CHAPTER 6

3.9K 82 2
                                    

“BABY boy,” tawag ni Yaya Lolita sa kanya nang makapasok siya sa kuwarto ng daddy niya sa ospital.
“Yaya Lolita.” Lumapit siya sa kanyang ama. Nakahiga pa rin ito sa hospital bed pero gising na ito. Hindi ito nakatingin sa kanya. Seryoso rin ang anyo nito. “Daddy...” Nang hawakan niya ang kamay nito ay hindi man lang nito ginalaw ang kamay nito.
“Ano’ng ginagawa mo rito?” mahina pero matigas ang tono ng pananalita nito. Ipinatong nito sa tiyan nito ang kamay nitong nasa gilid nito na hinawakan niya.
“Dad, I’m s-sorry. Sorry kung hindi ko po sinunod ang gusto n’yo. Sorry kung... kung ngayon lang ako nakauwi. I missed you, Dad.” Tinangka niyang yakapin ito pero pinigilan nito ang mga kamay niya.
“Umalis ka na rito,” nakatingin na sa kanyang sabi nito. “Bumalik ka na rin sa London if you want,” pagtataboy nito sa kanya.
“Lauro, intindihin mo naman ang anak mo,” ani Yaya Lolita.
“Lolita, huwag mo siyang kampihan.”
“Pero hindi ba dapat ay matuwa ka dahil nandito na siya?”
“Hindi. Kung wala pang nangyaring masama sa akin ay hindi siya uuwi?”
“Patawarin n’yo na po ako, Dad. I’m really sorry.”
“Lolita, palabasin mo siya rito,” utos nito sa yaya niya.
“Lauro, ano ba’ng nangyayari sa 'yo?”
“Hindi mo ba ako narinig?” medyo tumaas na ang boses ng daddy niya.
Napatingin sa kanya si Yaya Lolita. “Linkurt, hijo, pagpasensiyahan mo na muna ang daddy mo.” Halata sa itsura nito na naaawa ito sa kanya.
“Okay lang, Yaya Lolita. Kayo na lang po muna ang bahala rito. I-I’ll go.” malungkot na paalam niya.
“Tawagan mo si Airabelle, Lolita. Gusto ko siyang makita.”
Si Airabelle na naman.
Tiningnan niya ang ama niyang hindi nakatingin sa kanya bago siya lumabas. Naiintindihan niya ito sa ginawa nito sa kanya. Pero alam niyang isang araw ay magiging maayos din ang lahat.

EKSAKTONG pagmulat ni Airabelle ng kanyang mga mata ay tumunog ang cell phone niya. Inabot niya iyon mula sa taas ng bedside drawer. Nang makita niyang si Linkurt ang tumatawag ay kaagad siyang napabangon. Isang himala para sa kanya ang tawagan nito. That was the first time Linkurt called her on the phone. Mabilis niyang pinindot ang Answer call button.
“H-hello.”
“Tumawag na ba sa 'yo si Yaya Lolita?” kaagad na tanong nito.
“Hindi. B-bakit?”
“Dad’s okay.”
Ang saya niya sa binalita nito. “Thank God. Nariyan ka ba?”
“Kanina. Kalalabas ko lang. He doesn’t want to see me. I think he wants to see you.”
Naalala niyang nagalit dito ang daddy nito noong umalis ito patungong London. Gusto ni Tito Lauro na sa kompanya na lang ito ng mga Villanueva magtrabaho pero hindi nito sinunod ang ama nito.
“N-nasaan ka na ngayon?”
“Hinihintay ka na ni Daddy. Puntahan mo na siya.”
“O-okay.”
“Bye.”
Bago pa siya nakapagpaalam ay pinutol na nito ang linya.

AIRABELLE was on her way to the hospital when her phone rang. Si Yaya Lolita ang caller niya. Ibinalita nito sa kanya ang sinabi ni Linkurt kanina. Sinabi niyang masaya siya sa nabalitaan at sinabi rin niya na tinawagan siya ni Linkurt upang ibalita iyon.
Pagdating sa ospital ay sumalubong sa kanya ang nakangiting mukha ni Tito Lauro. Kaagad niyang nilapitan at niyakap ito. Gusto niyang i-open dito ang tungkol sa sinabi ni Linkurt kanina na ayaw nitong makita ang huli. Gusto niyang mag-ayos ang mag-ama. Pero naisip niya na magbabago ang mood ni Tito Lauro kapag ginawa niya iyon. Hindi pa siguro ngayon ang tamang panahon.

