Alam ko rin naman ang dahilan. Iyon ay dahil siya ang susunod na tagapag-mana ng kaharian ng Hermosa, ang bansa ng pamilya nila na mga enkantong Dilang Pilak na may lahi ng mga diwata. Isang malaking responsibilidad ito na hindi niya kayang basta na lamaang talikuran.

Kinuha ko ang gintong suklay na nakapatong sa kanyang lamesa at pinagmasdan ang napakaganda niyang mukha sa salamin habang inaayos ang kanyang buhok.

"Huwag ka nang sumimangot." sabi ko sa kanya, "Bukas na ang iyong ika-labing walong na kaarawan. Ayon sa ating tradisyon, magiging isa ka nang ganap na lalaki! Hindi ba nararapat lang na tigilan mo na ang iyong pagiging isip bata?"

"Hindi ako isip bata, Theo!" hinarap niya ako nang naka halukipkip, "Ikaw pa nga na mas matanda sa akin ng dalawang taon ang mas maraming kalokohang nalalaman!"

"Anong kalokohan?" tanong ko sa kanya, tumatawa.

"Hindi ba't ikaw ang nagpumilit ng isang araw na mamitas tayo ng mga kaimito sa hardin, bagamat hindi pa ito hinog? Ang sabi mo ay ikaw ang bahala, pero ako lagi ang napapagalitan ng aking amang hari!"

Lalo lang akong natawa, at bago pa man makapag reklamo si Marius ay niyakap ko siya ng mahigpit at hinalikan sa noo.

"Nais ko lang namang pasiyahin ka, hindi ba't paborito mo ang kaimito?" sabi ko sa kaibigan kong namumula. "Napansin ko kasi na habang palapit ang iyong kaarawan ay lalo kang ninenerbiyos! Hanggang ngayon ba naman ay takot ka pa rin sa ama kong emperador?"

Hindi sumagot si Marius, sa halip ay yumuko ang kanyang ulo na nakasandal sa aking dibdib at dahan-dahan na tumingin sa akin. Pinagmasdan ko ang lilak niyang mata na natatago sa likod ng napakakapal niyang pilikmata.

"Huwag kang mag-alala." ika ko. "Hindi ako papayag na mahiwalay tayo, kahit ipag-pilitan pa ni ama na pauwiin ako sa kabisera, tulad ng ginawa niya ng isang taon."

"Pangako?" tanong sa akin ni Marius na may napaka tamis na ngiti sa kanyang labi.

"Pangako." tugon ko. "Hindi ba't tayo ay magkabigkis?" paalala ko sa kanya. "Walang sino mang makapaghihiwalay sa atin!"

Niyakap din ako ni Marius nang mahigpit. "Kung gayon ay wala na akong ipapangamba." ika niya.

"O, siya, magbihis ka na at mukhang palapit na ang pagdating ng aking ama!"

Narinig na nga namin ang mga trumpeta na nag-huhudyat sa pagdating ng hukbo ng ama kong emperador sa kastilyo. Maya-maya pa ay papasok na sila sa palasyo ng hari ng Hermosa, at kailangan ay naroon kami para siya ay salubungin.

"Handa ka na ba?" tanong ko habang itinatali ang suot na baro ng aking kaibigan. Kinuha niya ang kanyang maskara na yari sa pilak at itinali ko ang lubid sa likuran ng kanyang ulo.

"Handa na ako, Theodorin." ika niya.

At magkahawak kamay kaming lumabas ng kanyang silid.

Ginto't PilakWhere stories live. Discover now