Chapter Twenty-Seven: Love

56 2 2
                                    

.

Marami silang dumating para kunin ako. Mga shadows, mga minions ni Azrael na kilala bilang si Kamatayan. Nagbabagang pula 'yung mga mata nila habang nakatitig sa akin. Kahit pagapang sila kung gumalaw, mabilis 'yon habang sumusugod sila sa akin.

Nakatayo kami noon ni Misha sa tuktok ng bundok. Wala na 'yung tent saka kama kung saan ako bumangon. Wala na rin 'yung mga bulaklak na pansamantalang nilikha ni Misha. Nakahanda na ang lahat para sa isang matinding pakikipaglaban. Isang anghel at isang tao, laban sa isang hukbo ng mga anino.

Dinig na dinig ko 'yung ungol ng mga shadows. Nakakakilabot 'yung ungol nila pero hindi naman ako apektado. Nagliliwanag na noon 'yung buong katawan ko. Umaapaw 'yung lakas mula sa powers ko. Mahigpit din ang hawak ko sa katana ko.

Sabay kami ni Misha na ikinumpas 'yung mga espada namin, dalawa kay Misha, isa sa akin. Lumikha 'yon ng tatlong malalaking light waves, na lalo pang lumaki nu'ng nagsanib sila.

Sumapol 'yon sa mga shadows na nauuna saka sumambulat. Tumalsik ang karamihan sa kanila sa lakas noon. Bumagsak sila sa lupa, sa parte ng bundok na pababa. Nagkikisay sila doon saka tumigil sa paggalaw pamaya-maya.

Pero kahit marami 'yung tinamaan ng pagsabog ng light waves namin, pasugod pa rin noon 'yung mga shadows na hindi tinamaan. At marami pa rin sila.

Sunud-sunod na light waves ang pinakawalan namin ni Misha. Sunud-sunod din 'yung mga naging pagsabog. Maraming mga shadows ang tumalsik saka bumagsak sa lupa. Pero tuluy-tuloy pa rin 'yung pagdagsa nila papunta sa amin.

Grabe, nasabi ko sa sarili ko noon. Bakit ang dami nila?

"Luke, sa likod!" biglang sigaw ni Misha.

Napalingon ako sa likuran namin dahil doon.

Nakita ko, may mga shadows na rin na nandoon. Galing sila sa bangin na mukhang inakyat nila para mapaligiran nila kami.

Nagtalikuran kami ni Misha saka namin itinuloy 'yung pagpapaulan ng light waves sa mga kalaban. Parami nang parami 'yung mga nakahandusay na shadows sa lupa na nasabugan ng mga tira namin. Pero parang lalo pang dumadami 'yung mga kalaban. May mga naglalabasan pa na karagdagang shadows mula sa mga madidilim ng parte ng bundok. At kahit napapatalsik namin ni Misha 'yung mga shadows kapag lumalapit sila sa amin, agad naman sila napapalitan ng iba. At parang unti-unti nang lumiliit 'yung distansya namin sa kanila.

"Tara, Luke," sabi ni Misha sa akin. At alam ko ang ibig sabihin noon.

Iniamba ko 'yung nagliliwanag kong katana.

Iniamba niya naman 'yung dalawang espada niya.

Sabay naming iwinasiwas 'yung mga espada namin sa mga kalaban. Marami kaming tinamaan. Tapos, nag-teleport kami sa bandang likuran nila, sabay wasiwas ulit. Tapos, teleport ulit.

Gamit ang ganu'ng technique, nagpa-talon-talon kami sa battleground na 'yon, nagte-teleport sa lugar na hindi nila inaasahan, nilalaslas 'yung mga naaabot namin, tapos teleport ulit. Marami kaming napabagsak na mga shadows sa technique na 'yon. Pero para talagang hindi sila nauubos.

Sa gitna ng labanang 'yon, bigla na lang kumidlat saka kumulog. Bigla ring tumigil sa pagsugod 'yung mga shadows. Tapos, nag-atrasan silang lahat.

"Mga inutil," narinig ko. Boses ng lalaki 'yon, malamig na boses, naggagaling sa isang madilim na parte sa pagitan ng dalawang puno, mga twenty meters mula sa amin. "Kelangan ba talagang ako pa ang gumawa ng trabaho n'yo?"

"Azrael," sabi ni Misha. Nanginig 'yung boses niya nu'ng sinabi niya 'yon.

Napatitig ako sa lalaking pinagmulan ng boses. Tiyempo naman, humakbang siya mula sa anino saka nagpakita sa amin. Isa siyang matangkad na lalaki, may itsura, at maganda 'yung katawan. Nakaitim siyang trench coat saka itim na mga damit sa loob noon. Nagliliyab 'yung mga mata niya na halos kapareho ng pagbabaga ng mata ng mga shadows—pula, nag-aapoy na pula.

Love Undying in the City of Immortal DreamsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon