Ikaw at Muli

17 6 0
                                    

Sa lahat ng nangyari sa paligid ko ay hindi pa rin ako sigurado kung maaabot na nga kita.

Marami namang nagbago, lalo na kung tatanungin mo ako kung ano ang pinagdaanan ko para lang makarating sa lugar kung nasaan ako ngayon. Kung tutuusin nga'y hindi mo na ako makikilala sa kung anong dating ako. Malaki ang ipinagbago ko. Para sa'yo.

Natatandaan ko noon na ayaw mong nadurungisan ng putik ang mamahalin mong sandalyas sa paglalakad kapag pupunta ka sa aming barong barong. Hindi mo sinasabi pero nakikita ko ang pagkaasiwa sa mukha mo sa tuwing nararatnan mo ang aming bahay na marumi at hindi kaaya-aya ang amoy.

Inihanda ko ang aking likod para isampa ang katawan mo makarating ka lang sa aming palasyong kinakalawang na. Mahinhin ang iyong boses habang ika'y nahihiyang nagpasalamat sa akin at humingi ng pasensya sa pagiging "pabigat" sa aking mga "dala". Ngiti lamang ang iginawad ko sayo, pinararating na ayos lang ako at wala kang dapat alalahanin pa. Sinuklian mo rin naman iyon nang sobra pa-- isang mahigpit na yakap at walang kasing tamis na halik. Wala na akong mahihiling pa.

Ang ekspresyon mong naiinitan at nasusulasok sa usok na dulot ng panggatong na kahoy ay lubhang kinabibigat ng loob ko. Nakasimangot ka, pero matiyaga ka pa ring naghintay sa pagsasaluhan nating sinaing na mais at nilagang saging para sa hapong iyon.

Pinaghalong lungkot at tuwa ang nararamdaman ko tuwing tinititigan ko ang napakaamo mong mukha. Lungkot dahil wala pa akong magagawa sa ngayon para makaalis sa sitwasyon kong 'to. Hindi naman ako nawawalan ng pag asa, dalawang taon na lamang ay mairaraos ko na ang kolehiyo. Magtatrabaho ako, kikita nang sapat para makaahon. Sa ngayon ay magkakasya na lamang akong pagmasdan ka at sulitin ang mga oras ng lihim nating pagkikita.

Ngunit sa kabila ng lungkot ay higit na nangingibabaw ang pagsikdo nitong puso ko sa labis na kasiyahan. Paano, hindi ko maikakailang masaya ka rin kapag kasama ako. Kita ko ang kinang sa mga mata mo, kung alam mo lang na wala akong ibang pinangarap kundi ang mapagmasdan ang mga abuhin mong globo.

Ayos na sana ang lahat kaso lamang ay hindi rin tayo nagtagal. Tatlong araw lamang ang lumipas nang tayo'y makapagtapos sa kolehiyo ay tumungo kayo ng iyong pamilya sa Estados Unidos. Doon na raw kayo maninirahan-- nakalimutan mo yata akong sabihan tungkol doon. O sadyang hindi mo lang pinaalam sa akin para hindi kita mahabol.

Wala na nga akong nagawa sa tuluyan mong paglisan. Nais kong magalit sa ginawa mong pag iwan sa'kin pero hindi ko magawa. Hilam na ang luha sa kahihiling na sana ay bumalik ka na. Ganyan kita kamahal kaya hindi ako nawalan ng pag asa sa ating dalawa.

Pero sa pagdaan ng panahon naisip kong hindi sapat ang pag ibig natin sa isa't isa para sa'kin ay manatili ka. Hindi sapat ang kung ano'ng mayroon tayo para mapasaya kita. Hindi sapat ang lahat, kaya sa dulo naiwan akong lumuluha.

Alam mo bang walang araw na lumipas na hindi kita inisip? Ako ba, ni minsan ba naalala mo sa'yong panaginip? Bakit napakadali para sa'yong iwanan ako? Bakit gano'n mo na lamang ako isinuko?

Naalala kong ayaw mo nga pala sa putik. Kaya pala. At lalong hindi ako magugustuhan ng pamilya mo. Naiintindihan kita kaya tanggap ko kung pinili mo man sila. Iintindin kita kahit sobrang sakit na.

At kung iniisip mong sumusuko na ako sa'yo ay nagkakamali ka. Lalaban ako dahil 'di ko matanggap na estado at posisyon sa lipunan lang ang maglalayo sa ating dalawa. Ipaglalaban kita dahil hindi ko maatim na magmamahal ka na ng iba. Ipaglalaban kita dahil hindi ko alam kung paano pigilan ang sariling mahalin ka.

Naiintindihan mo na ba? Sana hindi pa huli ang lahat para sa'ting dalawa. Ginawa ko ang lahat ng makakaya ko maka-angat lamang sa mundong 'to. Kung makasariling hangarin man ang hangarin ka higit sa ano pa man ay patawarin mo sana ako. Sana ay nakaya mong maghintay, dahil nandito na 'ko ngayon. Nagbago ako, para kapag nagkita na tayo ay ako ang piliin mo.

CadenceTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon