I: Briseis

139 4 3
                                    

I: Briseis (HER)

            Akala ko makakasama ko nang muli ang lalaking iniibig ko. Maling akala pala. Kailanman ay ‘di ko na siya muling makakasama pa.

Pinagsakluban ako ng langit at lupa nang makita ko kung kanino tumama ang palaso na nanggaling sa pana ni Paris – kay Achilles. Ang kaninang nakapalibot sa akin na mga braso niya’y kumawala na.

“Huwag Paris!” sigaw ko para pigilan ang muling pagpana ng aking pinsan kay Achilles. Hindi ako pinakinggan ni Paris kahit paulit-ulit akong nagsusumamo. Ang pangatlong  palaso ay tumagos sa kaliwang sakong ni Achilles na siyang nagpaluhod sa kanya sa lupa.

“Achilles!” bigkas ko sa pangalan niya sa pagitan ng mga hikbi. Hindi ko alam ang aking gagawin maliban na lang ang panoorin siyang duguan at nalalagutan ng hininga. Hindi siya kumibo, nakatuon ang paningin niya sa kanyang kaliwang paa. Sa kanyang natitirang lakas ay hinugot niya ang palasong naroroon sa sakong niya. Bumulusak ang dugo mula roon na siyang mas nagpahina sa kanya. Ang kaninang mga hikbi ko’y tuluyan nang lumakas. Pumalahaw ako ng iyak nang tuluyan nang bumagsak sa lupa ang kabuuan ni Achilles. Lumuhod ako sa lupa at pinilit iangat ang magkabilaan niyang balikat hanggang sa naihiga ko ang kalahati ng katawan niya sa aking kandungan. Kitang-kita ko ang pagtaas at pagbaba ng kanyang dibdib, dinig na dinig ko ang paghabol niya ng kanyang hininga, maging ang malakas na pintig ng kanyang puso.

“Briseis,” mahinang bigkas niya sa pangalan ko. Binalingan ko ng tingin ang kanyang mukhang napaliguan ng pawis at mga alikabok, ang kanyang mga labi ay namumula na’t nanginginig, ang mga mata niya’y tila nais nang pumikit.

“Huwag, Achilles. Huwag kang pumikit, nakikiusap ako. Huwag mo ako muling iiwan pa,” pagsusumamo ko.

“Briseis, lahat ay may katapusan. At ngayon ang katapusan ko. Nararapat lamang sa akin ito. Iginanti lamang ako ni Paris sa ginawa ko kay Hector. Tanggap ko na itong kakasapitan ko. May pakiusap lang ako,” tumigil siya saglit at umubo. Hinintakutan ako nang makita kong may lumabas na dugo sa kanyang bunganga. Gayunpaman ay hindi niya iyon pinagtuunan ng pansin. Ginagap ng isang palad niya ang aking pisngi at pinunasan ng kanyang hinlalaki ang mga luhang tumutulo sa aking kanang mata.

“Umalis ka na rito Briseis. Iligtas mo ang iyong sarili.”

“Hindi Achilles, hindi kita maaring iwan sa ganitong kalagayan mo, hindi…” naudlot ang aking pagsasalita nang mapansing kong pasugod sa kinaroroonan namin ang ilang kawal ng Griyego, sa pangunguna ni Odysseus, ang hari ng Ithaca. Napatigil ito nang makita ang kaibigang nasa aking kandungan. Bakas sa mukha nito ang pagkagulat. Maging ang ibang kawal ay nabigla. Muling bumalik ang pansin ko kay Achilles nang magsalita siya, “Pakiusap Briseis, umalis ka na. Papatayin ka nila ‘pag naabutan ka pa nila.”

Itinulak ako ng mga kamay niya. Napatingin ako muli sa lupon ni Odysseus. Patakbo na sila papunta sa amin. Alam kong sasaktan nila ako. Nais kong umalis tulad ng sinabi ni Achilles ngunit tila napako ang aking tuhod sa kinaluluhuran ko. Muli niya akong itinulak palayo. Gumalaw nga ako at pagapang na nagpunta sa likod ng palasyo ngunit makalipas lamang ang ilang sandali’y naparalisa na naman ang katawan ko sa ‘di malamang dahilan. Nagsimula na ring umikot ang paningin ko hanggang sa ang huli ko na lamang nakita ay ang paglapit ng isang bulto sa akin.

Panibagong Yugto (FanFiction)Où les histoires vivent. Découvrez maintenant