Sa Gitna ng Pagbalik at Paglisan

20 8 5
                                    

Maraming dahilan kung bakit pipiliin kong balikan ang kahapon kung saan ang mga alaala nati'y itinago na ng nagdaang panahon.

Gusto mo pa bang magsimula ako sa mga ngiti mong mas matingkad pa sa sikat ng araw na pinapawi ang malalakas na pagbayo ng hanging pilit na tinatangay ang nag-uumapaw na pag asang mayroon tayo?

Hindi ko alam kung paano mo nagagawang pakalmahin ang puso kong hindi mapayapa dahil sa rumaragasang agos ng mga suliranin at kasing tindi ng iniwang pinsala ng buhawi ang pagkawasak. Hindi mo batid pero ikaw ang dahilan kung bakit nabuong muli ang puso kong 'yon.

Ang mga mata mong hindi ko alam kung paano nagagawang tumunghay sa akin ng may pagmamahal-- mapupungay sila, naghahatid ng iba't ibang emosyong ikaw lang ang nakapagbigay at makapagbibigay. Hindi ko 'yon pinagsasawaang titigan, kung hindi nga lang sa mga labi mong sapat na upang ako'y magkasala at mawala sa ulirat.

Napakatamis-- hindi ko maihambing sa kahit anong pagkaing nalasap ko na. Ang naglapat nating mga labi ay tila pangako natin sa isa't isa, ang pinagsasaluhan nating hininga ay pinupuno tayo ng pag asa. Gusto ko pang matikmang muli ang mga pangako mo, ang mumunti mong usal sa pagitan ng ating mga halik na ako ang 'yong mundo.

Maaari pa nga ba? Na madama ko ang mga yakap mong walang kasing ingat at wala ring kasing higpit? Ang init na nagmumula sa'yo na unti-unti akong nilulusaw ngunit binubuo rin naman ang aking pagkatao? Ang mga bisig mo ang pahingahan ko. Sana alam mong hindi ko gugustuhing lisanin ito.

At ang mga kamay mong dinadala ako sa dulo ng bahaghari kung saan naghihintay ang mga pangarap natin. Mga pangarap na binuo saksi ang milyong bituin at kinubli ng madilim na gabi sa kaibuturan ng ating puso. Mga pangarap na pinanghawakan natin nang sabay... hanggang sa nagpasyang bumitiw ang mga kamay mo sa pagkakahulagpos ko.

At naiwan ako. Hindi ko nga lang alam kung nadala mo rin ang mga pangarap natin at pinalipad sila sa hangin. Siguro hindi. Dahil sa simula palang naman ay ako lang ang nangarap sa ating dalawa-- o kung may pangarap ka man ay hindi ako kasama.

Naiwan ako sa kahapon na ikaw ang nagsilbing kasalukuyan at kinabukasan ko. Naiwan akong nangangarap at umaasa sa mga pangakong binitiwan natin sa isa't isa. Naiwan akong wasak na wasak na at hindi na mabubuo pa. At naiwan akong hanggang ngayon ay mahal na mahal ka pa.

Sa kabila ng sakit at sugat na iniwan mo, narito parin ako. Bulag sa katotohanang wala ka na at hindi na magbabalik pa. Wala nang ibang naririnig kundi ang mga pangako mong hindi pala para sakin. Tuluyan na ngang huminto ang mundo hinihintay ang mga halik at yakap mo.

Paano ko malilimot ang mga sandaling pinuno natin ng pag ibig at kaligayahan? Bakit ko gugustuhing hindi na makaranas ng bangungot kung ang kapalit naman niyon ay isang magandang panaginip na kasama ka? Ano'ng kailangan kong gawin para hindi ka na maging isang alaala? Sana sa pagbalik ko sa kahapon, ikaw na nga ang siyang matagpuan ko.

CadenceWhere stories live. Discover now