Kabanata 5 - Mapangiti

43.9K 3.7K 3.6K
                                    

Kabanata 5 - Mapangiti


SORRY?


Ano kaya ang kahulugan ng salitang banyagang kanyang binitiwan kanina sa gitna ng ulanan? Kahit nais ko ang tanungin si Ginoong Heros ay hindi ko maapuhap ang aking dila upang magsalita sa kadahilanang mas nangingibabaw ngayon sa akin ang hiya. Kanina lamang ay pinalayas niya ako matapos bulyawan, ngunit heto at ngayo'y naririto na naman ako sa loob ng kanyang tahanan.


Datapwat nagawa ko lamang ang pamimigay ng kanyang impok na pagkain dahil sa awa ay mali pa rin ang aking nagawa. Saan mang anggulo sipatin, mali talaga ang mamigay nang hindi mo naman pagmamay-ari. Subalit ako'y nagugulumihanan sapagkat batid kong galit sa akin si Ginoong Heros kanina, ngunit bakit ngayon ay dagli siyang nag-iba ng nararamdaman? Bakit siya nagpabasa sa ulan para lamang ako'y puntahan?


Sa gitna ng aking takot at pagkabalisa sa madilim at basang kalsada ay bigla siyang nagpakita. Ako ay kanyang hinila at ikinulong sa mga bisig niya at sa isang kisapmata, pinawi niya ang lahat ng aking pangamba.


"Ano't parang galit ka pang sinundo kita?" sita sa akin ni Heros nang silipin niya ang aking mukha.


Napatuwid ako sa aking pagkakatayo. Kanina pa pala siya nakamasid sa akin. Hindi naman ako galit, bagamat ako'y nahihiya. At hindi ko naman batid na iba pala ang reaksyon ng aking mukha kaysa sa aking tunay na nadarama.


Binato ako ni Heros ng isang malapad at makapal na tela. "Oh, towel. Punasan mo 'yang buhok mo!"


Nanatili akong tahimik.


"Ano ba, galit ka ba?!"


"Ha?"


"Ano bang problema mo?!" Muling nagsalubong ang kanyang mga kilay.


"Wala..." mahinang anas ko.


Pinakatitigan niya ako nang matagal saka siya sumimangot. 


Hindi ko maunawaan kung bakit bigla na naman siyang naging suplado. Umiwas na lamang ako sa kanya ng tingin upang hindi na siya lalong makadama ng pagkainis sa akin.


"O, oh! Tingnan mo 'tong babaeng 'to!" Bigla niya akong dinuro. "Di raw galit 'tapos ganyan? May pairap ka pa diyang nalalaman!"


Napakunot ang aking noo. "Ginoo—"


"Heros nga. Heros!" Namulsa siya habang ang kanyang mga kilay ay magkasalubong. "Sabihin mo kung galit ka, ah! Hindi iyong kino-cold treatment mo ko! Ikaw na nga diyan ang sinundo sa ulanan, ikaw pa diyan mayabang!"


"Paumanhin kung iba ang dating sa iyo ng aking pananahimik." Sa wakas ay tuwid akong napagsalita. Tutal kanya na ring binanggit ang pagsundo niya sa akin kanina sa ulanan, maari ko sigurong pakawalan ang tanong na kanina pa umuukilkil sa aking isipan. "Ginoo—Este Heros. Ako'y labis lamang na nagtataka kung bakit sinundo mo ako sa labas kanina gayung batid nating dalawa na ako'y nakagawa sa 'yo ng kasalanan."

Future With YouWhere stories live. Discover now