Ika-limang Bahagi

534 38 0
                                    


Nagising ako ng gabing iyon nang marinig kong may kumatok sa aking pader.

Tumayo ako mula sa aking pagkakahiga at lumapit sa isang larawan na nakakabit sa pader. Halos kasing laki ko ito. Hinawakan ko ang isang kanto nito at ibinukas iyon na parang pinto. Sa likod nito ay may lihim na daan na nag-uugnay sa silid namin ni Marius.

Nandoon nga si Marius, natatago sa dilim, may suot na puting tunika na walang manggas at abot tuhod niya.

"Hindi ka pa natutulog?" tanong niya sa akin.

"Salamat sa iyo, ako'y nagising!" humikab ako at inakay siya papasok sa aking silid. "Bakit ba gising ka pa rin?"

"Hindi ako makatulog... tila umiikot ang aking sikmura!" sabi niya na umupo sa aking kama. "Hindi ko maalis sa aking isipan ang kuwento ng iyong ama... tungkol sa mga nanggugulo sa hangganan sa inyong kaharian..."

"Bakit mo naman pinag-iisipan pa ang mga iyon?" tanong ko sa kanya.

"Dahil maaring magkaroon ng kaguluhan dahil doon." sabi ni Marius, "Naaalala mo pa ba? Pumayag man ang iyong ama na dito ka sa aming kaharian manatili, taon-taon ka pa rin bumabalik tuwing tagsibol upang makasama ang iyong pamilya. Ngunit matapos maaksidente ang iyong ina at si Camilla... matapos silang harangin ng mga tulisan sa Ignus, hindi ka na niya pinauwi pang muli. Mga bata pa tayo noon kaya minabuti nilang manatili ka rito sa aming kaharian upang makaiwas sa gulo. Muktikan nang magkaroon ng digmaan noon sa pagitan ng pabayang mga Ignus at ang imperyo. Pero ngayong malaki na tayo..."

"Ikaw talaga, Marius, masyado ka nanaman nag-aalala!" singit ko sa kanya. "Sa tingnin ko naman ay hindi totoo ang mga balitang nasagap ni ama. At isa pa, kahit naman pabalikin niya ako sa kapitolyo para lumaban ay isasama naman kita. Hindi ako papayag na mahiwalay ka sa akin."

Pinanood kong mamula ang mga pisngi ni Marius.

"Pero..." sabi pa niya, "Pano kung kailanganin nating lumaban?" tanong niya.

"Kung ganon ay lalaban tayo." tugon ko. "Hindi ba at isa iyon sa mga responsibilidad natin bilang mamamayan ng Heilig at nang Hermosa? Ang ipaglaban ang ating imperyo?"

Natahimik si Marius. Nagdikit ang kanyang mga kilay, bumilog ang mapupula niyang labi, ngunit hindi siya nagsalita. Nagbuntong hininga na lang siya at sumandal sa aking hubad na dibdib.

"Natatakot ka bang makipaglaban?" tanong ko habang hinihimas ang kanyang mahabang buhok. Umiling siya. "Natatakot ka ba na ako ay masaktan?"

Hindi siya umimik.

"Sa tignin mo ba ay may nilalang na kaya akong patumbahin?" natawa ako. "Wala ka bang tiwala sa akin?"

Tumaas noon ang mukha ni Marius na may nakakatuwang tingin sa mata. Kahit kasi galit siya ay napakaganda pa rin niyang pagmasdan.

"Huwag kang masyadong mapagmataas! At baka iyan pa ang maging dahilan ng iyong kapahamakan!" sambit niya. "Tandaan mo na tayo ay mga tao lang!"

"Oo, pero hindi ko hahayaang may mangyari sa akin, dahil ako ang kalasag ng Heilig!" nakangisi kong sinabi. Mukhang lalo lang nainis si Marius. "Ako rin ang kalasag mo." agad kong dinagdag habang hinihimas ang malambot niyang pisngi. "Hindi ako maaring bumagsak, dahil kailangan kitang ingatan."

Lumambot ang ekspresyon sa mukha ni Marius.

"Theo, natatakot pa rin ako..." bulong niya sa akin. Hinalikan ko siya sa labi at niyakap ng mahigpit.

"Huwag kang matakot. Alam ko naman na malakas ka rin," sabi ko sa kanya. "At alam kong nasatabi kita at gumagabay sa akin, kaya't walang anuman na makakagapi sa atin."

Humiga na kami noon sa aking kama. Inikot ko ang mga braso ko sa katawan ni Marius na hindi na bumitaw sa pagkakayakap sa akin, at magkasama kaming nagpalipas ng gabi.

Ginto't PilakTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon