CHAPTER 9

3.9K 76 0
                                    

KAAGAD na kumalas si Arthur kay Airabelle. Pero hindi pa rin naalis ang pagkabigla niya sa ginawa nito. Ipinakilala ito noon ni Linkurt sa kanya. He was Linkurt’s best friend since college. Palangiti ito at palabiro pero kapag siya na ang kaharap nito ay parang nahihiya ito na hindi niya malaman. Kaya naman ngayong nagkita sila uli nito, nagulat siya nang yakapin siya nito. Kunsabagay, nawala na siguro ngayon ang pagiging mahiyain nito kapag kaharap siya.
“Sorry kung niyakap kita. I know, nabigla ka,” anito.
“I admit, nabigla nga ako,” pag-amin niya. “Hindi lang naman dahil doon. Hindi ko rin inaasahan na makikita kita rito. P-puwede ko bang itanong kung bakit nandito ka?”
Natawa ito. “Huwag ka sanang magagalit pero s-in-uggest ko ito kay Linkurt. Sinabi ko sa kanya na kung puwede kang sorpresahin. He agreed. Niyaya ka niyang lumabas, 'di ba? Pero ako pala ang ka-date mo. Pasensiya ka na, ha?” hinging-paumanhin nito.
Sinasabi na nga ba niya. Si Linkurt, makikipag-date sa kanya? Imposible iyon. Kaya pala pinauna siya nitong pumasok. Nasaan na kaya ang lalaking iyon? Siguro ay umuwi na. Hinatid lang pala siya nito. “Well, I’m surprised,” nakangiting wika niya.
“Okay lang ba sa 'yo?”
“Oo naman. Don’t worry.”
“What I mean is... na ako ang ka-date mo?”
“O-oo naman.”
“Thanks.” Napakamot ito sa batok. “Bigla yata akong nahiya sa 'yo.”
“Ngayon pa,” natatawang sabi niya. “Hindi ka pa ba nagugutom? Kain na nga tayo,” yaya niya.
Iginiya siya nito patungo sa mesa. Hinila ito ang isang upuan para sa kanya. Umupo rin ito sa upuang katapat niyon sa kabilang side ng mesa. At nagsimula na silang kumain.

BALAK ni Linkurt na umuwi na pagkatapos ihatid si Airabelle pero hanggang ngayon ay hindi pa rin siya nakaalis sa car park ng hotel. Nasa loob pa rin siya ng kotse habang iniisip kung ano na ang nangyari sa pagkikita nina Airabelle at Arthur.
Napalo niya ang manibela ng kotse sabay bitaw ng masamang salita. Ang tanga mo, Linkurt! Ang tanga-tanga mo! Parang gusto niyang pumasok sa loob at hilain si Airabelle palabas.
Napadako ang tingin niya sa dashboard ng sasakyan. Hindi niya alam kung bakit parang may nag-uutos sa kanyang buksan iyon. Nang mabuksan niya iyon, una niyang nakita ng CD na iyon ng boy band na A1. Naalala niya, binili niya iyon during college days. Sikat ang boy band na iyon noon. Iyon ang pinakaunang album ng A1.
Isinalang niya iyon sa stereo. He selected track number twelve. Iyon ang paborito niyang pakinggan na kanta roon.
You and I cannot hide the love we feel inside... the words we need to say... I feel that I have always walked alone... But now that you’re here with me, there’ll always be a place that I can go...
Ewan ba niya, kapag naririnig niya ang kantang iyon ay si Airabelle lang ang nagiging laman ng isip niya. At wala na siyang naiisip pang iba.
I could fly when you smile... I’d walk a thousand miles to hear you call my name... And now that I have finally found the one... who will be there for me eternally... my everlasting sun...
Ngayon lang niya na-realize na hindi pala niya kayang wala si Airabelle sa tabi niya. He must admit, he’s in love with her. Hindi na niya kayang itago pa iyon. At nakapagdesisyon na siya, sasabihin na niya ang nararamdaman niya dito. Hindi niya hahayaang mapunta si Airabelle kay Arthur.
Bahala na.

KANINA pa tawa nang tawa si Airabelle habang nagkukuwentuhan sila ni Arthur tungkol sa mga nangyari sa buhay nila. Nabanggit niya rito ang pinsan nitong si Valerie pero sandali lang nilang napag-usapan ang babae.
Hindi pa rin nagbabago si Arthur. Palabiro pa rin ito. Hindi nga siya nakakain nang maayos dahil puro tawa na lang ang nagagawa niya. Wala na nga siyang ganang kumain. Puro hangin na yata ang laman ng tiyan niya.
Pero nang napatingin si Arthur sa entrance ng restaurant ay unti-unting napalis ang ngiti nito sa mga labi. Napalingon siya sa tinitingnan nito; nakatalikod kasi siya roon. Ang seryosong mukha ni Linkurt ang nakita niya. Ano ang ginagawa nito roon? Akala niya ay umuwi o pumunta sa kung saan.
“Linkurt?” aniya habang papalapit ito sa kanila.
“Let’s go, Airabelle. Umuwi na tayo,” yaya nito nang makalapit ito sa kanya.
“Pare, akala ko ba napag-usapan na natin 'to? Ako na ang maghahatid sa kanya, hindi ba?” sabi ni Arthur.
“Sabay na kaming uuwi. Nakita mo naman siya, 'di ba? Matagal na rin naman kayong nag-usap, ah.”
“Pare naman. I understand your attitude. Pero pagbigyan mo naman ako ngayon.”
Pero sa kanya lang nakatuon ang pansin ni Linkurt. “Narinig mo ba ako, Airabelle? Halika na. Let’s go home.” Hinawakan siya nito sa palapulsuhan.
“No, Airabelle. I’ll take you home,” ani Arthur. Hinawakan din siya nito sa kabilang palapulsuhan niya.
Palipat-lipat ang tingin niya sa dalawa. Seryosong nakatingin ang mga ito sa isa’t isa. Nang hinila siya ni Linkurt ay hinila rin siya ni Arthur. Hindi niya alam kung kanino sasama. Hindi rin niya alam kung ano ang gagawin niya.
“Linkurt, ano ba’ng nangyayari sa 'yo? Akala ko nga umuwi ka na, eh. O kaya ay pumunta sa kung saan. M-magpapahatid ako kay Arthur. Kaya mauna ka na.”
Hindi na ito nagsalita. Dahan-dahan nitong binitawan ang kamay niya, tumalikod at naglakad palabas.
Sorry, Linkurt, aniya sa sarili habang sinusundan ito ng tingin. Hanggang sa nawala na ito sa paningin niya. Gusto niyang umiyak. Nalungkot siyang makitang bagsak ang mga balikat nitong umalis.
“Are you okay?” ani Linkurt nang pumihit siya paharap dito. Halata naman kasing hindi siya masaya.
“Y-yeah.” Pinilit niyang ngumiti.
“No, you’re not. Don’t deny it. It’s obvious. Balak ko pa sanang mamasyal tayo pero kailangan na siguro kitang iuwi.”
“S-sige. Pero ubusin muna natin 'tong mga pagkain. Nanghihinayang ako sa ibinayad mo sa mga 'to.”
Natawa ito. “Talagang seryoso pa ang pagkasabi mo, ha. Umupo na tayo at ubusin na natin ang mga pagkain.”
Napangiti na lamang siya.

My 24/7 Piece of Heaven [PUBLISHED under PHR]Hikayelerin yaşadığı yer. Şimdi keşfedin