Ikat-apat na Bahagi

599 38 0
                                    


"Narito na ang Namumuno sa Mundo ng mga tao, ang Panginoon ng Lahat ng Nasa Ilalim ng Bughaw na Kalangitan, ang Nagmamay-ari sa Lahat ng Lupaing Luntian. Ang Kataas-taasang Emperador Leonsio Apolinario Fernando Heilig!" pakilala ng mga pantas sa hukom ni Hermosa.

"Mapayapang pagdating, emperador Leon." bati ni haring Domingo sa aking ama.

"Ikinagagalak namin at pinaunlakan mo ang aming imbitasyon para sa kaarawan ng aking anak bukas." sabi naman ng kanyang asawa na si reyna Violeta.

"Salamat, sa mainit na pagtanggap sa akin, haring Domingo, reyna Violeta." napatingin siya sa akin na nakatayo sa tabi ng hari, at kay Marius na nasa tabi ko. "Kamusta naman ang aking anak at tagapagmana?" nakangiti niyang tanong.

"Mabuti po, aking ama." lumapit ako sa kanya, kinuha ang kanyang kamay, at hinalikan ito. Kung dati ay malaking tao siya na hulmado ang katawan, ngayon naman ay malaki pa rin, ngunit ito'y nababalutan ng taba. "Matagal tayong hindi nagkita, aking ama, salamat at mabuti ang iyong kalagayan." bati ko sa kanya.

Lumapit din sa kanya si Marius na tulad ko ay kinuha ang kanyang kamay at idinikit ito sa parteng bibig ng suot niyang maskara.

"Emperador Leon," wika ni Marius sa napakalamig niyang tinig. "Maligayang pagdating sa aming kaharian."

Tinignan siya ng aking ama na mula ulo hanggang paa. Mukhang asiwa ito.

Mula nga nang una kaming nagkakilala, ay tila malayo na ang loob ng aking ama kay Marius. Lagi niya itong tinitignan ng masama at tila ba lagi siyang naiinis dito. Marahil ito ay dahil natatakot siya sa kakaibang kapangyarihan na taglay ni Marius. Maging siya ay walang laban sa Dilang Pilak ng mga Ravante, lalo na sa aking kabigkis, at iyun marahil ang dahilan kung bakit tila naiilang sila kay Marius.

"Mabuti at mukhang maayos ang kalagayan ninyong lahat." ani ng aking ama. "At ang laki na rin nang ipinagbago ng aking anak!" binalik niya ang kanyang tingin sa akin. "Napaka tikas ng iyong pangangatawan, at mukhang nalampasan mo na ang aking taas!" tinapik niya ang mapipintog kong braso at ginulo ang ginto kong buhok na hanggang balikat ang haba.

"Hindi ba nga at ang pangako ko sa iyo ay palalakihin kong mabuti ang iyong anak?" tumatawang sagot ni haring Domingo.

"Dapat lang, dahil mula nang pumanaw ang kanyang asawa, sampunta taon nang nakakalipas, ay hindi na nakauwi si Theo sa Apolinus na kabisera ng Heilig." ipinatong ng ama kong emperador sa aking balikat ang kanyang malapad na braso. "Mula noon ay hindi ko na rin siya nakita ng personal!"

"Siya, bakit hindi muna kayo magpahinga sa loob ng kastilyo, mukhang pagod pa kayo sa inyong paglalayag?" sabi ni haring Domingo. "Nakahanda na ang pagkain at alak sa comedor, at walang humpay na kasiyahan ang ipapamalas ko sa inyo, hanggang sa karawan ng anak kong si Marius!"

Nagtungo na nga ang buong hukbo ng ama ko sa loob ng palasyo upang magpahinga. isang-libo ang kasama niya para makisaya sa kaarawan ni Marius.

Marami pang ibang mga bisita ang dumarating, bukod sa kanila. Mga mahahalagang deligante mula sa iba't ibang dako ng imperyo, karamihan, mga pook na nababasa ko lang sa mga aklat namin sa silid aralan.

"Halika, Marius, sumunod na rin tayo sa kanila!" aya ko sa aking kabigkis. "Ikaw pa man din ang panauhing pandangal sa kasiyahang ito!"

"Huwag na muna, Theo." sagot niya, "Mas gusto kong magtungo na lang tayo sa hardin kasama ang mga nakababata kong mga pinsan at kapatid." napansin kong nagpupunas siya ng kamay.

"Maalala ko nga pala, bakit kaya hindi sumama ang aking mga kapatid, lalo na ang bunso naming si prinsesa Camilla?" tanong ko sa kanya. "Mula ng maaksidente sila ng ina kong emperatris, ay hindi na siya sumusulat sa akin, nais ko sana siyang makita ngayon at makamusta. Nais ko pa naman sanang makasayaw mo siya sa iyong kaarawan."

"Aba, ang ama mo ang iyong tanungin!" sagot ni Marius na tila naiinis. "At alam mo bang napaka lagkit ng kamay ng iyong ama?"

"Pasmado lang siguro?" sabi ko sa kanya, sabay hawak sa kanyang kamay. "Nadumihan ba ang kamay mo?" hinimas ko ang palad niyang kasing lambot ng bulak.

"Hindi naman... ngunit hindi ko gusto ang mga hawak ng iyong ama sa akin... alam mo naman iyon." mahina niyang tugon. "Para bang ayaw niya akong bitawan minsan."

"Nasabik lang siguro siya sa iyo, at pati na rin sa akin." hinatak ko siya papasok sa palasyo. "Halika na, at siguradong hahanapin niya tayo sa kainan."

Nagkakasiyahan na ang lahat sa aming pagdating.

Binati kami ng mga bisita, karamihan, namumukhaan ko pa mula sa aming kaharian. Nagtungo na kami sa tuktok ng entablado at umupo sa mahabang mesa sa tabi ng aking amang emperador.

"Ama, hinay-hinay po lang sa pagkain, hindi po ba mukhang masyado na kayong tumataba?" natawa lang ang aking ama.

"Wala ito, anak, hayaan mo akong magsaya at matutunaw din ito sa aking pag uwi sa kabisera." kumagat siya sa hawak niyang malaking pata ng tupa bago muling magsalita. "Alam mo bang nagsisimula nanamang manggulo ang mga lahing Ignasius na nanghihimasok sa ating mga lupain sa Kanluran?"

"Hindi po ba at nagkaroon na kayo ng kasunduan mga walong taon na ang nakalipas?" tanong ko sa kanya. "Kada taon ay naguusap pa kayo para patotohanan ang mga pangako ninyo na igalang ang hangganan ng ating mga lupain!"

"Tama ka, Theo, ngunit ang mga Ignasius ay mahirap asahan sa mga usaping tulad nito." sagot ng aking ama.

"Gayon pa man, kailangan pa rin natin silang paniwalaan sa kanilang mga pangako." sabi ni haring Domingo na nasa tabi ni ama. "Hindi pa naman napapatunayan ang mga aligasyon laban sa kaharian ng Ignus." ani niya. "At sa tingin ko ay wala namang batayan ang mga iyon."

"Hay, madali kang makapag bitaw ng ganyang mga salita, kaibigan," sabi ni ama, "palibhasa ang kaharin ng Hermosa ay isang arkipelago, at nalilibutan ng tubig ang inyong lupain, samantalang ang kaharian ng Ignus, bagamat parte ng aking emperyo, at kasama namin sa iisang kontinente, ay may sariling autonomiya."

"Iyon ang kanilang ginagamit upang labanan ako at lalong palakihin ang kanilang lupain." huminga ng malalim ang aking ama at tumungga ng isang kopitang puno ng alak.

"Ang balitang umabot sa akin ay binibihag daw ng mga angkan ng mga Ignasius ang ilang mga mamamayan ng Apolinus, at kinukuha ang mga likas na yaman sa kanilang lupain." ulat ni ama. "Kaya nga nagpadala agad ako ng ilang kawal upang siguraduhing ligtas ang aming mga mamamayan malapit sa hangganan."

"May naiulat na po ba sila pabalik sa inyo?" tanong ko sa ama kong emperador.

"Wala pa sa ngayon." sagot niya, "Ngunit umaasa akong darating ang balita ngayong gabi, o bukas ng umaga."

"Nawa'y maganda ang balitang ipaabot nila." sabi ni haring Domingo.

"Harinawa." sagot ko.

Ginto't PilakWhere stories live. Discover now