Chapter I

99 11 19
                                    

Selda ng buhay, posas ng nakaraan.
Palahaw ng puso’t isipa’y kalayaan.
Halakhak ng luha, ngiti ng kalungkutan.
Pag-ikot ng mundo'y nalalapit na kamatayan.

Aking isinara ang libro na naglalaman ng koleksiyon ng mga tula at ibinalik ito sa pinakatatago kong lalagyan. Sino nga bang mag-aakala na ang 'sang tulad ko’y may interes sa mga ganitong klaseng katha?

Tiningnan ko ang aking repleksiyon sa salamin. Mapungay na mga mata, namumulang balat, pawis na tumatagaktak, at buhok na mula pagkagising ay hindi pa nasusuklayan. Iba yata ang maglalaro sa isipan ng sangkatauhan kapag lumabas ako ng bahay nang ganito ang aking itsura.

Hinawi ko ang aking buhok. Hindi na ako nag-atubili pang kumuha ng suklay kaya’t diretsahan ko na itong ipinuyos. Kinuha ko ang tuwalyang nakasukbit sa aking kanang balikat na siyang ipinangpunas ko sa pawis mula sa aking leeg hanggang sa aking mukha.

Katatapos ko lamang maglinis ng aking silid. Kasabay na noon ang pagsasaayos ko sa mga kagamitan dito—mula sa pinakamaliit na mga alahas hanggang sa pinakamalaking mga kagamitang kahoy—na tila ilang buwan nang hindi nailalagay sa ayos.

Ngumiti ako at kinindatan ang sarili.

'Parang tanga,' ani ko sa aking isipan ilang segundo lamang ang nakalipas.

Iiling-iling akong tumayo sa pagkakaluhod at napangiwi sa sariling kagagawan.

Alas tres y medya pa lamang ay gumising na ako para maagang makapag-umpisa sa paglilinis, ngunit alas otso y medya na ako nakatapos. Nakapagpatagal pa ang minu-minuto kong paghinto kapag nakakakita ako ng mga kagamitang nagdadala ng mga alaala.

Huminga ako nang malalim bago lumabas sa aking silid upang magtungo sa hapag-kainan.

"Magandang umaga, hija," bati sa akin ng mayordoma pagkalabas na pagkalabas ko pa lamang ng aking silid na siyang ikinagulat ko. "Tanghali ka na yatang nagising ngayon, ah?" dagdag niya pa.

Itinago ko ang aking pagkagitla.

Ilang segundo kong kinalma ang aking sarili bago ko siya nginitian at sinabing, "Ah, hindi po. May inayos pa po kasi ako kaya ngayon lang ako nakalabas ng kwarto."

"Oh, siya, sige, maiwan na kita riyan at marami pa akong gawaing kailangang tapusin," paalam niya.

"Magandang umaga rin po pala," pahabol kong sambit.

Binilisan ko ang paglalakad ko habang ang aking kanang kamay ay nakapatong sa aking dibdib na tila ba pinapakiramdaman ang bawat pagpintig ng aking puso.

Nagpatuloy lamang ako sa paglalakad hanggang sa marating ko ang hagdan na nagmistulang ilang kilometro ang layo sa aking silid.

Kanina pa kumakalam ang tiyan ko.

"Kung hindi lang talaga parang napagdausan ng giyera 'yong kwarto ko, eh," bulong ko sa aking sarili.

Sumulyap ako sa ibaba. Tumingin rin ako sa bandang kanan at kaliwa. Nang masigurong walang tao ay sumampa ako sa barandilya. Bumilang ako hanggang tatlo bago niluwagan ang aking hawak at nagpadausdos paibaba.

Nakalulugod maranasan ang mga bagay na naipagkait sa akin mula sa aking pagkabata.

Humagikhik ako at bumaba na mula sa barandilya. Inayos ko ang suot kong pang-ibaba at pinagpag nang makailang ulit ang bahagya kong nagusot na pang-itaas.

Kamuntikan na akong mabuwal sa pagkakatayo nang makarinig ako ng isang tikhim.

"Aria, hindi mo na muling gagawin iyon, nagkakaintindihan ba tayo?" wika niya sa isang maawtoridad na tono.

Always and ForeverTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon