CHAPTER 2

1.9K 42 0
                                    


        Kapwa sinundan ng tingin nina Wayne at Gus ang papalayong likod ni Chrisma. At bago pa lumingon si Gus sa kanya ay alam na ni Wayne ang sasabihin ng kaibigan. Minsan na kasi niyang nabanggit kay Gus ang tungkol kay Chrisma. But since he was very, very drunk that time, he couldn't really remember what exactly his words were.

Ang sabi ni Gus sa kanya, hindi raw nito akalain na duwag pala siya dahil takot siyang makaharap ang isang napakaliit na babae. At kung ito raw ang nasa parehong sitwasyon niya, aaminin na raw niya sa dalaga ang tunay na nararamdaman niya. Pero ipinagkibit-balikat lang niya ang panunukso ng kaibigan. At sinabi niyang anuman ang narinig nito mula sa kanya nang gabing iyon ay dala lang ng kalasingan niya. Walang ibang ibig sabihin, walang nakatagong ibang dahilan at higit sa lahat, walang katotohanan.

"Pare, matagal na tayong magkaibigan. At sa lahat ng taong kilala ko, ikaw ang masasabi kong hindi mahilig magsinungaling. Bakit ngayon, pati sa sarili mo nagsisinungaling ka? Gusto mo bang malaman kung ano eksakto ang mga sinabi mo nung gabing iyon?" ani Gus ilang araw matapos ang pag-iinuman nila.

"No, hindi ko na kailangang malaman dahil kung anuman iyon, salitang lasing lang iyon," mariin at puno ng kumbiksyong tugon niya.

At ngayong nakita na ni Gus sa personal si Chrisma, natitiyak ni Wayne ang susunod na sasabihin ng kaibigan. Kukulitin na naman siya nito kung gusto ba niyang malaman ang mga sinabi niya tungkol kay Chrisma noong gabing nalasing siya.

"Hindi, Gus," maagap nang sagot niya bago pa nito maibuka ang mga labi.

"Ano'ng hindi? Wala pa nga akong sinasabi," nagpipigil ng tawang untag pa kunwari nito. "Itatanong ko pa nga lang kung pwede kong yayaing lumabas si Chrisma tutal---"

"Ano?!" salubong ang kilay na paasik na sambit niya.

Malakas na napahalakhak si Gus. Tinapik pa siya nito sa balikat.

"Relax, Wayne. Alam ko namang off-limits si Merry Chrisma, I mean si Just Chrisma," nakangising anito. "Ang hindi ko maintindihan ay kung bakit hindi ka pa kumikilos para bakuran siya. A woman that beautiful and that sexy won't be single and unattached for very long, pare. Ikaw ang lalaki, hindi ikaw ang dapat na magpaligaw at magpakipot."

Bumuka ang bibig niya para pasubalian ang kaibigan pero sa huli ay itinikom na lang niya ang bibig.

*******

Kinuha ni Chrisma mula sa saleslady ang pinakuha niyang navy blue na panlalaking polo shirt na tingin niya ay sukat na sukat kay Wayne. Naroon na naman sila sa isang boutique ng mga panlalaking damit at gamit dahil binibilihan na naman ni Yang ng gamit si Chris. Pero kung kanina ay inis na hinihila niya palabas ng boutique si Jing-jing upang yayain sa ibang shop, sa pagkakataong iyon ay hindi niya ginawa iyon. Sa halip ay pumasok rin siya sa boutique at nagpa-assist sa isa sa mga salesladies roon.

Nakita kasi niya sa manequin na naka-display ang polo na hawak niya ngayon at naisip agad niya na bagay na bagay iyon kay Wayne. Ang problema ay kung tatanggapin kaya iyon ng lalaki sakaling ibigay niya kahit hindi pa naman Pasko at hindi pa naman nito birthday? Hindi naman katulad ni Chris si Wayne na singkapal ng Webster's Dictionary ang mukha. Sa tingin niya, maaasiwa si Wayne na tanggapin ang ibibigay niya. Besides, he was an old-fashioned guy. Ito ang tipong mas gugustuhing magregalo sa isang babae kaysa tumanggap ng regalo mula sa isang babae.

Nilingon niya si Jing-jing na nasa bandang kaliwa niya.

"Bagay ito kay Wayne, ano?"

"Hindi ko alam kung sino sa inyo ni Yang ang mas matindi ang topak sa ulo. May pasermon-sermon ka pang nalalaman kay Yang pero nakita mo lang kanina ang Wayne na iyon hindi na mabura iyang ngisi mo. Kanina ka pa kaya mukhang tanga, ngumingiti kahit walang dahilan. Tapos ngayon sugar mommy na rin ang drama mo?" sa halip na sagutin siya ay puna ni Jing-jing sa kanya.

"Hindi kaya. Wala namang masama sa pagbibigay ng regalo sa taong mahal mo. Ikaw ba nung kayo pa ni Brian, hindi mo siya nireregaluhan?" depensa niya sa sarili.

Pero bago pa siya masagot ni Jing-jing ay bigla nang tumunog ang cellphone niya. Halos mapalundag siya sa tuwa at kilig nang marinig ang ringtone na naka-assign para sa kanyang sariling Prince na hindi gaanong Charming. Iyon ang unang beses na tumawag sa kanya si Wayne. Ang totoo, kung hindi nga lang dahil sa pangungulit niya kay Michelle at pang-uuto kay Xander, hindi niya makukuha ang numero ng binata. Pero sa kabila ng halos monthly---okay, weekly niyang pagtawag at pangungumusta lang sa binata na bibihira nitong sinasagot at kung sagutin man ay mabilis ding pinuputol ang usapan nila. Never, as in never pang nangyaring tinawagan siya nito.

And it was just a few hours since she saw him at that restaurant. Hmm, siguro na-miss agad siya ni Wayne! Halos manginig siya sa kilig. Naroon pa rin kaya sa mall ang lalaki? Baka pwede niya itong utuin na magkita ulit sila. Maibibigay pa niya rito agad ang polo na iyon.

"Si Wayne! Tumatawag sa akin si Wayne!" impit na tili niya kay Jing-jing at sa saleslady na kaharap. Natatarantang kinukuha niya mula sa bulsa ng bag niya ang cellphone niya.

"Bilis, bilis! Sagutin ninyo na, ma'am!" udyok ng saleslady na tila nahawa na rin sa excitement niya.

"Cool ka lang, wag kang pahalatang atat, bruha!" payo naman ni Jing-jing.

"Okay, okay, ito na," ani Chrisma na bumunot muna ng malalim na paghinga bago sinagot ang tawag ni Wayne. "Hello, Wayne!" malawak ang ngiti at puno ng lambing ang boses na bati niya sa lalaki. Pero dagli ring napalis ang ngiting iyon nang marinig niya kung ano ang dahilan ng pagtawag ng binata sa kanya.

(COMPLETE)SILVER BELLES 1- CHRISMA IN OUR HEARTSWhere stories live. Discover now