Tears 15: Reckless Plan

976 47 7
                                    

15 Years of Tears Chapter 15

---

Vander's POV

"Ibaba mo ako," tonong lasing napangungulit sa akin ni Jolly habang palabas kami sa opisina.

Siya na lang pala ang tanging naiwan kaya nang mag-brown out ay walang umakyat para tulungan siya.

Kung kanina ay ayaw niyang bumitaw sa yakap, ngayon naman ay kinukulit niya ako para ibaba siya.

Mabilis ang ga hakbang ko para hindi na siya mag-amok pa habang buhat ko siya.

Kaagad ko siyang isinakay sa backseat at marahan siyang ibinaba.

Kakalas na sana ako mula sa pagkakahawak sa kanya nang bigla niyang ipulupot ang mga braso niya sa leeg ko.

"Saan ka pupunta?" parang batang tanong nito sa akin.

"Ipagmamaneho kita, ma'am," magalang na sagot ko at tinanggal ang mga braso niya sa leeg ko.

Isinara ko ang pintuan at pumasok sa driver's seat para magsimulang magmaneho.

Naging tahimik ang pagbiyahe at mukhang tuluyan siyang nakatulog dahil sa hilo at kalasingan.

Mayamaya ay narinig ko ang pagtunog ng cellphone ko.

"Kasama ko na ho si Jolly, 'nay," bungad ko kay nanay Susan habang mabilisang sinulyapan si Jolly sa likuran.

Tama nga ang hinala ko dahil mukhang malalim na ang tulog niya, hindi man lang siya nagigising dahil sa pag-uusap namin ni nanay Susan.

"Kumusta ang anak ko?" Bakas ang pag-aalala sa tono ni nanay Susan.

"Okay na ho siya, medyo naparami ho yata ang inom niya.

"Uminom siya?!"

"Oho, ikukuwento ko na lang ho mamaya kapag nakarating na kami."

"Mag-iingat kayo, magbubukas pa lang sana kami ng generator pero mabuti na rin at nagkakuryente na rito." Matapos ng usapang ay ibinaba ko na ang tawag at itinuon ang atensyon sa daan.

Si nanay Delia ang nagbukas ng gate nang makarating na kami, si nanay Susan naman ay nasa loob at naghihintay ng pagbaba namin ni Jolly sa sasakyan.

Nang maiparada ko ang sasakyan ay bumaba ako at binuksan ang pintuan ng sasakyan sa likuran para maibaba si Jolly.

Pagbukas ng kong pintuan ay sinalubong ako ng mga tingin niya at ang mga labi niyang nakasimangot ngayon.

"T-tatanggalin kita sa t-trabaho." Hindi ito makabuo ng salita dahil lamang pa rin ang alak sa katawan niya.

Hindi ko siya pinansin at tuluyan siyang binuhat.

Paulit-ulit lang siya ng sinasabi hanggang sa makarating kami sa kuwarto niya.

Kasalukuyang nasa labas si nanay Delia at nanay Susan para utusan ang iba pang mga katulong na ibigay ang mga pangangailangan ni Jolly sa kuwarto niya.

Marahan ko siyang inihiga sa malaki at malambot niyang kama.

Kasalukuyan siyang nakatingin nang masama sa akin at iisang pangungusap lang ang paulit-ulit niyang sinasabi. "T-tatanggalin k-kita sa trabaho." Napapailing ako dahil habang tumatagal ay kumukulit siya.

Namumula ang pisngi at tenga niya at tila nangangamatis din ang ilong dahil paulit-ulit niyang pinipisil iyon.

Tinanggal ko ang heels mula sa paa niya. Nakita ko ang pamumula ng talampakan niya dahil na rin siguro sa taas ng heels na suot niya sa araw-araw.

15 Years of TearsWhere stories live. Discover now