II: Aeneas

63 3 3
                                    

II: Aeneas (HIS)

            “Mauna na kayo sa lagusan,” wika ko kila Andromache at Helen. Ipinaubaya sa akin ni Paris ang pangunguna sa pagtakas sa pamamagitan ng pagdaan sa lihim na lagusan sa likod ng palasyo . Ngunit sa kadahilanang hindi ko mahagilap sa mga naroon si Briseis ay napagpasyahan kong bumalik.

            Nag-ikot ako sa loob ng palasyo at nakipagsagupaan sa mga Griyegong kawal na nagawi sa dinadaanan ko. Hanggang hindi ko siya nakikita’y pataas ng pataas itong kabang nararamdaman ko.

            Nakita kong dumoble na ang dami ng mga kawal na nakapasok sa bukana ng palasyo. Paroroon sana ako nang may narinig akong tili ng isang babae, pamilyar sa akin ang boses na yaon. Hindi ako maaring magkamali, kay Brisesi nanggaling ang tili.

            Kumaliwa ako ng punta. Malayo palang ako sa duluhang bahagi ng pasilyong tinatahak ko ay nakita ko na ang bulto ni Paris na hawak-hawak ang kanyang pana. Sa di-kalayuan ay naroon si Briseis, nakaluhod siya at nasa kandungan niya ang sugatang si Achilles. Kitang-kita ko sa pagluha niya ang sakit habang nakikitang nalalagutan ng hininga si Achilles-ang lider ng Myrmidonas na dumakip sa kanya, ang mandirigmang umangkin sa kanya at inibig niya. Bigla akong nakaramdam ng kirot sa kaisipang yaon.

            “Bakit ka bumalik pa rito?” humahangos si Paris nang makarating sa kinaroroonan ko. Doon ko lamang namalayang kanina pa pala akong nakatayo at pinagmamasdan si Briseis.

            “ Hinahanap ko si Briseis.”

            “ Ilayo mo na siya kay Achilles. At ako na ang bahala sa lupon ni Odysseus,” narinig kong tinawag niya ang ilan pa sa aming kawal at tumakbo na palayo sa akin. “Hintayin niyo na lamang ako sa kabilang dulo ng lagusan,” habol niyang sigaw, buo ang loob na makakaligtas sa pakikidigma.

            Binalik ko ang tingin kay Briseis na sa ngayon ay nahihirapan sa paggapang palayo kay Achilles. Hindi na ako nag-aksaya pa ang oras. Tumakbo ako palapit sa kanya nang bigla na lamang siya nawalan ng malay bago ko pa siya narating. Kaagad ko siyang pinangko sa aking bisig at nagmadali nang umalis sa lugar na iyon.

            Nadatnan kong marami-rami pang mga Trojan ang nasa bukana ng lagusan. Sinabihan ko silang magmadali at baka kami ay matuntunan ng aming mga kalaban. May ilang kalalakihan ang nagboluntaryong buhatin si Briseis na wala pa ring malay ngunit tumanggi ako. Hindi ako mabibigatan sa kanya, hindi ako mapapagod na buhatin siya. Ayoko siyang ibigay sa bisig ng iba. Gusto kong ako lamang ang magbubuhat sa kanya, sa ganoong paraan ako mapapalagay dahil tiyak kong ligtas siya.

            Ilang sandali lamang ang pinaghintay namin kay Paris kasama ang ilang mandirigmang Trojan, sa dulong bahagi ng lagusan. Nang wala na kaming nakikita pang iba ang nasa makipot na pasilyo ay isinarado na namin ang malaking bato na siyang nagsisilbing pintuan ng lagusang yaon.

            Masuwerteng may dalawa sa mga Trojan ang nakapagdala ng kanilang karitela kaya naman naisakay ko roon si Briseis. Nais ni Paris na siya ang hihila sa karitela ngunit umayaw ako. Dahil siya ang mas nakakaalam sa mga daanan, dala ng palagian niyang paglalakbay ay isinuhestiyon kong manguna siya sa paglalakad at itinuro sa amin ang tamang daan papunta ng Troas.

Panibagong Yugto (FanFiction)Where stories live. Discover now