CHAPTER 3

4.7K 95 2
                                    

KATAHIMIKAN ang namagitan sa kanila nang magsimula na uling magmaneho si Linkurt. Mabuti na lang at wala nang traffic. Kahit papaano ay medyo nabawasan ang inis nito.
Pero nagtaka si Airabelle dahil hindi naman sa ospital patungo ang sasakyang minamaneho ni Linkurt. "H-hindi ito ang daan pa-St. Luke's," aniya habang nakatingin dito. Mukhang hindi na nito kabisado ang Maynila.
"I know," sagot nito habang ang tingin ay sa daan. Nagkamali pala siya.
"Saan tayo pupunta?"
"Gusto ko munang dalawin si Mommy," malungkot na sabi nito. Nalungkot din siya bigla.
"Gano'n ba? Naku, walang nagbabantay kay Tito Lauro. Ibaba mo na lang ako rito. Magko-commute na lang ako."
"Samahan mo ako. Sandali lang naman tayo roon. Bago kasi ako umalis noon, I promised na dadalawin ko siya kaagad pagkauwi na pagkauwi ko."
"Pero-" Nag-aalala rin kasi siya sa daddy nito.
"Please..." pakiusap nito.
Iyon ang unang pagkakataong nakiusap ito sa kanya, ang unang pagkakataong nagpasama ito sa kanya, at ang unang pagkakataong kinausap siya nito nang mahinahon. Pero kahit na hindi pa rin ito ngumingiti, nanibago pa rin siya. Parang hindi siya sanay. Sanay kasi siyang pagalit at minsan ay pasigaw kung magsalita ito sa kanya.
Gusto niyang tumalon sa tuwa. Gusto niyang magdiwang. Pero naisip niya, hanggang kailan naman iyon magtatagal? Baka mamaya lang ay bumalik na naman ito sa dating nakasanayan niyang pakikitungo nito sa kanya.
Pero naawa siya rito. "S-sige na nga. Sasamahan na kita," pagpayag niya.
"Thank you." Iyon din ang unang pagkakataong nagpasalamat ito sa kanya. Parang gusto tuloy niyang maniwala na iyon na ang simula ng pagiging magkaibigan nila. Pero hindi.
Huwag ka nang umasa pa, Airabelle.
"Kailangan ko palang bumili ng bulaklak para kay Mommy," mayamaya ay sabi ni Linkurt.
Dumaan sila sa pinakamalapit na flower shop doon. Papasok pa lang sila sa flower shop ay napansin na niyang kinikilig na nakatingin kay Linkurt ang mga tindera roon pati na ang mga babaeng customer doon. Hindi naman niya masisi ang mga babaeng nandoon dahil napakaguwapo ng kasama niya. Nang makapasok na sila roon ay hindi lang sa mukha ni Linkurt nakatingin ang mga babae kundi maging sa katawan din nito.
Nang tingnan niya si Linkurt ay nalaman niya ang dahilan kung bakit mas nakaawang ang bibig ng mga babaeng iyon. Unbuttoned ang polo nito. "Teka lang," aniya sabay harap dito. Kaagad niyang ibinalik ang pagkakabutones ng polo nito. "Baka hindi na gumalaw ang mga tao rito sa kakatitig sa 'yo." Dalawang butones sa itaas na bahagi ng polo ang hindi niya isinara. Sapat na iyon para hindi makita ang dibdib nito. At sa wakas ay gumalaw na rin ang mga babaeng nakatingin dito.
Walang reaksiyon si Linkurt sa ginawa niya. Hinayaan lang siya nito.
Bumili si Linkurt ng isang bouquet ng white roses. Iyon daw kasi ang paboritong bulaklak ng mommy nito. Pinakiusapan pa siya nitong siya na ang pumili dahil babae siya at magaling daw pumili ng bulaklak ang mga babae.
Pagkatapos ay tumungo na sila sa memorial park.
"Hi, Mom," bati ni Linkurt pagkatapos ilapag ang isang pumpon ng rosas sa lapida ng ina nito. Naka-squat ito habang ang isang siko ay nakatukod sa tuhod nito. "How are you? Miss na miss na kita. Sorry kung ngayon lang uli kita nadalaw, ha?"
Naantig ang puso niya sa mga sinabi nito. Naalala niya kasi ang mga magulang niya. Matagal na rin siyang hindi nakakadalaw sa mga ito. Matagal na rin kasi siyang hindi nakauwi sa probinsiya nila. Pinigilan niya ang pagtulo ng mga luha niya.
"I wish you were here, Mom. I love you so much." Tumayo ito at nagpaalam na sa ina nito. Sinabi nitong dadalaw na lang uli ito sa ibang araw. "Let's go," yaya nito sa kanya. "Umiiyak ka ba?" tila nag-aalalang wika nito. Kung nag-aalala man ito, unang pagkakataon na namang nangyari iyon.
Hindi na niya talaga napigilan ang pagtulo ng mga luha niya. "N-naalala ko lang ang parents ko," aniya. Pinahid niya ng panyo ang mga luha niya. "T-tara na?"
"Y-yeah. Let's go."
Nauna siya rito. Napatingin naman siya sa anino nitong sumusunod sa kanya.

"YAYA Lolita?" takang tanong ni Airabelle nang makapasok sila sa ICU na kinalalagyan ni Tito Lauro sa St. Luke's Medical Center.
"Airabelle, hija, tinawagan ako ni Gener at ibinalita niya sa akin ang nangyari kay Lauro." Hindi na iba ito sa pamilya ng tito niya. Ang tito niya ang may gustong tawagin ito ni Yaya Lolita sa pangalan lang nito.
"Si Mang Gener talaga. Naistorbo tuloy ang bakasyon ninyo."
"Hindi na mahalaga iyon, hija. Malaking-malaki ang utang na loob ko kay Lauro at sa pamilya niya kaya dapat lang na nandito ako. Kararating ko lang kanina at dumiretso kaagad ako rito." Matagal na itong naninilbihan sa pamilya ng tito niya. Pati siya ay sinisilbihan nito mula nang kupkupin siya ni Tito Lauro. Matandang dalaga ito. Hindi na ito nakapag-asawa. At wala na rin itong balak mag-asawa. Masaya na raw ito sa pagtulong sa mga kapatid at mga pamangkin nitong nangangailangan.
"Salamat po, Yaya Lolita." Niyakap niya ito. Niyakap din siya nito.
"Nasaan pala si Baby Boy?" 'Baby Boy' ang gustung-gustong tawag nito kay Linkurt. "Sabi kasi ni Gener ay darating siya ngayon. Ikaw raw ang sumundo dahil may sakit pa rin siya hanggang ngayon," anito nang kumalas.
"Kasama ko po siya. Nag-CR lang po siya sandali. Susunod na lang daw po siya rito."
"Yaya Lolita?" Sabay silang napalingon ng matandang babae sa pumasok na lalaki.
"Baby Boy," ani Yaya Lolita habang lumalapit dito. Niyakap nito ang alaga nang makalapit dito. "Miss na miss kita." Inamoy nito ang alaga. "Ang bango pa rin ng Baby Boy ko." Mas hinigpitan nito ang yakap sa alaga. "At lalo pang gumuwapo," sabi naman nito nang kumalas.
Matipid na ngumiti si Linkurt. "At ang sexy pa rin ng yaya ko."
"Marunong ka nang magbiro ngayon, ha?"
"I'm serious, 'Ya."
"Oo na, Baby Boy. Matagal ko nang tanggap 'yan," biro rin ng yaya. Mula pa noon ay parang anak na ang turing ni Yaya Lolita sa alaga. Maging sa kanya, mula nang dumating siya sa bahay ng tito niya.
"'Ya, matanda na ako. 'Linkurt' na lang."
"Hindi. Ikaw pa rin ang Baby Boy ko," malambing na saad ni Yaya Lolita.
Hindi na sumagot si Linkurt. Matipid na namang ngumiti ito. Masaya lang siyang nakatingin sa dalawa.
Naagaw ng pansin ni Linkurt ang daddy nito. Lumapit ito sa kinahihigaan ng ama. "Dad, nandito na ako." Hinawakan nito ang kamay ng walang-malay nitong ama. Halata sa itsura nito na naaawa ito sa daddy nito.
Nilapitan ito ni Yaya Lolita at hinimas-himas sa likod. "Huwag kang mag-alala, gagaling ang daddy mo."
"Tama si Yaya Lolita. Ipagdasal na lang natin ang madaliang paggaling ni Tito," aniya.
Sumang-ayon sa kanya si Yaya Lolita. Hinintay niya ang sasabihin ni Linkurt pero walang salita na lumabas mula sa bibig nito. Pero nararamdaman niyang sang-ayon din ito sa kanya.
"Mabuti pa sigurong magpahinga ka muna, Baby Boy. Alam kong pagod ka sa biyahe," ani Yaya Lolita sa alaga, saka ito bumaling sa kanya. "Ikaw rin, Airabelle, umuwi na muna kayo. Magpahinga ka na rin. May pasok ka pa mamaya, hindi ba? Ako na ang bahala rito."
"Thanks, 'Ya. Babawi na lang ako bukas. Whole day akong magbabantay rito," ani Linkurt. "O, what are you waiting for? Let's go," yaya nito sa kanya.
Kahit na seryoso ito, naramdaman niyang medyo nag-iba na ito sa kanya. Lihim siyang natuwa roon. "Tara," aniya at sumunod dito.

My 24/7 Piece of Heaven [PUBLISHED under PHR]Onde histórias criam vida. Descubra agora