IDINAAN ni Linkurt ang minamaneho niyang Toyota Matrix sa isang bar nang gabing iyon. Pumasok siya roon. Malakas ang tugtog ng music at ang hiyawan ng mga nagsasayawan. Noon ay ayaw niyang pumunta sa bar—kahit na sinabihan pa siyang kill joy ng ibang mga kaibigan ni Arthur nang yayain din siya ng mga ito noong college—dahil ayaw niya ng maingay. Pero tiniis niya iyon ngayon.
Gusto niyang magpakalasing nang gabing iyon para kahit papaano ay makalimutan niya ang mga bagay na iniisip niya. Ang mga bagay na siya rin ang may kagagawan kaya naiinis siya sa kanyang sarili. Paparusahan niya ang sarili niya sa pamamagitan ng pag-inom ng alak hanggang sa hindi na niya makaya.
Kalahating bote pa lang ang naubos niya nang may lumapit sa kanyang isang babae. Napansin niyang kanina pa ito nakatingin sa kanya mula nang pumasok siya roon.
“Hello, hottie!” anito sa kanya.
“Hi.” Isang matipid na ngiti ang isinunod niya.
Hinila nito ang isang upuan, dinala iyon sa tabi niya at umupo roon. “I think I know you.”
“You know me?” aniya at muling tumungga.
“Engineering student ka ba sa La Salle noon?”
“Yeah. Paano mo nalaman?”
“Fine Arts graduate naman ako roon. Linkurt Villanueva, right?”
“Y-yeah.” Hindi pa rin niya maisip ang dahilan kung bakit kilala siya nito.
“I’m Valerie,” pagpapakilala nito.
“Valerie Ocampo?”
“You’re right,” masayang sagot nito.
“Is that really you?” hindi makapaniwalang saad niya. Lalo pa kasi itong gumanda kaya hindi niya ito kaagad nakilala.
Pinsan ito ni Arthur sa mother’s side. Patay na patay ito sa kanya noon. Pero hindi siya interesado rito. Hanggang ngayon.
“After how many years, nakita uli kita,” masayang wika nito.
Tumango lang siya.
“My cousin told me na umuwi ka raw. Kauuwi ko lang din from France. Nakasali ang painting ko sa isang exhibit doon. My, God! Hindi ko inaasahan na dito kita unang makikita after how many years.”
Tumungga siya ng alak.
“Hindi ka pa rin nagbabago,” nakangiting puna nito. “Pero alam mo bang hanggang ngayon ay gusto pa rin kita?” prangkang sabi nito. Hindi pa rin ito nagbabago.
Napangiti siya sa sinabi nito.
Natawa naman ito. “I’m sorry. Masyado ba akong diretsahang magsalita?”
Hindi siya nag-react sa sinabi nito. “Sorry, ha? Ayoko kasi ng kausap. Gusto ko lang sanang mapag-isa,” sa halip ay sabi niya.
Natawa uli ito. “You’re really still the same. Seryoso, matipid magsalita, matipid ngumiti at suplado. Hindi ko alam kung bakit maraming nagkakandarapa sa 'yo noon. At sigurado akong hanggang ngayon.”
“Bumalik ka na lang sa mga kaibigan mo, okay?”
“Fine. But if you need someone to enjoy the night, nandito lang ako.” Her voice sounded like she was seducing him.
Hindi na siya nagsalita. Iniwan na rin siya nito.
Ilang bote ng beer ang naubos niya. Dumodoble na ang paningin niya sa mga nasa paligid niya. Pakiramdam din niya ay umiikot ang paligid. Kailangan na niyang umuwi at matulog. Nang tumayo siya ay lalo siyang nahilo. Pakiramdam niya ay matutumba siya. Babagsak na sana siya nang may umalalay sa kanya. Bago niya tuluyang naipikit ang mga mata niya, nakita niya ang mukha ni Valerie.

My 24/7 Piece of Heaven [PUBLISHED under PHR]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon